Hindi inurungan ni Min Bernardo ang bashers ng anak niyang si Kathryn Bernardo na nagpapakalat ng maling balita at impormasyon tungkol sa aktres.
Nitong Martes, Nobyembre 11, 2025, naglabas ng pahayag ang Star Magic—ang talent management arm ng ABS-CBN na nangangalaga sa showbiz career ni Kathryn—upang pabulaanan ang nagba-viral na post online tungkol sa umano’y pagpapasaring ng aktres kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr..
Read: AJ Raval, umaming lima na ang anak; tatlo kay Aljur Abrenica
Mababasa sa pahayag ng Star Magic (published as is): "Star Magic would like to inform the public that our artist Kathryn Bernardo did not make the remark that is circulating on social media.
"We ask everyone not to share the fake post and verify information before sharing.”
Read: Leni Robredo's daughter Tricia announces engagement
Kalakip ng kanilang post ang screenshot ng pinuna nilang litrato—naglalaman ng naging pahayag umano ni Kathryn tungkol sa ginawang pagtulong ng Pangulo sa mga nasalanta ng bagyong Tino at Uwan.
Mababasa sa post ng isang Facebook user na nagpapakalat ng fake news tungkol sa aktres (published as is): “KATHRYN BERNARDO NANAWAGAN NA TUMULONG
NANG TAOS-PUSO AT HINDI PARA SA CAMERA O SOCIAL MEDIA.
"Nagbigay ng paalala si Kathryn Bernardo na ang tunay na pagtulong ay hindi kailangang ipakita sa kamera o social media.
"Giit niya, ang kabutihang galing sa puso ay hindi dapat gawing content o pagkakakitaan.
"Umani ng papuri ang mensahe niya na nagbigay-diin sa kahalagahan ng taos-pusong pagtulong nang walang kapalit.”
Isa pa sa mga post ng nasabing Facebook user ang muling binigyang-diin ng Star Magic, kung saan mababasa rito (published as is): “PBBM, SAPOL SA BANAT NI KATHRYN BERNARDO: ‘HINDI KAILANGAN NG CAMERA PARA TUMULONG.’”
"Umani ng puna si Pangulong Bongbong Marcos matapos kumalat ang diumano’y komento ni Kathryn Bernardo tungkol sa pagtulong na hindi kailangang may kamera.
"Maraming netizen ang nagsabing tila may “shooting” si PBBM dahil sa presensiya ng camera crew sa relief operations.
"Biro pa ng ilan, mas mukhang handa raw ito sa pictorial kaysa sa aktwal na pagtulong sa mga nasalanta."
Min Bernardo refutes fake quotes attributed to Kathryn
Sa Facebook page mismo ng ina ni Kathryn, ni-repost nito ang inilabas na pahayag ng Star Magic, kasama ang mga screenshot ng fake quote cards ng aktres.
Sa caption ng kanyang post, nakiusap si Min sa netizens na tigilan na ang pagpapakalat ng maling impormasyon at paggawa ng kuwento tungkol sa kanyang anak.
Ayon kay Min, maraming maaaring mangyari sa patuloy na pagpapakalat ng mga hindi totoong balita.
Pahayag niya (published as is): Please stop using my daughter’s name or image on your platform, especially if the stories you share are not true/spliced.
"Ang isang kwento, pag dinagdagan o binawasan ng kahit isang salita, naiiba ang kahulugan, at nagiging FAKE NEWS… Don’t twist the story para lang dumami ang viewers nyo."
Bilang ina, masakit daw para sa kanyang pagpiyestahan ang anak sa isang pahayag na hindi naman nito sinabi o ginawa.
Saad niya (published as is): "It’s UNFAIR. We’ve endured in silence for so long because of dagdag-bawas at pag-twist ng kwento, but silence means we agree with what is being said.
"Remember, as a mother, there’s a LIMIT to how much pain and silence one can bear."
Samantala, habang isinusulat ang artikulong ito ay wala pang reaksiyon o pahayag na inilalabas si Kathryn, ngunit sa kanyang Instagram Stories ay ini-repost niya ang official statement ng Star Magic.


