Binalikan ni film direktor Joel Lamangan ang magagandang alaala niya kay Nora Aunor, ang tinaguriang Superstar ng Philippine cinema.
Ito ay sa eulogy ng direktor sa state necrological service para kay Nora, isa nang National Artist for Film and Broadcast Arts, na ginanap sa Manila Metropolitan Theater ngayong Lunes, April 22, 2025.
Bungad ni Direk Joel: “Si Nora Aunor ay naging kasama ko sa anim na pelikula: Muling Umawit ang Puso, Bakit May Kahapon Pa, Flor Contemplacion, Sidhi, Hustisya, at Isa Pang Bahaghari.
“Sa lahat ng pelikulang iyon tinanghal siyang best actress o na-nominate bilang best actress, o naging best picture, at naging best director ako sa anim na pelikulang iyon.”
Bagama’t naidirek niya sa maraming pelikula si Ate Guy, mas matagal pa raw roon ang kanilang pinagsamahan.
Una raw silang nagkatrabaho sa 1976 film na Tatlong Taong Walang Diyos, na idinirek ng yumaong direktor na si Mario O’Hara.
“Wala akong pangalan doon dahil bahagi lang ako ng PETA Kalinangan Ensemble,” sabi ni Joel.
Sa pelikulang iyon, nasaksihan daw ni Joel kung gaano ka-epektibo bilang aktres si Nora.
Kuwento ni Joel, “Ang instruction ng director, habulin si Guy [nickname ni Nora] dahil puputulin ang buhok.
“Ako ang head nung mga hahabol kay Ate Guy. Tatlo, apat kaming lalaking hahabol sa kanya.”
Hindi raw nagawa ni Joel ang kanyang eksenang putulan ng buhok si Nora.
“Nung puputulan siya ng buhok, umiikot ang camera. Umiikot din kami sa kanya. May hawak kaming gunting," kuwento ni Joel.
“Pagdating sa akin, close-up, nakita ko ang mukha ni Ate Guy. Natulala ako.
“Sabi ni Mario, ‘Cut! Bakit hindi mo putulin ang buhok, Joel?’
“’E, kasi nakatitig sa akin si Ate Guy.’
“Namangha ako sa mata ni Ate Guy bilang aktor.
“Nung take two na, pinutol ko na ang buhok niya. Pero nakakamangha ang ekspresyon ni Ate Guy habang pinuputulan namin siya ng buhok.
“Yun ang una kong experience sa kanya,” pagbabalik-tanaw ng direktor.
Read: Nora Aunor’s legacy: a Superstar onstage and onscreen
WORKING WITH ATE GUY IN HIMALA
Muli silang nagkatrabaho sa highly-acclaimed 1982 film na Himala.
Lead star si Nora bilang Elsa, habang si Joel naman ang crowd and casting director ng film production.
Inutusan daw ni Direk Ishmael Bernal si Joel na maghanap ng matatandang extra na lalabas sa pelikula.
Hindi raw satisfied si Ishma—palayaw ni Bernal—sa mga kinuha ni Joel at pinauwi ang mga ito.
Nasambit daw ni Joel, “’Ha? Ibabalik ko lahat ito? Dyusko, sa mga barangay?’
“Nilapitan na ako ni Ate Guy, ‘Hayaan mo, kakausapin ko isa-isa.’
“Kinausap niya habang papunta kami sa bus,” patukoy ni Joel sa mga matatanda.
“Alam mo, binigyan niya ng pera yung matatanda dahil sa kanilang pag-attend. Si Ate Guy ang nagbigay sa kanila ng datung."
Saksi rin siya kung paano mahalin si Ate Guy ng kanyang fans, to the point na nadadala ang mga ito sa kanyang pag-arte.
Ang highlight sa pelikulang Himala ay ang mahabang monologue ni Nora bilang Elsa sa harap ng mga mananampalataya, at may babaril sa kanya.
Kuwento ni Joel: “Papatayin si Ate Guy. Babarilin si Ate Guy. Pag sabi ng, ‘Walang himala,’ babarilin na siya, di ba?
