Umakyat na sa husgado ang reklamong cyberlibel na inihain ni Vic Sotto laban sa direktor na si Darryl Yap kaugnay ng kontrobersiyal na teaser ng pelikulang The Rapists of Pepsi Paloma.
Sa inilabas na resolusyon ng Muntinlupa Regional Trial Court (RTC), nakitaan ng sapat na basehan ang reklamo ni Vic kaya iniakyat na ito sa husgado mula sa fiscal's office.
Ayon sa INFORMATION na may petsang March 17, 2025, two counts ng cyberlibel ang isasampa laban kay Yap.
Nag-ugat ito sa 19 counts ng cyberlibel na inihain ni Vic noong January 9, 2025.
Read: Vic Sotto files 19 counts of cyber libel against Darryl Yap
Bahagi ng nakasaad sa INFORMATION: "The undersigned Assistant City Prosecutor accuses DARRYL RAY SPYKE YAP y BALINGIT of the crime of Libel under Arts. 353 and 355 of the Revised Penal Code, as amended, in relation to violation of Sec.4(c)(4) of R.A. 10175, otherwise known as the Cybercrime Prevention Act of 2012."
Binanggit na isang rason kung bakit nakitaan ng probable cause ang reklamo ay ang direktang pagbanggit ng pangalan ni Vic sa teaser ng hindi pa naipalalabas na pelikula tungkol sa yumaong sexy star na si Pepsi Paloma.
Sa teaser ng pelikula, kung saan tampok sa eksena ang mga artistang sina Gina Alajar at Rhed Bustamante, tinanong ni Charito Solis (Gina) si Pepsi (Rhed) kung totoo bang "ni-rape" siya ni "Vic Sotto."
Pasigaw at mangiyak-ngiyak na sagot ni Pepsi (Rhed), “Oo!”

Dagdag pa ni Assistant City Prosecutor Elvin Keith Barrios sa INFORMATION: "I HEREBY CERTIFY, that the crime or offense charged in this case has a prescribed penalty of not more than six (6) years of imprisonment without regard to fine and hence, an expedited preliminary investigation was conducted in this case pursuant to Section 8, Rule V of DOJDepartment Circular No. 28 series of 2024..."

Sampung libong piso (P10,000) ang inirekomendang piyansa bawat count ng kaso.

Read: Vic Sotto and Darryl Yap face-off in Muntinlupa RTC
VIC SOTTO-DARRYL YAP COURT BATTLE
Noong January 9, 2025, nagsampa si Vic ng 19 counts of cyberlibel laban kay Yap.
Inihain ni Vic ang reklamo sa Muntinlupa City Regional Trial Court.
Habang umaandar ang oras noong araw na iyon, naglabas ng desisyon ang korteng pumabor sa TV host-comedian sa naunang inihaing writ of habeas data petition nito laban sa pagpapakalat pa ng teaser ng pelikula.
Read: Vic Sotto’s writ of habeas data petition granted by court
Pagsapit ng January 13, naglabas na ng gag order ang Muntinlupa Regional Trial Court Branch 205 kaugnay sa reklamong cyberlibel na isinampa ni Vic.
Nakasaad dito ang utos ng korteng ipatupad ang gag order sa lahat ng partidong sangkot sa reklamong isinampa laban kay Yap.
Read: Muntinlupa court issues gag order in Vic Sotto vs Darryl Yap case
Hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapalabas ang pelikula na nakatakda sanang ipalabas noong February 5, 2025.
Read: Darryl Yap nag-react sa statement ng MTRCB tungkol sa Pepsi movie
