Namayagpag si Gardo Versoza sa ST o Sex Trip movies ng Seiko Films noong 1990s.
Kabilang diyan ang Alyas Stella Magtanggol (1992), Sana Kahit Minsan (1992), Paminsan-minsan (1992), Kumusta Ka Aking Mahal? (1993), Isang Linggong Pag-ibig (1993), Machete II (1994), Sabik sa Halik (1995), Kandungan (1995), Kirot 2 (1995), at Halimuyak ng Babae (1996).
Pinaka-memorable kay Gardo sa ST movies iyong Machete II kung saan co-stars niya sina Snooky Serna, Abby Viduya (bago ilunsad bilang Priscilla Almeda), at Harvey Gomez.
Introducing dito si Rosanna Roces o Osang.
Read: Gardo Versoza, 51, aminadong "lawanit" na si Machete

Ang direktor ay si Mauro Gia Samonte, na siya ring nagdirek ng Machete: Istatwang Buhay (1990) na tinampukan nina Cesar Montano, Rita Avila, Joel Torre, Vivian Foz, Rina Reyes, at Toby Alejar.
“Yung naunang babae, yung inayawan niya, so parang yun ang naging tulay para makapasok si Osang,” pagbabalik-tanaw ni Gardo sa storycon ng pelikulang Jackstone 5 noong Marso 18, 2025, sa Max’s restaurant, Sct. Tobias St., Quezon City.
“Sa Machete’ng yun, meron kasing love scene na kumbaga, supposedly, hubo’t hubad ako at nakakadena lang.
“Dapat yun, last day na nung leading lady. So kumbaga, ano na yun, buo na yung film.
“Tapos hindi niya magawa. Kasi magagalit daw yung lola niya!” natatawang sambit ni Gardo.
“Sabi ko, ‘Ikaw na ang bahala. Nakakadena naman ako, e.’ Hindi ko na maalala ang pangalan niya. Nakalimutan ko na.
“Ang alam ko, parang model siya ng soap or something. Tapos yun na lang, dapat tapos na.
“Tapos dahil hindi niya nagawa, wala, naghanap ulit si Boss Robbie [Tan, Seiko Films producer] ng pamalit. So, dun pumasok si Osang.
“Ako yung sobrang nanghihinayang para dun sa babae. Pero ano kasi, siyempre, ano naman niya yun. Sayang hindi natuloy.”

GARDO ON NEW BREED OF SEXY ACTORS
Naglipana ang sandahutay na sexy actors nowadays sa VMX (dating Vivamax). Ano ang maipapayo niya para magtagal sila sa industriya?
“Seryosohin nila yung work. Kasi, kumbaga yung pagpapa-sexy, paikut-ikot naman yan, e,” tugon ni Gardo.
“Dadaan at dadaan lang yan. At kahit naman sabihin mong kung nagseryoso ka na, may mga times din naman na kakailanganin din yung mga sexy scenes sa serye o sa pelikula.
“Iba-ibang timpla na nga lang kung saka-sakali.”
Kaya pa ba niyang lumabas sa VMX? Nagpakitang-gilas doon ang iba pang beteranong aktor gaya nina Francis Mata, Julio Diaz, at Alan Paule.
“Ako kumbaga, parang sa tingin ko, parang kaya pero parang feeling ko, ang dating, parang matanda na ako,” pagmamatuwid ni Gardo.
O masyado siyang maraming trabaho at hindi kailangang mag-VMX?
“Alam ko, may mga offers kay Misis. Pero kasi kumbaga, pini-filter na rin, e,” sabi ni Gardo.
“So, like, parang depende na sa kung anong klaseng love scenes. Hindi na yung kamukha nung dati.”
Read: Hubadero 2024 Yearender: Male Celebrities Who Dared To Bare
Noong kasagsagan ng paggawa niya ng ST or titillating films, nakaranas ba siya ng sexual harassment?
Napakunot-noo si Gardo: “Harassment? Siguro parang hindi naman harassment na masasabi. Pero parang feeling ko…
“Parang napagod ako sa, like, pagdi-disrobe palagi. Parang feeling ko, ‘Ito na lang ba ito palagi?’
“So, parang minsan, there was a point in time na dadating na sa sarili mo na naaawa ka na. Na parang, ‘Ganito na lang palagi,’ hindi ba?
“'Hindi na ba magbabago yung mga roles ko? Ganyan-ganyan.' So yan, kumbaga, parang pinag-pray ko.
“And then awa ng Diyos, yun na nga, dumating yung kay Tita Midz. Yun na. Tapos ngayon naman, para namang kahit konti, hinahanap ko naman ngayon. Ha! Ha! Ha!”
Naging turning point ng showbiz career ni Gardo ang offer ng Reynafilms producer na si Armida Siguion-Reyna o Tita Midz na lumabas sa pelikulang Ang Lalaki sa Buhay ni Selya (1998).
Bida sa nasabing movie si Rosanna Roces, at nasa cast din sina Ricky Davao, Alan Paule, at Eva Darren.
“Ang pagtawid nun, malaking pasasalamat ko kay Tita Midz. Kasi yung pagtawid nun na swabeng-swabe, sa Ang Lalaki sa Buhay ni Selya,” sabi ni Gardo.
“Kumbaga, kontrabida na nagpapa-sexy. After nun, dun na nag-start yung pagiging character actor ko.”

