Sa wakas ay binasag na ni Ken Chan ang kanyang pananahimik ukol sa kinahaharap na syndicated estafa case sa Quezon City Prosecutor's Office.
Nag-ugat umano ito sa isang maanomalyang investment deal na nagkakahalaga ng PHP14 million.
Sa kanyang social media accounts ngayong gabi ng Huwebes, November 14, 2024, naglabas ng pahayag si Ken.
Ito raw ang paraan niya upang ihayag ang kanyang panig ukol sa kinakaharap na kaso.
Iginiit niyang hindi siya nanloko ng tao kundi nalugi ang kanyang negosyong restaurant.
Panimula ni Ken: "Personal kong babasagin ang aking katahimikan sa kumakalat na version ng kaso na isinampa laban sa akin dahil sa pagkalugi ng itinayo naming negosyo na Café Claus na nagkaroon ng tatlong branches at nagsara.
"Hindi po ako nanloko ng tao, naitayo po ang negosyo ngunit hindi ito nagtagumpay.
"Hindi po dahil ito ang amount na isinampa laban sa akin ay ito na ang buong katotohanan.
"Sasabihin ko po nang buong-buo ang actual na numero at detalye na masyado nang naging exaggerated dahil sariling panig pa lamang ng complainant ang inilabas nila."
Read: Ken Chan, sinampahan ng kasong syndicated estafa?
KEN CHAN ON FAILED BUSINESS
Dagdag pa ni Ken, hindi maintindihan ng kanyang kampo kung bakit syndicated estafa ang isinampang kaso sa kanya.
Darating umano ang araw na siya naman ang maglalabas ng ebidensiya laban sa mga aniya'y "mga taong gusto akong pabagsakin."
Pagpapatuloy ni Ken, "May mga bagay kami na kailangang ipaglaban lalo na kung bakit naisampa ito bilang syndicated estafa, na kung tutuusin ay dapat umiikot lamang sa pagkalugi ng negosyo.
"Ako naman po ang maglalabas ng mga detalye sa mga darating na pagkakataon dahil patuloy po ang pagdikdik sa akin ng mga taong gustong sirain ang pagkatao ko.
"Sa mga hakbang na ginawa nila mula pa noong nakaraang taon hanggang ngayon, makikita ninyo ang intensyon ng mga taong gusto akong pabagsakin."
Mariin din niyang pinabulaanang nanloko siya ng tao at nanghingi siya ng pera para sa kanyang negosyo.
Nalugi lang daw talaga ang kanyang restaurant.
Ayon pa sa aktor, pinagplanuhan umano ng ilan niyang business partners na pagbagsakin ang kanyang kumpanya at sirain ang kanyang pangalan.
Aniya, "Kaunting panahon po at ilalabas ko lahat ang katotohanan kung bakit nangyari ito sa kumpanya. Hindi po ako nanghingi lang ng pera at nanloko tulad ng akusasyon sa akin.
"Nalugi po ang Café Claus at isa sa malaking dahilan na rin ay dahil sa ilang business partners namin na nagplano para pabagsakin ang kumpanya at patuloy na sirain ang aking pangalan."
READ: Kampo ni Ken Chan, tahimik sa estafa case laban sa aktor
Ken CHAN ON BREAKING HIS SICELNCE
Ayon pa sa Kapuso actor, pinili niya noong manahimik at lumaban sa pamamagitan ng batas.
At naniniwala raw siya na sa tulong ng Diyos ay mairaraos at malalampasan niya ito.
Saad ni Ken, "Pinili ko pong manahimik pansamantala dahil sa una pa lamang po ay inilalaban ko na ito legally, kasama ng mga taong nagmamahal at sumusuporta sa akin sa sitwasyon kong ito. Naniniwala ako na sa awa ng Panginoon ay mairaraos ko po ito.
"Lumalaban po ako at hindi tumatakbo palayo sa isinampang kaso sa akin. Mahigit isang dekada kong pinaghirapan ang aking career at hindi dahil sa akusasyon ng iilan ang magtatapos ng napakagandang future na inilaan para sa akin ng Panginoon."
Humingi rin ng dispensa si Ken sa mga kumpanyang sumusuporta sa kanya na naapektuhan sa kanyang pinagdadaanan. At sa mga taong patuloy na "nagmamahal at naniniwala" sa kanya.
Pagtatapos ni Ken, "Sa mga Companies at Brands na associated sa akin na naapektuhan sa sitwasyon na ito, paumanhin po sa inyong lahat. Babawi po ako sa inyo. Sa kabila ng lahat gusto kong magpasalamat sa pagsuporta at pag-unawa ninyo sa akin. Ramdam ko po ang pagmamahal ninyo.
"At sa mga taong patuloy na nagmamahal at naniniwala sa akin, lalaban po ako. Patuloy po ninyo akong isama sa mga panalangin ninyo."
View this post on Instagram
Sa comments section, nagpaabot naman ng suporta ang ilang celebrities at netizens kay Ken.

Noong November 8, 2024, nagtungo ang pulisya sa bahay ni Ken para i-serve ang warrant of arrest nito.
Bigo ang pulisya na makita si Ken dahil walang tao sa bahay ng aktor.
Read: Ken Chan charged with syndicated estafa over P14M investment deal
Sa ngayon, hindi alam ng publiko kung nasa bansa o abroad ang aktor.
