Lalong lumakas ang haka-hakang may namamagitan na nga kina Daniel Padilla at Kaila Estrada.
Sa panayam ni Daniel kay MJ Felipe sa TFC magazine show na Are You G? noong October 14, 2025, naitanong ang tungkol sa kanyang buhay pag-ibig, at hindi man niya ito direktang sinagot, hindi rin naman siya nag-deny.

Sina Daniel at Kaila ay naging co-stars sa defunct action-drama series na Incognito.
Matapos ang Incognito, ilang beses silang naispatan na magkasama, dahilan para pag-isipang may relasyon sila.
Balik sa recent interview kay Daniel, diretsahang tinanong ang aktor kung siya ba ay may bagong nobya.
Natatawang sagot ni Daniel, "Kain muna tayo."
Sundot ni MJ, iyan daw kasi ang naging headlines sa mga nagdaang araw, lalo na ang pagkakaugnay ng kanyang pangalan kay Kaila.
Imbes na sagutin ni Daniel kung may katotohanan nga ba ang mga lumabas tungkol sa kanila ni Kaila, sinabi nitong hayaan na lang at antayin ang mga mangyayari.
Saad niya, "Huwag na nating i-pressure yung sarili natin, huwag na nating ilagay sa ganun, i-showbiz pa yun, pero you get my point?
"Lalabas at lalabas, pero ayoko lang na may naghihintay na alam mo yun, hintayin ng tao.
"Hayaan na nating mangyari ang mga mangyayari."
Pakiusap pa ni Daniel sa mga patuloy na umiintriga sa closeness nila ni Kaila: "Huwag niyo na muna kaming kulitin, just let it be.
"Hayaan na lang nating mangyari ang mga bagay.
"And again, ayoko siyang maging showbiz, e. Well, di pa rin naman maiiwasan, di ba, pero may choice pa rin naman ako, di ba?"
Galing si Daniel sa very publicized relationship with Kathryn Bernardo. Kinumpirma nilang hiwalay na sila noong November 30, 2023, matapos ang 11 years ng pagiging mag-boyfriend-girlfriend.
DANIEL-KAILA'S RUMORED Romance
Nagsimula ang mga bulung-bulungan tungkol sa espesyal na ugnayan nina Daniel at Kaila matapos lumabas ang ilang litrato nilang magkasama.
Una ay noong July 2025, sa isa umanong movie at karaoke date kasama ang aktor na si Igi Boy Flores.
Noong September 14, isang netizen ang nag-upload sa Reddit at TikTok ng kuha niyang litrato nina Daniel at Kaila na muling magkasama.
Tila nasa elevator ng isang establisyemento ang dalawa.
At bagamat hindi malinaw ang kuhang larawan, nakatitiyak ang netizen na sina Daniel at Kaila ito.
Siyempre, pinansin na rin ng netizens ang pagpa-follow sa isa't isa sa Instagram nina Daniel at Kaila.
Napansin ding pina-follow ni Kaila sa Instagram ang ina ni Daniel na si Karla Estrada, ama na si Rommel Padilla, at kapatid na si Magui Ford.
Read: Netizens ask: Are Daniel Padilla and Kaila Estrada an item?
Sa isang panayam noong October 6, nausisa naman ang ama ni Kaila na si John Estrada tungkol sa pagkaka-link ng kanyang anak kay Daniel.
Wala ring kumpirmasyong nakuha kay John, sa halip ay sinabi niyang malaki ang tiwala niya kay Kaila na gagawin nito ang tama at ang mga bagay na nagpapasaya sa kanya.
Sabi ni John: "Kaila is an adult, and aside from that, I trust her judgment and her smarts. At wala siyang ginagawang masama.
"I’m very confident that whatever she decides to do in her life, pinag-isipan na niya lahat yan.
"Also, it’s not my story to tell. So, I guess, she will answer all the questions in her own time."
Dagdag pa niya, "All I do is to let her know and feel that she will always have my support and that I trust her and I will always be here for her and her siblings."
