Sinagot ni Mika Salamanca ang isyung mas nabibigyan ng "Big Winner" treatment ang kapwa niya Kapuso na si Shuvee Etrata.
Si Mika ang kauna-unahang Kapuso Big Winner sa kasaysayan ng Pinoy Big Brother (PBB).
Kapwa niya Big Winner sa PBB: Celebrity Collab Edition ang Kapamilya at ka-duo niyang si Brent Manalo.
Si Shuvee naman ay na-evict, kasama ang ka-duo nitong si Klarisse de Guzman, at hindi nakaabot sa Big Night.
Pero pagkatatapos ng PBB Celebrity Collab Edition ay kapansin-pansing mas maraming guest appearances at mas nabibigyan ng endorsements si Shuvee kumpara kay Mika.
Read:
- Will Ashley admits Mika Salamanca is his type among PBB housemates
- Shuvee Etrata appreciates Anthony Constantino’s patience, efforts
MIKA ON SHUVEE'S BIG BREAKS
Aminado si Mika na may pressure ang pagiging Big Winner, pero naniniwala siyang deserving si Shuvee sa big breaks na nakukuha nito.
“Actually naman po sa akin, gusto ko pong nakikitang nananalo lahat, especially si Shuvee,” simula ng binansagang "Ang Controversial Ca-Babe-Len ng Pampanga" nang sumalang siya sa PEP Live na ginanap nitong Biyernes, August 22, 2025.
“Si Shuvee ang paborito kong…. Kapuso pa po yan.
“And lahat ng blessings na nare-receive niya ngayon, kahit sa loob ng bahay, pinag-uusapan namin yan. Gusto ko siyang manalo sa buhay.”
Sabi pa ni Mika tungkol sa kanyang pagiging Big Winner: “Title lang po yan.
"And, yes, nakaka-pressure siya kasi kailangan kong i-embody.
"Pero hindi ko po nakikitang mali na itini-treat nang tama o mabuti si Shuvee.
“Kay Shuvee, wala po akong problema. Mahal na mahal ko po si Shuvee and deserve niya po kung ano yung nakukuha niya.”
Paglilinaw ni Mika, nabibigyan siya ng tamang trato bilang Big Winner ng sikat na reality show.
Saad niya: “Ako din po, nati-treat ako nang tama.
"It’s just… siguro sa akin, ang take ko diyan, hindi namin minamadali kasi.
"Ako po mismo sa sarili ko, I can acknowledge na kailangan ko pa po ng workshop, kailangan ko pa pong may gawin para mapakita ko pa po sa tao po, yung ine-expect nila sa akin o yung deserve ng mga viewers.”
Sundot ni Mika, mayroong mga proyektong nakapila para sa kanya.
“And ako po, excited po ako sa mga upcoming na trabaho po…” aniya, at idinagdag na hindi pa ito puwedeng ibunyag.
Hinimok ni Mika ang lahat na hintayin ang kanyang upcoming projects.
Sinabi rin niyang hindi siya pinapabayaan ng kanyang talent management agency, at ang kanyang home network.
"Tsaka may oras sa lahat. Ngayon, kung nagsa-shine si Shuvee, ibigay natin sa kanya,” ani Mika.
