Hindi nakapanood si Grace Torrecampo sa 18th anniversary concert ni Gerald Santos na Grateful noong Hunyo 29, 2024 sa Music Museum, Greenhills, San Juan, MM.
Si Grace ang Pinay girlfriend ni Gerald na bahagi ng U.S. Navy.
“Hindi siya nakahabol. Two days late siya. Ha! Ha! Ha!” sabi ni Gerald sa eksklusibong panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Disyembre 4, 2024, Miyerkules, sa Relish restaurant, Sct. Limbaga St., Quezon City.
Magko-concert muli si Gerald sa Enero 24, 2025 sa Skydome ng SM North EDSA, Quezon City. Courage ang title ng nasabing concert.
Manonood na ba this time si Grace?
“Most probably! Hopefully!”
Katabi ni Gerald si Grace habang iniinterbyu ng PEP. Holding hands sila, at tinginan nang tinginan.
Read: Gerald Santos, maraming beses muntik mag-quit sa pagkanta

LONG-DISTANCE RELATIONSHIP
Mabuti at nakapagbakasyon muli sa Pilipinas si Grace. Bukas, Disyembre 5, Biyernes, ang flight niya pabalik sa U.S.
“Yes, yes, OK naman kami. Very happy, really good. I’m happy she’s here. Usually, ten days-ten days lang siya rito,” sambit ni Gerald.
Hindi balakid ang malayong distansiya sa kanilang pagmamahalan.
“Noong October lang, nasa Turkey kami. Nagbakasyon na kami.”
Bago ang Grateful concert ni Gerald noong Hunyo ay naikuwento niyang gusto na niyang mag-settle down, lalo pa’t naiayos na niya ang lagay ng kanyang pamilya.
“Pumapasok na yung ganung conversations. Kasi siyempre, nasa edad na rin naman ako,” lahad ni Gerald, habang napapangiti si Grace.
“Tapos yun nga, yung family ko, kahit papaano, nabigyan ko na sila ng medyo alam mo yun, komportable na sila kahit papaano.
“So hindi natin maiiwasan na siyempre, papasok na yung conversation na yan para naman ako, para sa sarili ko.
“Sarili kong happiness, and kung maka-build ako ng family ko. Yung mga gusto kong values, yung gusto kong maging upbringing ng aking magiging family, dito ko na mailalagay sa sarili kong pamilya.”
Kumusta ang magiging Pasko niya, considering na andaming nangyari sa kanya this year?
“Yeah, napakadaming nangyari. Generally I would say it would be very merry and happy yung Christmas,” pakli ni Gerald.
“May ilu-look forward na rin agad na mga projects next year. So it’s a happy New Year, happy Christmas.”
Read: Gerald Santos speaks up about "sexual harassment" at 15
COURAGE MOVEMENT
Ibang Gerald Santos ang mapapanood sa Courage concert sa Enero.
“Yung mga current hits, and mga classics na mga kanta, mapapakinggan nila dito,” saad ni Gerald.
“And may ilu-launch din kami dun, yung song na ilalabas namin soon, yung 'Hubad.'”
Sinadyang ibahin ni Gerald ang kanyang tunog sa kantang "Hubad," na may liriko kaugnay sa hubad sa pag-ibig, at paghilom.
Ilulunsad sa naturang Courage concert ang adhikain ni Gerald na Courage Movement.
“It’s about yung mga naa-abuse sexually, harassment. We’re planning na magkaroon ng parang therapy na mga session for the victims,” pagsisiwalat ni Gerald.
“Or legal assistance. Basta, kung ano yung maitutulong namin… we will do that for the victims.
“At in my own small way, para makatulong din ako sa victims like me.”
Kumusta na iyong reklamo niya laban sa musical director na si Danny Tan? Magpa-file na ba siya ng kaso?
“About to. We’re still studying everything.”
Read: Gerald Santos, pinangalanan na ang humalay umano sa kanya
MAHIGPIT NA YAKAP KAY SANDRO MUHLACH
Nang sumambulat ang isyu ni Sandro Muhlach at ng dalawang independent contractors ng GMA-7 noong unang linggo ng Agosto, isa si Gerald sa celebrities na unang sumuporta kay Sandro.
Read: Gerald Santos sympathizes with Sandro Muhlach
Noong Nobyembre 27, pinost ni Gerald sa kanyang Facebook page ang litrato ng pagtatagpo nila ni Sandro sa isang party.
