On cloud nine pa rin ang aktor na si Dennis Trillo matapos nitong masungkit ang Best Actor award sa 48th Gawad Urian.
Ginanap ang awarding ceremony nitong Sabado, October 11, 2025, sa Teresa Yuchengco Auditorium ng De La Salle University sa Maynila.
Napanalunan ni Dennis ang award para sa kanyang pagganap sa pelikulang Green Bones, official entry ng GMA Pictures nung Metro Manila Film Festival 2024.
“Gusto ko pong ialay itong award na ito sa mga kasamahan kong bumuo nung pelikula, halos dalawang daang tao na nagtulung-tulong para buuin po iyong pelikulang Green Bones," pahayag ni Dennis sa kanyang acceptance speech.
“Siyempre po sa pamumuno ng aming batikang direktor na si Zig Madamba Dulay. Iniaalay ko po itong award na ito sa kanya.
“At sa aking mga kanominado, si Ruru Madrid at Enzo Osorio. Sine-share ko itong award na ito sa inyo.”
Napanalunan din ng Green Bones ang Best Production Design.
Read: 48th Gawad Urian: Dennis Trillo wins Best Actor for Green Bones
WINNING FAIR AND SQUARE
Sa Instagram ay itinuloy ni Dennis ang selebrasyon sa pamamagitan ng pag-post ng larawan hawak ang tropeyo mula sa Gawad Urian.
"Mas masarap talaga sa pakiramdam, lalo na't pinaghirapan at nakuha sa patas na paraan!" makahulugang sabi ng multi-awarded actor sa caption.
Sa kung anumang dahilan ay inedit ni Dennis ang kanyang caption sa: "Mas masarap talaga sa pakiramdam lalu na’t pinag hirapan."
Walang makapagsabi kung ano ang tinutumbok ni Dennis sa kanyang naunang caption, o kung may partikular itong tinutukoy, kagaya ng mainit na isyu ng korapsyon na laman ng mga balita sa kasalukuyan.
Samantala, ang kanyang post ay binaha ng congratulatory greetings mula sa kanyang mga kasamahan sa industriya.
Ilan sa mga bumati kay Dennis ay sina Dingdong Dantes, Rocco Nacino, Royce Cabrera, Jackie Lou Blanco, at Joross Gamboa.
Read: 48th Gawad Urian: Highlights and sidelights
View this post on Instagram