Bilang resident kontrabida ng Kapuso network, inamin ni Thea Tolentino na minsa'y nadadala niya ang karakter sa totoong buhay.
"Natural na yata sa akin," pabirong sagot ni Thea sa interview nito sa programang Lutong Bahay ng GTV noong November 25, 2024.
"Dati akala ko mabait ako, pero kasi sa bahay, lagi kami parang galit mag-usap ng pamilya ko.
“So, parang sanay ako na galit lagi sa tono ng pananalita.”
Pag-amin pa ng 28-year-old Kapuso actress, namana niya ang pagiging masungit sa kanyang ama.
“Parang maliit na bagay lang, ang laki ng reaksiyon namin ng tatay ko, kaya yung nanay ko, na-i-stress,” tawa pa ni Thea.
Read: What wearing two-piece swimsuit means to Thea Tolentino
THEA TOLENTINO LOOKS UP TO GLADYS REYES, JEAN GARCIA
Hinahangaan naman ni Thea sina Gladys Reyes at Jean Garcia, dahil sa mata pa lang daw nila ay ramdam na ang pagiging kontrabida nila.
Ani Thea, una niyang natikman ang bagsik ni Gladys sa Pyra: Babaeng Apoy, ang kanilang pinagbidahan na teleserye noong 2013.
“Saksakan ng bait ng role ko sa Pyra. Kasi sinasabunutan na ako, may 'po' pa rin yung linya ko,” tawa ni Thea.
Hindi naman daw malilimutan ni Thea ang magkakasunod na sampal na binigay sa kanya ni Jean sa teleseryeng The Half Sisters noong 2014.
Paglalahad niya, “Pinayuhan niya akong huwag umilag sa sampal kasi baka tumama sa ears, delikado iyon. Tulungan talaga kami.
"At alam naman din nating lahat na isa sa mga malalakas sumampal si Ms. Jean, at totoo lahat ng sampal. Kaya uminit yung pisngi ko ng one hour or more.”
Pagdating naman sa sarili niyang performance, hindi na raw bothered si Thea sa mga natatanggap niyang negative feedback at comments ng mga nakakapanood sa kanya.
“Hinahayaan ko na lang sila. Tinatanggap ko na lang na magandang feedback yun sa trabaho ko,” diin ni Thea.
Read: Jennica Garcia recounts sampalan scene with mom Jean Garcia
THEA TOLENTINO ON BEING HER family's breadwinner
Simula noong manalo si Thea sa GMA-7 reality competition show na Protege: The Battle For The Big Artista Break noong 2012, nagsimula na siyang maging breadwinner ng kanilang pamilya.

Aminado si Thea na minsan ay na-o-overwhelm siya.
Kuwento ni Thea, "Pinakamahirap for me is yung kayanin mo na suportahan yung sarili mo emotionally and physically.
“‘Pag breadwinner, siyempre monetary help sa family. So bukod dun, sa akin hindi naman kasi ako maluho kaya parang okay lang sa akin. Parang kinaya ko na lang din.
"Parang magkukusa ka na rin, e, kasi family. Nag-aabot ako, hindi fully. Kasi ang hirap din, nag-i-invest din tayo sa sarili natin.
"Na-fi-feel ko na yung weight tapos hindi ko siya malabas, so pumunta ako sa church and then iyak ako nang iyak.
“Nung day na yun, hindi ko sinabi sa parents ko. You can help your family, but pinaka-importante talaga is tulungan mo muna sarili mo. Because how can you help other people if you yourself na-lo-lost ka?"
Nakadagdag daw sa pressure na naramdaman noon ni Thea nung nagkasakit ang pareho niyang magulang. Inatake sa puso ang kanyang ama at na-stroke naman ang ina niya.
"Parang dun lang ako na-pressure na parang kapag wala akong sapat na kita...Anytime kasi, yung health, dun lang ako nape-pressure."
Sa isang post ni Thea sa Instagram, paminsan-minsan daw ay binibigyan niya ang sarili ng reward dahil sa pagiging masipag niya sa trabaho.
Sabi niya sa kanyang post, “Being a breadwinner taught me to be practical. Pero minsan nasosobrahan.
"Noong una, I don't reward myself for the hard work I've been doing.
“I would watch concerts, get lost, meet new people... and those one to two weeks of traveling was enough reward for me for the whole year.
“May this post remind you to reward yourself from time to time. Deserve natin to from all the hard work at hindi naman kailangan expensive.”
Mapapanood si Thea Tolentino next year sa GMA Afternoon Prime show na Binibining Marikit kasama sina Herlene Budol, Cris Villanueva, Almira Muhlach, Dr. Rob Walcher, Ashley Rivera, John Feir, Jeff Moses, at Migs Almendras.