Hindi nag-frontal nudity sa pelikula si Gardo.
Noong nag-meeting sila para sa Ang Lalake sa Buhay ni Selya, ang sabi raw ni Gardo sa direktor na si Carlos Siguion-Reyna, magpo-frontal siya kung siya ang bida.
“Pero siyempre, joke lang!” bulalas ni Gardo.
OK lang kay Gardo na makipag-love scene sa kapwa lalaki, na ginawa niya before sa MMK. Pero ayaw talaga niyang mag-frontal.
Katuwiran pa ni Gardo, “Baka pag sinimulan ko na sa frontal, sa pornhub na ako makikita. Ha! Ha! Ha! Ha!"
Read: Gardo Versoza, ayaw magsalita tungkol sa pulitika dahil "baka mailigpit ako"
ANOTHER GAY ROLE FOR GARDO
Co-stars ni Gardo sa Jackstone 5 sina Eric Quizon, Arnel Ignacio, Jim Pebanco, at Joel Lamangan na siya rin direktor ng pelikula.
Kuwento ito ng limang bading na magkakaibigan mula pagkabata. Apat sa kanila ay naging OFWs sa iba’t ibang bansa. Makalipas ang ilang dekada ay nagkita-kita silang muli.
Magkakasapawan kaya silang limang bida sa Jackstone 5?
“Sa tingin ko, hindi naman. Saka lalung-lalo na, si Direk Joel yung hahawak,” saad ni Gardo.
“So I’m sure, kumbaga, balanced.”
Ang papel ni Gardo ay ang machong bakla na si Pido, naging kolboy sa Pagsanjan, Laguna, at nagtrabahong construction worker sa Saudi.
“Na-excite ako [sa role]. Actually nung magiging direktor ko ulit si Direk Joel, na-excite na ako,” pagtatapat ni Gardo.
“And then dumagdag pa sa excitement yung ganun nga yung role na ibinigay sa akin.
“Kasi, like coming from dun sa kontrabida na masyadong masama, eto kumbaga, light na may mensahe. And then, kumbaga, comedy.”
Nami-miss ba niya iyong pagkakilala sa kanya bilang sexy actor?
Natawa si Gardo, “Actually minsan, ginagawa ko siyang ano, parang idinadaan ko sa biro. Like, dun sa teleseryeng Lumuhod Ka Sa Lupa, sabi ko kasi, parang yung role ko, judge.
“Tapos parang may pagka-sindikato yung ano. So minsan, sinasabi ko, ‘Bakit parang laging boys yung nakapaligid sa akin?’
“Sabi ko, hindi kaya ako pagdudahan dun sa karakter ko? Parang hindi siya talagang di ba, kumbaga, machong-macho.
“Sabi ko, parang hindi ako nasisingitan nung mga girls na may mga ano. So, parang like yung dito sa Jackstone 5, nakakatuwa.
“Kasi malayung-malayo siya sa ginawa ko sa Lumuhod Ka Sa Lupa.”
Read: Gardo Versoza, nawala ang pagdududa sa sarili dahil sa role niya sa Bolera

