"Dapat walang hangganan," ang sagot ni Zanjoe Marudo nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kung hanggang saan dapat ang pagmamahal at pag-aalaga sa pamilya.
Pagpapatuloy niya, "Pag pamilya mo kasi, wala kang tatakbuhan. At sino bang makakasama mo hanggang sa dulo, di ba?
“Pag wala na lahat ‘tong mga ito, pamilya pa rin talaga, e."
Natanong namin si Zanjoe tungkol dito dahil sa papel niya bilang mapagmahal, mapagbigay, at matiising anak sa pelikulang How To Get Away From My Toxic Family, kunsaan bida ang karakter niyang si Arsenio.
Sa pelikula, masusubukan ang hangganan ni Arsenio.
"Pinilit naman ni Arsenio e, na intindihin hanggang dulo, hanggang sa kahit nga sariling pangarap niya, e, kinalimutan muna niya para sa pamilya niya.
“Pero yung kaisa-isa kasing taong nagho-hold, kinakapitan niya dun is madadamay, kaya din siguro iyon yung naging hangganan.
“Na ito na lang kaisa-isang pinanghahawakan ko para gawin ko ‘to lahat para sa inyo, tapos nawala pa dahil lang sa ka-toxic-an ng pamilya natin, ayun.
“Kung siguro talagang apektado na yung pangsarili mo, yung mental, emosyonal, physical, lahat na, yung being mo bilang tao.
"Tapos may pangarap ka pa, gusto mong bumuo ng sarili mong pamilya, pag lahat yun siguro medyo naisasantabi o naapektuhan dahil sa kanila, iyon siguro dapat ng magdesisyon na tama na.
"Kumbaga, hindi naman ako nagdamot, binigay ko naman lahat.”
Sa tunay na buhay, family man na si Zanjoe. Nakaka-relate ba siya sa kanyang role?
Lahad ni Zanjoe, "Parehas kami pangatlo. Parehas kaming middle child. May ate rin ako, may kuya rin ako, iyon yung mga medyo parehas.
"Siguro kay Arsenio, hindi naman ganun kasi yung sitwasyon sa pamilya namin. Pero excited akong gawin siya, yung ganung klaseng sitwasyon sa pamilya, kasi hindi naman bago sa akin yun, di ba?
“Kahit papaano, naririnig mo sa community mo, at sa trabaho mo. Di lang naman sa bahay ang pagiging toxic na ano, e, marami, sa school, sa lahat ng lugar.
“Nag-enjoy lang ako, e, kasi bago siya sa akin. Gusto kong ma-experience mapunta sa ganung klaseng sitwasyon.
“Ano kayang mararamdaman mo kung yung pamilya mo ganito? Kaya naging exciting sa akin.
"Naging challenging din and nakakatuwa na, ayun, nabigyan ako ng ganitong pagkakataon para i-portray si Arsenio.
"Sana naman maraming gumaya sa kanya na piliin din yung sarili niya pagdating ng araw.”
Paano ba hinaharap ni Zanjoe sa tunay na buhay ang toxic na tao o sitwasyon?
"Nasa tao po yan, kung papayagan mo na lumagpas sila sa boundaries mo. Nasa sa yo yun, mas magiging problema mo yun.
“Pero kung lilimitahan mo naman yung boundaries, well, may risk din.
“Na puwedeng, ayun, magkaroon ng problema yung pamilya, yung relationship. Iyon siguro yung pinaka magiging advice ko lang."
Mahalaga pa rin daw na alam ng tao ang kanyang boundaries.
“Kung sobra-sobra naman yung kinikita mo meron ka naman talaga di ba, bakit naman hindi?
“Pero kung maaapektuhan na siguro yung sarili mong future, at sarili mong kinabukasan, di ba? Iyon siguro medyo hindi na tama iyong kung pati yun, e, natatamaan na, yung pansarili mo.”
Nakausap namin si Zanjoe sa pinakaunang Philippine screening ng How To Get Away From My Toxic Family noong June 18 sa Cinema ’76 Café.
Iprinodyus ito ng OgieD Productions ni Ogie Diaz at ng KreativDen Entertainment.
Sa direksyon ni Lawrence Fajardo, mapapanood ang pelikula sa SM cinemas simula July 30.

Read: Get to know Ria Atayde, actress, lady boss of production company, wife of Zanjoe Marudo
OGIE DIAZ ON CONCEPT OF THE MOVIE
Sa hiwalay na panayam kay Ogie, sinabi niya na sa kanya galing ang story at concept ng pelikula.
"Kumbaga, ito yung pelikulang hinanay namin sa henerasyon ngayon.
"So ano ba ang gagawin ng isang Gen Z o millennial ngayon? Sa mga panahon ngayon iba na, hindi ba?
"Kung noong araw yan sa atin mga boomers and Gen X, e, talagang kakapit at kakapit sa pamilya kahit ano pang maging behavior ng pamilya towards us, di ba?
"So ito, hindi, iniba namin. Kasi ayun na ngayon, e. Pag di mo na kaya, alis ka na! Ganun lang kasimple."
Paliwanag pa ni Ogie: "Kasi siyempre nung araw, e, hindi naman masyadong pinapansin yung mental health, e. Ngayon lahat tayo meron ng mental health issue, di ba?
"Masyado na nating pina-prioritize yung mental health natin. So kung ano sa mga sitwasyon ang hindi na makakabuti sa mental health natin bibitaw tayo dun.
“Para alagaan naman yung sarili nating mental health. So itong pelikulang ito para sa mga mahal nila ang kanilang sariling mental health.”
READ MORE:
