Trigger Warning: Child abuse, molestation
Nakaranas ng pang-aabuso ang singer na si Jona sa kanyang pagkabata.
“Nung bata ako, at 10 years old, naging biktima din ako ng molestiya from my father,” pagsisiwalat ng Kapamilya singer sa episode ng Toni Talks, ang online talk show ni Toni Gonzaga na in-upload sa YouTube kahapon, October 27, 2025.
Read: Social media influencer Emman Atienza dies at 19
BROKEN FAMILY
Ikinuwento ni Jona kung paano nagsimula ang naranasan niyang pang-aabuso mula sa sariling ama.
Bunsod umano ito ng pagkasira ng kanilang pamilya.
Masaya naman daw ang pamilya nila noong bata pa siya.
Nakatira sila sa Marikina, sa isang second-floor apartment na nasa itaas ng isang simbahan.
Naging active daw sa nasabing simbahan ang kanyang mga magulang. Sa choir daw ng simbahan na iyon siya nagsimulang kumanta.
“So, kahit bulol pa sa pagkanta or sa pagsasalita, inano na nila ako. Prinesent na nila ako doon.
"Parang yun yung pinakaunang training ground ko sa pagkanta. So, yun masaya," lahad ni Jona.
Very supportive daw ang parents niya noong panahong iyon. Ang nanay at tatay niya ay tumutulong daw para mahasa siya sa pagkanta.
“Kasi yung mama ko, nung bata pa rin siya sumasali na rin siya ng mga singing contest sa Bicol.
"Yung father ko naman, aside sa may boses din siya, magaling din siyang tumugtog ng gitara,” kuwento pa ni Jona.
Read: Netizens ask: Is Vice Ganda throwing shade at Heart Evangelista?
Matapos nito ay lumipat sila sa San Mateo, Rizal, kung saan siya nagsimulang sumali sa mga singing contest.
Ngunit sa San Mateo raw nagbago ang kanyang buhay nang naging madalas ang pag-aaway ng kanyang mga magulang.
Pagbabalik-tanaw ni Jona: “Nung 10 years old na ako, doon ko na naririnig na nagkakaroon ng pag-aaway yung parents ko. Nasa kabilang kuwarto sila.
"Maliit lang yung bahay namin tapos ang harang lang ng bahay, kahoy, 'no? Plywood.
"So, kada sigawan nila, sobrang maririnig mo talaga.”
Tila nauwi rin daw sa pisikalan ang mga away ng kanyang mga magulang.
“At times nga, parang iniisip ko nga, baka nagkakapisikalan na rin sila kasi naririnig ko yung mga kalabog. Oo, kalabog.
"Pero that time, as a child, parang medyo nonchalant ka na parang, oo, there's something wrong na nangyayari, pero hindi ko alam kung paano ako magre-respond,” saad ni Jona.
Dito rin daw nagsimulang lumayo ang kanyang ina.
Pagpapatuloy ni Jona: “Naalala ko, umalis kami ng mom ko, tapos isinama niya ako sa bahay ng kaibigan niya.
"Tapos ngayon, naalala ko na parang nagko-confide yung mom ko dun sa kaibigan niyang babae.
"Tapos mamaya, may dumating na lalaki. Nag-usap sila sa kuwarto, ako nasa sala lang.
"So yun, sign na pala yun na naging part yun ng problema nila ng father ko.”
Hindi tinukoy ni Jona kung ano ang ugnayan ng kanyang ina sa lalaking kausap nito sa kuwarto.
Hindi nagtagal ay tuluyan na raw nagpaalam ang kanyang ina. Isang araw, pumunta ito sa kanyang kuwarto para kausapin siya.
“Sabi niya, ‘Anak, mahal na mahal ko kayo. Mahal na mahal ko kayo. Alagaan mo sarili mo. Alagaan mo rin mga kapatid mo. Basta mahal na mahal ko kayo.’
"And then, exit na siya," pagbabalik-tanaw ni Jona.
THE ABUSE
Matapos umalis ng kanyang ina sa kanilang tahanan, doon na raw nangyari ang pang-aabuso kay Jona ng kanyang ama.
Ayon kay Jona, matagal niyang itinago ang masakit na bahagi ito ng kanyang nakaraan.
“Tinago ko under the rug kasi sa sobrang sakit ng pangyayari na iyon, ayoko nang maalala na naging part pala yun ng buhay ko.
"So, hindi ko alam kung paano exactly sasabihin.
"But nung bata ako, at 10 years old, naging biktima din ako ng molestiya from my father,” pag-amin ng 35-year-old singer.
Dito na inilahad ni Jona ang nangyaring pang-aabuso sa kanya ng ama.
“Sa pagkakaalala ko, daytime siya. Daytime nangyari yun.
"Pinapasok ako sa kuwarto, dinala ako sa kuwarto, tapos dun na nagsimula yung, ayun, yung mga horrific na nangyari.
"And that time, frozen lang ako, kasi hindi ko talaga alam, e. Hindi ko alam na, sisigaw ba ako or tama ba 'to? Pero wala."
Ilang beses nangyari ang pang-aabuso sa kanya at kailan ito natigil?
“It happened more than once and nung... nung year lang na iyon. After that, hindi na nasundan,” pagbabahagi ni Jona.
Matapos daw ang pang-aabuso ay tila hindi nagbago ang relasyon niya sa kanyang ama.
“Pagkatapos mangyari yung mga bagay na iyon, all those years growing up, magkasama pa rin kami ng papa ko. Magkakasama.... hindi nabago...
"Pagkatapos ng pangyayari na iyon, as if walang nangyari, okay pa rin kami.
"Father, daughter, sinusuportahan pa rin niya kami. Nagtatrabaho pa rin siya.
