Mahigit tatlumpung artista ang maglalaro sa MMFF Celebrity Golf Tournament na gaganapin sa Disyembre 3, 2024, Martes sa Wack-Wack Golf and Country Club, Mandaluyong City.
Ito ang isiniwalat ni MMDA Chairman at concurrent MMFF ExeComm Chairman Atty. Romando “Don” Artes sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa mediacon ng pelikulang The Kingdom kahapon, Nobyembre 29, Biyernes sa Novotel hotel sa Cubao, Quezon City.

Kabilang sa players sina Buboy Garrovillo, Zanjoe Marudo, Cristine Reyes, Derek Ramsay, John Estrada, Paolo Paraiso, Kier Legaspi, Cesar Montano, Daisy Reyes, Anthony Suntay at iba pa.
Bukod pa riyan ang MMFF stars na manonood.
5:00 A.M. ang umpisa ng registration, at 7:00 A.M. ang shotgun tee off. Maghapon ang tournament. 9:00 P.M. ang awarding of winners.
KONSYERTO SA PALASYO
Naurong ang MMFF Parade of Stars na naunang napabalitang gaganapin sa Disyembre 15, Linggo.
Sa halip, gaganapin sa araw na iyon ang Konsyerto sa Palasyo para sa Pelikulang Pilipino umpisa 6:00 P.M. sa Kalayaan Grounds ng Malacañang Palace, Manila.
Smart casual ang dress code sa concert na dadaluhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Inayos namin yung mga schedules. Maganda rin kasing event yung sa December 15,” pahayag ni Atty. Don.
“Supposedly December 14 yung original pero nothing final pa naman at that time. E, since meron ding pakonsyerto sa Palasyo para sa movie industry, minabuti namin na i-move.
“Kasi unang-una, mas malapit sa December 21 na Parade of Stars. And another event yung sa Konsyerto sa Palasyo which is a venue for promotion ng movies natin sa MMFF.”
Marami ba sa 50th MMFF stars ang kumpirmadong dadalo sa Konsyerto sa Palasyo?
“Yes! In fact lahat ng major stars except for two ang a-attend,” tugon ni Atty. Don.
“Almost a hundred stars, producers, directors, screenwriters ay nag-confirm na pupunta sa Konsyerto sa Palasyo.”
Matatandaan na sa inauguration ng MMFF Auditorium last year sa New MMDA Bldg., Julia Vargas Ave., Pasig City ay nagsama-sama ang mga bidang artista sa 49th MMFF.
“This time mas malaki dahil mas kumpleto yung mga stars.”
Read: Movie industry leaders, nakipagpulong kay First Lady Liza Marcos
MMFF 2024 PARADE OF STARS new schedule
Ang opening ceremony ng MMFF 2024 Parade of Stars sa Disyembre 21, Sabado ay sa Kartilya ng Katipunan malapit sa Manila City Hall.
“Magtatapos ang parada sa National Museum sa Padre Burgos Ave. So isasara natin iyan sa December 21,” pagbabalita ni Atty. Don.
“Babagtas ang parada sa Roxas Blvd. to relive yung tradition. Kasi kung matatandaan mo, lagi sa Roxas Blvd. yan. So may portion na dadaan doon.”
Ang Manila ang host city ng 50th MMFF, kaya asahang maraming kalye ng lungsod ang daraanan ng parada ng mga bituin.
MMFF 2024 GABI NG PARANGAL
Gaya ng nakagawian, sa Disyembre 27 ang Gabi ng Parangal ng MMFF. Pero hindi na sa napabalitang Metropolitan Theater (MET) ng Manila ang awards night ng golden edition ng MMFF.
“Masyadong maliit ang MET. Nasa 300 lang ang capacity,” paliwanag ni Atty. Don.
“E, ang target namin is 800 to 1,000 guests. Gusto rin naming imbitahan yung mga former stars na once upon a time ay naging bahagi ng MMFF.
“Gusto rin namin silang… hindi man award-an pero we want them to participate dito sa 50th anniversary ng MMFF.”
Kumusta ang composition ng mga hurado sa MMFF 2024?
“Secret! Ha! Ha! Ha! Ha!” natawang bulalas ni Atty. Don.
“Siyempre, meron na kaming mga naka-lineup subject sa availability ng mga napipisil nating maging juror.
“Like, meron kaming isang kinausap na aktor na talented and multi-awarded. Nag-decline siya dahil sa conflict of schedule. Meron siyang prior commitment.
“Pero may nakuha rin naman kaming another actor na multi-awarded. Binabalanse naman natin iyan. Kumukuha tayo ng direktor, producer, screenwriter, yung mga ganun.”
MMFF 2024 BOX-OFFICE RECORD, MALALAGPASAN KAYA NGAYONG TAON?
Mahigit P1B ang kinita ng 49th MMFF, pinakamalaki sa kasaysayan ng filmfest.
Malalagpasan kaya ng 50th MMFF ang box-office record niyon?
“Well, I’m crossing my fingers na malagpasan. Hoping ako. Hoping.”
Balik-sigla ang takilya mula noong Nobyembre 13 na ipinalabas ang KathDen reunion movie na Hello, Love, Again, na siya nang highest-grossing Filipino film of all time.
Bumalik ang moviegoers, lalo pa’t sumunod ang showing ng Hollywood films na Wicked at Moana 2. Sa Disyembre 4, Miyerkules ay inaasahang dudumugin din ang Gladiator II sa local cinemas.
“Yes, I’m looking forward nga na ma-sustain. And lagi ko nga iyang sinasabi, na sana hindi lang sa MMFF, which is nangyayari na although hindi pa ganun kadalas.
“Pero sana after this 50th edition, mag-spill over na — yung mga pelikulang Pilipino na ipinalalabas sa sinehan ay tauhin din at kumita para mas marami pang maengganyo na gumawa ng mga de kalidad na pelikula na talaga namang tatangkilikin ng ating mga kababayan.”
Mga ilang sinehan ang pagpapalabasan ng sampung official entries ng MMFF 2024?
“Nasa 900 plus. Nung nakaraan, 800 plus lang tayo. Nagbukas ang cinemas na magbubukas sila ng 900 plus cinemas nationwide.”
Magtataas ba ang ticket price sa 50th MMFF?
“Same lang din naman.”
CINEGANG INITIAL MEETING, GOOD SIGN PARA SA FUTURE NG LOCAL MOVIE INDUSTRY
Present si Atty. Don sa unang miting ng CineGang, Inc. noong Nobyembre 22, 2024, Biyernes sa Laperal Mansion, Manila.

Ang nag-organize ng CineGang meeting ay si First Lady Liza Araneta Marcos.
Um-attend din doon sina Vilma Santos, Christopher de Leon, Tirso Cruz III, Direk Jose Javier Reyes, Direk Laurice Guillen, Direk Perci Intalan, Direk Paolo Villaluna, Atty. Joji Alonso, Roselle Monteverde, at iba pang stakeholders ng local movie industry.

“Doon mo makikita yung support ng government sa Philippine movies,” lahad ni Atty. Don.
“Dahil si First Lady Liza Araneta Marcos na yung on top sa pagbuo ng support na ibibigay ng gobyerno at ng private sector sa movie industry.
“It’s a good sign na ang pamahalaan ay handang tumulong sa industriya ng pelikulang Pilipino.”
Read: First movie ni Jodi Sta. Maria sa Regal, isusumite sa MMFF 2024