“Kaibigan ko yung stuntman na bumaril. Sabi ko, ‘Pagbaril mo, magtago ka, baka magalit ang mga tao sa iyo, no?’
“Nung action na, ‘Bang!’ Binaril na.” Ang sumunod na eksena ay binuhat ang katawan ni Elsa (Nora) na walang malay.
Hindi raw nagawang makatakbo ng stuntman na bumaril sa karakter ni Nora.
“Hindi siya nakatakbo. Binugbog siya ng mga tao. Binugbog siya ng mga fans ni Ate Guy!”
Inalala rin ni Joel noong unang araw ng shooting.
Nagsisigawan daw ang mga fans at tinatawag ang pangalan ni Nora.
“Pagka-ingay-ingay. ‘Guy! Guy!’ Sabi nung mga Ilocano.”
Sinabihan daw ni Joel si Nora na masyadong maingay ang fans niya.
Lumapit daw sa mikropono si Ate Guy at ipinuwesto ang hintuturo sa kanyang mga labi.
“Simple lang ginawa niya,” sabi ni Joel. “Sabi niya lang, ‘Shhhhhhh…’ Tumahimik ang tatlong libong tao.
“Ganun kalakas ang impluwensiya ng isang Nora.
“Sabi ni Ishma, ‘Kagila-gilalas, Joel.’ Oo nga, siya lang nakapagpatahimik.
“Kaya noong nagsasalita siya, nakita niyo, tahimik ang mga tao,” patukoy ni Joel sa monologue ni Nora sa Himala.
“Ganun kalakas ang impluwensya ni Ate Guy sa isang ordinaryong tao.
Nasaksihan din ni Joel ang husay ni Nora bilang aktres.
Nang hingin daw ng direktor kay Nora na patuluin ang luha sa kaliwang mata sa unang take, nagawa raw ito ni Nora.
“Doon ako naging Noranian. Napakahusay. Napakahusay ni Ate Guy,” ani Joel.
Minsan, tinanong daw ni Joel si Nora kung paano ang atake niya sa kanyang mga ginagampanang roles.
Sagot daw ni Nora sa kanya, “Isinasa-loob ko, inalalagay ko sa damdamin ko yung lahat ng ginagawa ko, yung pakikipag-ugnayan ko, isinasa-puso ko. Kaya nagagawa ko.”

Read:
HAS A SOFT HEART FOR ORDINARY PEOPLE
Puring-puri ni Joel si Nora sa pagkakaron ng malambot na puso para sa ordinaryong tao.
Minsan daw ay tinanong niya si Nora kung bakit.
Ganito raw ang isinagot ng Superstar: “Kasi galing din ako sa ganyan, e. Naging kasing hirap din nila ako.
“At alam ko kung paano sila. Alam ko kung bakit nandiyan sila, para kumita lang naman. Kaya malapit ako sa kanila.”
Pinatotohanan din ni Joel ang pagbigay ng pambili ng kalabaw sa isang magsasaka.
Nangyari raw ito sa pelikulang Sidhi (1999), kunsaan si Joel ang direktor.
Sa location, nakita raw ni Nora ang isang magsasaka sa ilalim ng puno na malungkot.
Usisa raw ni Nora, “’Tay, bakit ka malungkot?’
“Sabi ng matanda, ‘Kasi namatay ang kalabaw ko. Wala na akong kalabaw. Wala na akong gagamitin para magsaka.’”
Inusisa raw ng aktres ang magsasaka kung magkano ang kalabaw.
Sumagot daw ang magsasaka na PHP15,000.
Kuwento ni Joel, “Tinawag niya [Nora] ang isang assistant niya, kumuha ng kinse mil. Binigay doon sa matanda. ‘Ayan na po, bumili na po kayo ng kalabaw.’
“Umiyak yung matanda. Lumuha. Nagpasalamat. Kinuha ang kamay niya [Nora] at hinalikan ang kamay niya, at umalis na.”
