Trigger Warning: Mention of sexual abuse, rape
Halos isang buwan na ang nakararaan mula nang makaranas umano si Sandro Muhlach ng seksuwal na pang-aabuso.
Pero hanggang ngayon, nakakaramdam pa rin daw siya ng pandidiri sa sarili dahil sa pang-aabusong ginawa umano sa kanya ng suspended GMA-7 independent contractors na sina Jojo Nones at Richard "Dode" Cruz sa isang hotel noong Hulyo 21, 2024.
Read: GMA-7 names "independent contractors" in Sandro Muhlach incident
Sa kauna-unahang pagkakataon mula nang maganap ang insidente, nagsalita si Sandro sa pamamagitan ng virtual participation niya sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ngayong Lunes, Agosto 19, 2024.
Pinangunahan nina Senator Robin Padilla at Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ang pagdinig.
Naging maingat si Sandro sa pagsagot sa mga tanong ni Estrada dahil ngayong araw ay pormal na siyang naghain ng mga reklamong rape through sexual abuse at acts of lasciviousness laban kina Nones at Cruz sa Department of Justice.
Read: Sandro Muhlach naghain ng reklamong rape, acts of lasciviousness
Pero bago tinapos ni Padilla ang senate hearing, hiniling ni Sandro na bigyan ito ng pagkakataong magsalita tungkol sa kanyang karanasan.
Pinayagan naman siya nina Padilla at Estrada.

SANDRO MUHLACH FINALLY SPEAKS UP
Katabi ang kanyang legal counsel na si Atty. Czarina Quintanilla-Raz, inilahad ni Sandro ang kasalukuyan niyang estado matapos ang pang-aabusong naranasan umano niya sa kamay nina Nones at Cruz.
"Pasensiya na rin po kung hindi po ako nakapag-attend sa previous senate hearings.
"Pero more than that, advice sa akin ng doctors ko sa NBI, na hindi pa po talaga ako handa na pag-usapan yung buong nangyari sa akin.
“Nakakatakot po kasi at nakakahiya po. Ang hirap kasi po para sa akin na makita silang dalawa, like, live," pagtukoy ni Sandro sa dalawang inireklamo niya.
Pagpapatuloy niya, “Maraming salamat po sa pag-intindi.
"And ayoko rin po kasing mangyari ito sa iba kaya po sabi ko sa kapatid ko na sana huwag mangyari sa kanya yung nangyari sa akin kasi napakahirap ho.
“Hirap na hirap po ako makatulog. Hindi po ako makakain.
"Araw-araw po ako na ina-anxiety saka hanggang ngayon po, diring-diri pa rin ako sa sarili ko."
SANDRO MUHLACH: "I AM NOT OKAY."
Kasunod nito ay inamin ni Sandro na hindi siya "talagang okay" dahil sa masamang karanasang ito.
Saad niya, "I try my best to be okay para hindi masyadong mag-alala yung pamilya ko.
"Pero yung mommy ko na nasa States, araw-araw na umiiyak kasi sinisisi niya yung sarili niya na malayo siya sa akin at hindi niya po ako maprotektahan.
“Yun po yung every day ko na naiisip para maging okay po ako, pero yung totoo po, hindi po talaga ako okay."
Naniniwala raw si Sandro na kailangang protektahan ang lahat ng mga biktima ng sexual abuse.
"Bilang isang biktima, nais ko po ibahagi yung pinapaniwalaan ko na puwedeng ma-consider po.
“Una po yung laws na related sa sexual abuse should all be gender neutral—mapa-babae, mapa-lalaki man—dapat po non-traditional yung sexual acts.
"Hindi naman po namimili ng kasarian ang sexual abuse and marami naman po paraan na pang-aabuso na baka hindi po malinaw sa ating mga batas na ginagawa lamang ng mga babae at lalaki.
“Sana po magkaroon ng batas para protektahan yung mga biktima. Nakakatakot po kasi talaga, like sabi po ni Kuya Gerald Santos, it’s really hard to speak up."
Dumalo rin sa pagdinig sa Senado kanina ang singer na si Gerald Santos, na inilahad na biktima rin umano siya ng rape noong 2005, sa edad na 15.
Ang itinuturo niyang gumawa nito sa kanya ay isang dating musical director ng sinalihan niyang singing contest sa GMA-7 noon, ang Pinoy Pop Superstar, kung saan siya ang itinanghal na grand champion.
Read: Gerald Santos on why he is speaking up amid Sandro Muhlach issue
SANDRO MUHLACH ON NOT TELLING ABOUT HIS ORDEAL AT FIRST
Ayon kay Sandro, noong una ay nahirapan at natakot siyang magsumbong tungkol sa nangyari sa kanya.
Lahad niya: "Kahit po sa papa ko, nahirapan po akong magsabi. Umiiyak po ako sa harap niya.
"Kasi napakahirap po tanggapin na binaboy ka. Hinarass ka, lahat po ng bagay na yon, para ka pong inaapak-apakan. So, parang nakakababa ho.
“Nakakatakot po talagang magsumbong. Ako nga po, inabot ako ng sampung araw bago po ako magsabi, mag-report.
"Actually, ayoko po talaga kumalat ito kasi natatakot po ako na maapektuhan yung career ko sa GMA. Kasi, three years ko po inalagaan yung pangalan ko sa GMA.
“Lahat po, pinakisamahan ko nang maayos. Lahat po ng mga boss ko. Even yung manager ko, alam po nila yan.
"And sana po, magkaroon ng support services na ready na makapagsumbong po agad yung mga biktima na katulad ko po.
"Kasi hindi naman lahat, may kakayahan na magsumbong freely. Kasi, puwede po silang balikan ng perpetrators na gumawa ng case na yon.”
Read: Niño Muhlach gets emotional at Senate hearing on son's ordeal