Masayang-masaya ang direktor na si Zig Dulay nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Porttal) noong Miyerkules, December 18, 2024, matapos ang private screening ng Green Bones.
Read: Zig Dulay does not want to claim "actor's director" title but...
Ramdam na ramdam pa rin kasi niya ang galak matapos mabalitang kasama siya sa listahan ng awardees ng The Outstanding Young Men (TOYM) 2024.
“Sobrang mahalaga sa akin yung TOYM award, kasi para sa akin, ang pamantayan dun ay hindi lang yung excellence dun sa field mo kundi yung impact ng art mo at ng ginagawa mo sa community,” kuwento ni Direk Zig sa media sa opisina ng Columbia Pictures sa Pasig City, kung saan naganap ang private screening.
“Sa mga panahon ngayon, yun ang naiisip ko, e. Ang hirap hirap gumawa ng pelikula, ang hirap-hirap ng field na pinili ko, pero ano ang dahilan kung bakit ako nagpapatuloy? Ito yung mga nagva-validate,” dagdag pa niya patungkol sa natanggap na award.
Ang TOYM ay taunang parangal na kumikilala sa mga Pilipinong may kagila-gilalas na kontribusyon sa kanilang larangan.
Noong Linggo, December 15, nilathala ang mga nanalo sa TOYM awards ngayong taon.
Kasama sa mga nanalo ng TOYM 2024 sina Pia Wurtzbach at ang reporter na si Pia Ranada.
Pagpapatuloy ni Direk Zig, “Ang laking bagay sa akin niyan. Feeling ko may naabot akong ikaka-proud ng nanay at tatay ko, kasi sa panahon ngayon, katulad ng pelikula namin na Green Bones, challenging magpakabuti.
"At yung pagpapakabuti sa paggawa ng pelikula ito ay pagpapakabuti sa ibang tao.”

Read: Iza Calzado grateful for GMA Pictures comeback via Green Bones
NOMINATED BY JESSICA SOHO
Kinuwento ng Kapuso director kung paano niya natanggap ang award.
Si Jessica Soho raw ang nakaisip na ipasa ang kanyang pangalan sa TOYM, kaya’t malaki ang pasasalamat niya sa batikang broadcast journalist.
“Nung tinawagan niya ako, hindi ako makapaniwala. Kasi sa totoong buhay, ang hirap tingnan yung sarili mo na gumagawa ka ng kapaki-pakinabang sa iba until may ibang tao na magsasabi.
"So sinabi niya na ino-nominate kita at ihanda mo ang mga bagay na ito kasi deserve mo siya,” pahayag ni Direk Zig.

Sinunod daw niya ang sinabi ni Jessica na magpasa ng requirements kahit hindi siya naniniwalang karapat-dapat siyang manalo.
“Nahihiya ako sa kanya kasi naniniwala siya sa akin. Pero sa sarili ko hindi ako naniniwala. Nung sinubmit ko na yung requirements, sinabi ko, bahala na kasi unfair naman na hindi ko gagawin yung best ko.”
Read: Green bones natagpuan sa cremated remains ni Maita Sanchez
GETTING THE GOOD NEWS
Lalo pang nagulat si Direk Zig nang matanggap ang balita na nanalo siya ng TOYM award.
“Sobrang saya ko nun kasi 100 plus yung nominees mula sa iba’t-ibang sulok ng mundo. Kasi kahit Pinoy abroad,” pahayag pa niya.
Dahil daw sa TOYM award ay tila naging worth it ang pagsasakripisyo niya sa larangan ng pelikula at entertainment.
“Galing ako ng Isabela, nangarap ako na pumasok sa industriya. Yung napunta sa akin, sobra-sobra pa.”
Sa January 2025 pa magaganap ang official awarding ceremony para sa TOYM 2024.
Bukod kina Direk Zig, Pia wurtzbach, at Pia Ranada, kasama rin sa mga nanalo ang humanitarian na si Jenica Dizon-Mountford, environmentalist na si Billie Dumaliang, scientist na si Roscinto Lumbres, visual artist na si Venazir Martinez, photographer na si Jose Mejia, beterinaryong si Dennis Umali, at ang doktor na si Brent Andrew Viray.
DIREK ZIG DULAY ON GREEN BONES
Naisip ni Direk Zig na konektado sa pelikula nilang Green Bones ang natanggap niyang TOYM award.
“Sumakto siya in a way na ang sinasabi ng Green Bones is sa panahon ngayon, ang hirap-hirap magpakabuti. Kung napansin mo yung bida namin, naghahanap siya ng hustisya, at sa kasagsagan ng paghahanap ng hustisya, may nahanap silang mas mahalagang bagay, which is yung pagpapakabuti.
"And maybe in this lifetime, hindi mo makuha yung hustisya, dahil sa usapin ng power, money. Pero kung pinili mong magpakabuti, baka yun na yung katapat ng hustisya,” paliwanag niya.
At dahil na rin may magandang mensahe na nais ihatid ang Green Bones ay nalungkot si Direk Zig na 40 theaters lang umano ang allocated para sa kanilang entry sa Metro Manila Film Festival (MMFF).
“In-expect namin na sa pag-open ng MMFF, mas marami sanang tao na makapanood. Kasi kung maraming makapanood sa pelikula mo, mas maraming makakaalam ng purpose niya.
"Kasi yun naman yung dahilan kaya namin siya ginawa, ginawa namin siya para mapanood ng maraming tao at makarating sa kanila ang gusto namin sabihin,” saad niya.
Gayunpaman, umaasa pa rin siyang madadagdagan ang sinehan.
Naalala niya ang performance ng pelikula niyang Firefly sa MMFF noong nakaraang taon, na nagsimula lang rin sa kaunting sinehan.
“Sa Firefly last year 30 plus lang yung sinehan, tapos ngayon, ganun pa rin yung bilang. So umaasa kami na habang tumatagal, madagdagan yung bilang,” sabi pa ni Direk Zig.