Naging malapit na magkaibigan sina Barbie Forteza at Kyline Alcantara dahil sa pinagsamahan nilang teleserye, ang Beauty Empire.
Ikinuwento ng dalawang Kapuso actresses na nagkaroon sila ng masayang experience nang mag-taping sila sa South Korea dahil naligaw sila habang naghahanap ng samgyupsal restaurant.
Lahad ni Babie: "Yung ano po, siguro yung second shoot namin doon, nag-lunch break kami tapos meron na kaming 45 minutes para kumain.
"Siyempre naghanap ako ng samgyupsal. Tapos nakalagay sa app, 10-minute walk.
"Habang naglalakad kami, parang walang kahit na ano, bakanteng lote lang siya talaga. May temple area na siya.
"Pagdating ko doon, pagdating namin doon sa area, abandoned na siya. So, naging horror din talaga yung lunch break na yun."
Maituturing ni Barbie na memorable iyon dahil doon daw sila mas naging close ni Kyline.
Aniya: "Yun yung pinaka-memorable. Alam niyo ba bakit?
"Kasi doon kami naging close ni Kyline. Mas naging close.
"At yung masasabi ko, kaladkarin din talaga 'tong babaeng ito.
"Kasi kahit di siya sure kung may makakainan talaga kami, sumasama siya talaga sa akin.
"Kaya maraming salamat talaga, mare ko."
Nakakain naman daw sila pero mga tinapay lamang dahil mga pastry shop na ang nadaanan nilang tindahan sa lugar.
Ayon pa kay Barbie, marami pa silang nais gawin ni Kyline.
"Marami, maraming bagay. Ang dami naming gustong puntahang mga cafés, restaurant.
"Yun yung ginawa namin sa Korea, nag-explore kami ng mga café.
"Nagpunta kami sa isang parang cafe na nakita namin sa Myeong-dong.
"Tsaka ang unang-una ko talagang hinanap pagdating ko sa Korea, si Kyline, kasi nag-samgyupsal talaga kami sa Myeong-dong."
KYLINE ON WORKING WITH BARBIE
Para naman kay Kyline, malaking bagay sa kanya ang makatrabaho si Barbie.
Saad niya: "Isang karangalang makatrabaho talaga si Barbie.
"Isang karangalan talaga kasi ever since na pumasok po ako sa GMA, si Barbie talaga yung gusto kong makatrabaho.
"Kasi napakagaling niya, napakabait niya rin, at grabe mag-alaga sa set.
"And honestly, every time na nakakaeksena ko siya, even though close na talaga kami off cam, may unting nginig sa bibig na parang, 'Shocks, ayun na siya. Tinitingnan na niya na ako.'''
Pakiramdam daw kasi ni Kyline ay nangangain sa eksena si Barbie.
Since parehong single sina Barbie at Kyline ngayon, napag-uusapan ba nila ang kani-kanilang mga love life kapag magkasama sila sa dressing room?
Break na si Barbie sa longtime boyfriend niyang si Jak Roberto, at hiwalay na rin si Kyline sa basketbolistang si Kobe Paras.
Read: Barbie Forteza announces breakup with Jak Roberto
Biro ni Barbie, "Of course! Of course we talk about love life because we love our life."
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilan pang media sina Barbie at Kyline sa grand mediacon ng Beauty Empire noong Martes, June 17, 2025.
Ang Beauty Empire ay pinagsamang produksiyon ng GMA Network, Viu Philippines, at CreaZion Studios.
Mapapanood na ito sa GMA Prime simula sa July 7, Lunes hanggang Huwebes, 9:35 ng gabi.
Nag-umpisa na rin itong mag-streaming sa Viu noong June 16.
Ito ay mula sa direksiyon ni Mark Sicat Dela Cruz at kabilang sa ipinagmamalaking GMA Public Affairs series.
Read: Barbie Forteza evades questions about lovelife

BARBIE AND KYLINE'S CLOSENESS: ADVANTAGES AND DISADVANTAGES
Ano ba ang advantages at disadvantages kapag naging ka-close nila ang kanilang katrabaho?
Sabi ni Kyline: "Actually, siguro yung... hindi siya disadvantage, e. Well, actually wala, walang disadvantage.
"Doon na tayo sa advantages. Alam yun ng isa't isa. Puwedeng mabilis manghingi ng tulong.
"Ramdam mo yung energy nung isa't isa. Kung may nagkukulang man, pupunuan nung isa."
Kaya raw sila lalong naging malapit dahil walang signal sa set ng kanilang teleserye.
Ani Kyline, "Usually kasi sa set namin, wala talagang signal. So, open forum kami every single time."
Bukod kina Barbie at Kyline, kasama rin sa cast ng Beauty Empire sina Sid Lucero, Sam Concepcion, Chai Fonacier, at Ruffa Gutierrez.
May special participation naman sina Ms. Gloria Diaz at ang Korean actor and K-pop star na si Choi Bo-Min.
Kabilang sa supporting cast sina Gabby Padilla, Alex Agustin, Paolo O’Hara, Polo Laurel, Arkel Mendoza, Divine Aucina, Aaron Maniego, Noemi Gonzales, at Isay Alvarez.