GARDO VERSOZA ON WEARING HIGH HEELS
Sanay na sanay mag-high heels ang "cupcake" na si Gardo. Patok ang paandar niyang iyon sa socmed.
Keri niyang gampanan yung maharo na role sa Jackstone 5.
Pag-ayon ni Gardo: “Oo, actually umabot dun sa point na kinu-question na nila. Nagdududa na talaga sila.
“Sabi ko, OK lang. Actually, mas apektado yung asawa ko. Sabi niya, ‘Tigilan mo na kaya yung high heels na yan!’
“E, ako naman kasi, kumbaga nae-enjoy ko and at the same time, ginagawa ko siyang parang first training sa workout.
“Parang nakakatulong siya dun sa pagba-bike. And then like ngayon, kumbaga I’m into running na rin.
“Kailangan natin yung balanced exercises.”
Nasobrahan siya sa exercise before, di ba, kaya naospital siya?
Tumango si Gardo, “Oo, actually sabi nga nung doktor, parang masyadong nasagad yung puso. So ngayon, hinay-hinay lang.”
Napikon na ba siya nang pagdudahan siyang bading?
Mabilis na sagot ni Gardo, “Hindi, hindi. Minsan nga, sinasabi ko, ‘Oo. Bakit, may masama ba kung bading ako?’ Ha! Ha! Ha! Ha!
“Umabot na ako sa point na ganun. Kasi parang… parang ang feeling ko, yun yung gusto nilang marinig. So, di ibigay mo yung hilig nila! Di ba?”
Read: Gardo Versoza suffers heart attack from "too much exercise"

ON MAINTAINING SEXY FIGURE
Napapanatili ni Gardo na maganda ang kanyang pangangatawan. Matikas pa rin ang kanyang tindig.
“Actually, malaking factor din yung pagre-remind nung asawa ko,” pagtukoy ni Gardo sa kanyang misis na si Ivy Vicencio.
“Kasi minsan, malilibang ka. Parang ang sarap kasi talagang kumain. Tapos napansin ko, iba na nung kagaya nung kabataan natin, di ba?
“Hindi na kagaya nung ngayon. Minsan feeling mo, konti pa lang ang kinakain mo, pero mabilis nang kumbaga kumarga.
“So, kailangan talaga, doble ingat.”
Paano niya in-embrace iyong pagkakaroon ng edad? Naisip ba niyang magparetoke, magpa-lipo, or whatever para maging younger looking than his age?
Natigilan sandali si Gardo bago sumagot: “Sa akin kasi, parang yung, like, yung dumaan sa ano ni Tito Eddie, Direk Eddie Garcia.
“So, like, parang nung times, like… sa dami ng pinagsamahan namin, parang pag nakikita ko siya, never siyang naging isyu yan, e.
“Like yung mga pile-pileges, di ba? Hinahayaan lang niya yan. So sabi ko, parang maganda ganun lang din.
“Tapos parang hayaan mo lang. Kung parang may kinakailangang ipagawa man, hindi ako masyadong ano dun sa pagpapagawa.
“Kumbaga din kasi, hindi mo alam yung repercussion kung ano yung magiging epekto or after effect kung sakali.”
Read: Gardo Versoza dances in size-12 stilettos, p*ekpek shorts "basta mapasaya mo si wifey"
GARDO VERSOZA'S FIRST SCREEN NAMAE
Ang unang pelikulang pinagbidahan ni Gardo ay Hamunin Ang Bukas… (1988) na tinampukan din nina Cherie Gil, Daniel Fernando, Andro Gueverra, at Mark Tiongson.
Ang screen name pa niya roon ay Mennen Torres.
Anong role o project ang pangarap pa niyang gawin?
Napangiti si Gardo, “Sa ngayon, parang siguro yung pelikula na may mga sayaw-sayaw.
“Kasi parang feeling ko, hindi masyadong na-maximize yung time na nae-enjoy nila ang naka-high heels.
“So, parang feeling ko, mas maganda sana siya kung nagawa na pelikula.”
Bet ni Gardo mag-ballroom dancing nang naka-high heels, partikular ang salsa. Gusto rin sana niyang subukan ang pole dancing.
“Pero hindi ko lang alam kung papayagan ako ng doktor na bumale-balentong pa!” natatawang bulalas ni Gardo.
“Pero, like, bago kasi ako naatake, sinubukan ko rin yung pole dancing. Naitawid ko naman. Hindi naman ako dun inatake.
“Actually, kumbaga ano, e — praise the Lord — inatake ako sa bahay na hindi naman ako bumulagta.
“Sumakit lang yung likod ko. So, hindi ko alam, ayun, may nagaganap na palang atake.”
Read: Gardo Versoza open to another queer portrayal: "Hindi naman ako napapagod gumawa ng gay role, e."