Sabi pa ni Joel, hindi importante kay Nora ang pera.
“Kung kanyang Diniyos ang pera, siya ang pinakamayamang artista sa buong Pilipinas. Pero hindi.
“Ang pera sa kanya ay hindi dapat dini-Diyos. Ito yung pinamimigay niya sa mga nangangailangan. Witness ako, dyusko po.”
Ikinuwento ni Joel ang pamimigay ni Nora ng pera sa mga preso.
“Ilang libong preso ang pinapila niya at binigyan ng pera, at nagalit sa akin ang warden,” pag-alaala ng direktor.
“Sa mga crew, pagkatapos ng isang shooting, may pera, may pa-raffle, may party after the shoot. Si Ate Guy ang nag-o-organize noon.”
Inaabutan din daw niya ng pera ang mga taong ito.
ATE GUY IS NOT PERFECT
Sa kabila ng magagandang salita ni Joel kay Ate Guy, sinabi nitong hindi perpekto ang aktres.
Marami rin daw silang naging away.
“Pero si Guy ay tao. Mayroon din siyang mga pagkukulang. Mayroon din siyang kahinaan.
“Diyos ko, ang dami naming pag-aaway na nangyari,” anang direktor.
May ilang halimbawang ibinahagi si Joel nang hindi pagdating ni Nora sa call-time ng shooting.
Tulad ng call-time na ika-7:00 ng umaga at darating si Nora nang tanghali.
Ang ibibigay raw na dahilan ni Nora ay marami itong problema.
Sagot daw ni Joel, “'Hindi puwedeng ganoon. Naghihintay ang maraming tao.'
“Meron din mga kahinaan si Ate Guy. Siya ay isang taong may damdamin.”
Sa kabila nito, seryoso raw ang tingin ni Nora sa kanyang propesyon bilang artista.
Pagpapatunay ni Joel, “Pag meron akong pelikulang gagawin at sasabihin ko sa kanya, sasabihin niya muna sa akin, ‘Ano ba ang gusto nating sabihin sa pelikulang iyan?’
“Sasabihin niya, ‘Ako bilang artista sa pelikulang iyan, ako ang magiging instrumento ng paglilinaw ng nais nating sabihin at iparating sa mga manonood.’”
nora aunor's legacy
Sa kabila raw ng pagiging multi-awarded actress ni Nora sa loob at labas ng bansa, hindi raw siya nagbago sa pakikitungo sa ordinaryong tao.
Marami siyang mga award pero hindi ito naging dahilan upang ilayo ang sarili sa ordinaryong tao at mga kasamahan sa trabaho.
Noong mga panahong tumamlay ang career ni Nora, may mga producers daw na naniwalang hindi na siya sikat.
“Maraming producer noong bandang huli na hindi na naniniwala sa katanyagan ni Ate Guy, na ayaw na siyang isali sa mga pelikula dahil hindi na kumikita ang kanyang pelikula.”
Hindi raw nasiraan ng loob si Nora. Ginugol niya ang oras sa paggawa ng indie movies.
“Tinutulungan niya ang independent films. Marami siyang ginawa nito. Hindi sa mainstream, kundi independent films.
“Si Ate Guy ang magiging simbolo ng ating sining sa maraming panahon.
“May mga institusyon na hindi na kinikilala ang artistic expression ng pelikula.
“Nakakalungkot. Ito ay matinding dagok sa lahat ng gumagawa ng pelikula.
“Hindi dapat tingnan ang pelikula na isang maliit na bagay lamang.
“Ito'y malaking bagay dahil ito'y potent medium na naiintindihan ng ordinaryong tao.
Ito'y pinaglalaban ni Nora Aunor. Mahal ni Nora Aunor ang pelikula.
“Palakpakan natin si Nora Aunor.”
Pagtatapos ni Joel sa nag-iisang Superstar: "Nora, maraming-maraming salamat sa pagbukas mo ng aming pananaw tungkol sa simpleng sining ng pelikula.”