"Ako naman, that time, kumo-contest na rin ako sa mga TV hanggang sa manalo ako sa showbiz.”
Kinse anyos si Jona nang manalo siya bilang grand champion ng Pinoy Pop Superstar sa GMA Network noong 2005. Dito na umusbong ang kanyang singing career.

Kahit nagkapangalan na siya sa showbiz ay dala-dala pa rin daw ni Jona ang trauma ng pang-aabuso.
Wala raw siyang pinagsabihan tungkol dito. Kahit ang kanyang mga kapatid ay hindi ito nalaman.
Ang personal manager niyang si Arlene Meyer daw ang unang nakaalam ng pangyayari.
“Wala talaga akong pinagsabihan. Until nakilala ko yung manager ko ngayon si Ate Early na parang siya yung tumayo na pangalawa kong nanay.
"Eventually, sa kanya ako first nakapag-open up ng ganung experience,” saad niya.
Pagtatapat pa ni Jona, napababa ng pang-aabuso ang kanyang self-esteem.
“Sobrang baba," sambit niya.
"Minsan hindi mo natatanggap yung sarili mong hitsura, di ba? Hindi ka naman maganda, na ito naman yung mga nangyari sa iyo.
"So, yun yung mga thoughts na pumapasok sa isip ko."
Nahirapan din umano siyang maghanap ng makakasama sa buhay.
“Ayokong maulit yung mga nangyari sa akin from the past na magiging magkakaroon ulit ng broken family, di ba? O kaya naman yung aabusuhin ako.
"Not, not, not sexually but yung may manipulation or what.
"Yung gusto ko, pagpasok ako sa relationship, yung I feel whole para hindi ako yung past self ko na nagsi-seek ng ano na naman ng validation, nagsi-seek ng security, pagmamahal,” saad niya.
Read: Descendant of Manuel Quezon confronts director Jerrold Tarog and actor Jericho Rosales
RECONCILIATION AND FORGIVENESS
Napatawad na umano ng singer ang kanyang ama bago ito pumanaw noong 2017 dahil sa stroke.
Nag-text daw ito sa kanya ng apology ilang linggo bago ito pumanaw.
“Sinabi niya na, ‘Anak, patawarin mo ako sa lahat ng mga nagawa kong pagkakamali. Mahal na mahal ko kayo.’ Yun lang.
"Kahit simple words as that, pero parang isa yun sa pinaka nag-contribute ng healing sa akin.
"Na minsan nga, feeling ko din, kahit hindi na siya mag-apologize, pero handa pa rin akong patawarin siya sa lahat-lahat ng nangyari sa pamilya namin.”
Dahil dito ay tila nabunutan daw siya ng tinik, kaya’t ninais niyang bumalik ang kasiyahan ng kanyang pamilya.
Sa katunayan, ikinuha pa niya ng passport ang ama para makapag-travel sila sa labas ng bansa. Ngunit pumanaw ang kanyang ama bago ito mangyari.
“So, every time makikita ko yung passport niya sa drawer ko, nanghihinayang lang ako,” pagtatapat ni Jona.
Read: Singer Jona's father passes away
Samantala, unti-unti na rin daw sinusubukan ni Jona na patawarin ang kanyang ina. May hinanakit kasi siya rito dahil nga sa pag-iwan sa kanila.
Kuwento ni Jona, hindi niya nakausap ang ina matapos mangyari ang pang-aabuso sa kanya ng ama niya noong siya ay 10 years old.
Noong 15 years old na lang niya muli nasilayan ang ina nang bigla itong lumabas sa isang talk show kung saan siya nag-guest matapos manalo sa Pinoy Pop Superstar.
Sa talk show daw ay humingi ng tawad ang kanyang ina ngunit tila hindi pa niya ito tinanggap.
Kuwento ni Jona: “After the show, sabi sa akin ng director, ‘Ang dry mo.’ Sabi niya, ‘Ang dry mo naman.’
"So, tapos, siyempre bilang bata pa lang rin ako time, hindi ko pa masyadong ma-process yung emotions ko.
"Hindi ko masabi sa director na wala po kasi akong maramdaman at all. Wala talaga.”

Matapos nito ay sinubukan daw ni Jona na buksan ang komunikasyon sa kanyang ina ngunit tila lumalaki lang ang hinanakit niya.
“Nararamdaman ko pa na parang, bakit tuwing may kailangan lang tsaka nakikipag-communicate.
"So, parang ayan, nadagdagan na naman yung inis ko, yung hate ko, yung galit ko. Bakit naman ganun?”
Ngunit sinubukan pa rin daw ni Jona na patawarin ang ina sa pamamagitan ng pag-imbita rito sa ilang okasyon.
Noong 2024, nakasama raw niya ang ina sa bahay nila sa Rizal para sa isang family reunion.
Ani Jona: “So, nakakatuwa na Christmas time, nakapag-bonding kami all together.
"Ang saya lang talaga ng moment na yun na mapapaano ka, 'Lord, thank you, kasi yung messy part ng buhay namin parang tinurn Mo into a message of reconciliation. Yung mga pangit na nangyari from the beautiful thing na kasama ulit namin ang mga mahal namin sa buhay.'"
Sa huli ay nagpasalamat si Jona sa Panginoon.
“Siya lang talaga yung nakapagbigay sa akin ng full peace and... grabe, grabeng courage and strength to really open up this part of my life.”
Read: Veteran choreographer Anna Feliciano dies at 65
If you or someone you know is experiencing child abuse, remember that you are not alone and help is available. Organizations like Council for the Welfare of Children (CWC) and Bahay Tuluyan provide vital support, resources, and a safe space for individuals to find the assistance they need.