Umatras bilang testigo ang kaibigan ng missing beauty queen na si Catherine Camilon sa kasong kidnapping and serious illegal detention na kinahaharap ni dating Police Major Allan de Castro, ang pangunahing suspek sa pagkawala ni Catherine.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News Online kahapon, August 4, 2025, ang kaibigan na ito ni Catherine ang nakakaalam sa nangyari bago naglaho ang beauty queen noong October 2023.
Hindi niya sinipot ang recent hearing ng kaso.
Dagdag pa sa ulat, sumulat daw ang kaibigan ni Catherine sa Batangas Regional Trial Court at sinabing ang pangunahing dahilan ng kanyang pag-atras ay may kinalaman sa seguridad.
Pahayag ng ina ni Catherine na si Rose Camilon, “Sabi po ng sulat, kailangan niya protektahan yung kanyang pamilya, yung sarili niya, para sa kanilang kaligtasan."
Labis itong ikinalungkot ng mga kamag-anak ni Catherine dahil umaasa silang sa pamamagitan sana ng umatras na witness ay matutunton na nila ang kinaroroonan ng beauty queen.
Saad ni Rose: "Nandoon ho lagi yung pag-asa namin sa kanya… ang alaala namin, tuluy-tuloy na matutulungan.
"Sobrang sakit ang naramdaman dahil wala siyang ginawa para tulungan kami. Sobra, sobrang sakit.”
Nilapitan daw ng mga kapamilya ni Rose ang nasabing kaibigan ni Catherine ngunit ayon daw sa ama nito, may mga taong umaali-aligid sa kanilang tahanan.
Baka ito raw ang ikinatatakot ng kaibigan ng beauty queen.
Nananawagan din si Rose sa iba pang maaaring may nalalaman tungkol sa pagkawala ng anak na tumestigo para malaman na nila ang buong pangyayari.
Saad ng ina ng nawawalang beauty queen: "Lagi kong hinihiling sa kanila… magkaroon ng kalinawan, makalutas ang kaso naming ito para malaman namin kung nasaan po ang aming anak, kung ano ho ba talaga ang nangyari sa kanya.
“Nahihingi po ako ng tulong. Kanino man po, tulungan kami na magkaroon ng sagot sa lahat ng aming tanong.”
Read: Allan de Castro, suspect in Catherine Camilon case, arrested
PNP VOWS PROTECTION FOR CATHERINE CAMILON'S FRIEND
Sa hiwalay na ulat ng GMA News Online, sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo na natakot nga para sa kanyang seguridad ang nasabing witness.
Ani Fajardo, "We received information na medyo apprehensive na yung kaibigan ng nawawala na si Ms. Camilon because natakot siya para sa security and safety niya."
Nangako naman si Fajardo na poproteksiyunan ng pulisya ang kaibigan ni Catherine.
Sabi nito: "Huwag siya magdalawang-isip dahil ang intensiyon naman natin ay bigyan ng hustisya itong pagkawala ng kanyang kaibigan kasi critical yung kanyang magiging participation sa kaso na ito."
Bukod kay de Castro, kasama ring suspek sa kaso ang driver-bodyguard niyang si Jeffrey Magpantay.

October 12, 2023 pa napaulat ang tungkol sa pagkawala ng Miss Grand Philippines 2023 candidate at Grade 9 teacher.
Read: Miss Grand Philippines 2023 candidate Catherine Camilon "missing" according to mom, sister