Aniya, “Kahapon, finally ay nagkita na kami ng personal ni Sandro Muhlach! It's nice to meet you bro! I'm here to support in every way i can!”

Kuwento ni Gerald, “Actually kami ni Sandro, magka-chat na kami before pa nung nagsabi ako ng aking support sa kanya.
“We followed each other sa social media, tapos nagkaka-chat na kami. But we never met in person.
“Kasi nung sa Senate noon ay nasa Zoom lang siya. Kasi siyempre, fresh pa yun sa kanya. Traumatized pa talaga siya. Hindi pa niya kayang humarap.
“Kaya nitong just a week ago, nagkaroon ako ng event, kinantahan ko yung birthday ng lola ni Tita Pinky Fernando, doon kami nagkita.
“Na hindi rin namin alam, hindi ko alam na pupunta siya dun. And ayun, sobrang saya ko lang na makita siya.
“We had a long embrace. Sabi ko sa kanya, hindi muna kami nag-usap about dun sa isyu. Basta magka-chat kami very soon para you know makapagkuwentuhan naman kami.”
Read: Sandro Muhlach speaks up about sexual abuse
Bago si Sandro, naunang ka-chat ni Gerald ang ama nitong si Niño Muhlach.
“Nag-meet na kami multiple times ni Kuya Niño sa Senate, di ba? So dun, nagkakausap naman kami.”
Nakitaan ba niya ng courage si Sandro sa pinagdaanan nito?
Mabilis na tugon ni Gerald, “Yes, definitely. Courage talaga yon. Kasi kung may isa akong pinagsisisihan noon, ayun, ako, hindi ko agad talaga nasabi.
“Nung nangyari yun, 15 ako. Talagang wala akong lakas ng loob. I was only a contestant. Nagsumbong ako sa GMA, 2010.”
Nasaan na si Danny Tan? Nasa Pilipinas pa ba siya, o nangibang-bansa na?
“Yun ang di ko alam. I don’t know. Wala kaming alam.”
Sakaling kaharap niya ngayon si Danny Tan, ano ang masasabi niya rito?
Napabuntong-hininga si Gerald, “Ang masasabi ko sa kanya, ano… dapat ano… dapat pagbayaran niya yung ginawa niya.
“Kasi may mga iba pang biktima. And kilala din namin yung iba pa niyang biktima na ayaw pa lang lumabas.”
Read: Who is Danny Tan, celebrated musical director and composer?
AYAW MATULOG NG GABI
May three shooting days pa si Gerald para sa pelikulang Ayaw Matulog ng Gabi, na ang scriptwriter at direktor ay ang NBI agent na si Ronald Sanchez.
“Baka January na kami mag-continue ng shoot.”
Kumusta ang shooting ng nasabing indie movie?
“Grabe yun! Very challenging yung role, first time kong gumanap ng ganun katindi. Kasi villain yung role ko,” salaysay ni Gerald.
“And it was a challenge for me pero fulfilled ako as an actor. Andami kong natutunan as an actor.
“Kasi nasanay ako na parang drama, puro drama, ganun. Ito talaga, iba. Iba yung depth ng acting mo. Talagang na-test.
“So, andami kong natutunan, and hopefully, I’m hoping na maka-bag ng nomination din.” Ano ang mapupulot ng mga manonood sa nasabing pelikula?
“Napakadaming aral na matututunan nila, lalo pa ngayon, napapanahon yung movie!” bulalas ni Gerald.
“It’s about human trafficking, sex trafficking, yung ganun. So mag-iingat talaga tayo.
“Lalung-lalo na sa mga involved sa ganito, na sana, magkaroon tayo ng puso, ng konsensiya.
“Na huwag nating i-exploit yung kahirapan para gumamit or mang-abuso tayo ng mga tao.
“And dun sa karakter ko, yung lesson kasi dun, kumbaga may maling ginawa sa kanya pero gumawa pa siya ng mas maraming mali.
“So, hindi rin yun tama. Na hindi porke’t sinaktan ka, e, mananakit ka na rin, may karapatan ka na ring manakit.
“Or may karapatan kang gumawa ng mali porke ginawan ka ng mali. So it’s a lesson of forgiveness din.”
Read: Sandro Muhlach at Gerald Santos, ano ang mangyayari sa career?
