Sa darating na Pasko, muling mapapanood si John “Sweet” Lapus sa isa sa mga official entries ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025 na Call Me Mother.
Ito ang 12th MMFF film ni Sweet.
Ang huli niya ay ang Buy Now, Die Later noong 2015 pa.
“Naku, di ko din alam kung bakit inabot ng ten years bago ako nagkaroon ng MMFF movie. Walang kasing offer.
“Kaya I’m so thankful na I’m back sa MMFF via Call Me Mother. Maganda, malinis, masaya ang movie na ito! This is it!” pahayag ni Sweet sa panayam sa kanya ng PEP.ph (Philippine Entertainment POrtal) via Facebook Messenger noong November 15.
Read: Barbie Forteza single ang lovelife status; balik-takbo pero solo
JOHN LAPUS ON NOT BEING PART OF SHAKE, RATTLE, & ROLL: EVIL ORIGINS
Naging suki rin si Sweet ng Shake, Rattle & Roll film franchise, kung saan lumabas siya sa limang MMFF movies nito noong 2007, 2008, 2009, 2010, at 2014.
Nalungkot ba siya nung hindi siya isinama sa all-star cast ng Shake, Rattle & Roll: Evil Origins ngayong MMFF?
“Alam mo, matagal na ako dito sa showbiz para sa tampo-tampo. Sanay na ako diyan.
"Na-stress lang ako nang slight kasi madami nagtatanong sa akin kung kasama ba daw ako sa bagong SRR movie?
“Kasi nga, memorable sa mga nakapanood sa akin sa SRR ay ang ilang beses akong pinatay. Pinatay ako ng puno, ng gown, ng aswang, ng dambulahang ahas, at ng tiyanak!
“Sabi nga sa akin noon ni Mother Lily na box-office daw ang SRR pag pinapatay ako! Kaya sa last ko na SRR 15, tatlong beses ako pinatay, pero tatlong beses din ako nabuhay!” tawa pa niya.
Ang iba pa niyang sinalihang MMFF movies ay Boy Golden: Shoot To Kill (2013), Kimmy Dora: Ang Kiyemeng Prequel (2013), Si Agimat, Si Enteng at Si Ako (2012), Super Inday and the Golden Bibe (2010), at Ang Panday (2009).
Read: OFW Rhodora Alcaraz, hurt in Hong Kong fire, declared "stable"
Kaya no regrets si Sweet sa hindi niya pagtanggap ng isang TV project dahil mas pinili niya ang Call Me Mother.
“Salamat kay Direk Jun Lana at sa mga producers for giving me the role. Actually, nasa cast ako dapat ng teleserye na Roja. Kaya lang, sabay ang shoot nito tapos sa Bicol pa ang Roja.
“So Star Magic and I decided na Call Me Mother ang piliin. Maliban sa Metro Manila lang ang shoot, mas malaki pa talent fee ko,” tawa niya.
Ang Star Magic ang siyang namamahala sa career ni Sweet, habang ang Roja ay ang Kapamilya series na pinagbibidahan nina Donny Pangilinan at Kyle Echarri.
JOHN LAPUS ON THE SET OF CALL ME MOTHER
Masaya raw ang atmosphere sa set ng MMFF entry ni Vice Ganda.
Ani John: "Sa gitna ng mga balita tungkol sa korapsyon sa gobyerno, may ginagawa silang pelikula para sa buong pamilya para masaya ang Pasko.
“Sa sobrang saya ng Call Me Mother at sobrang nakakaantig ng puso, baka isoli ng mga contractors at politicians ang mga ninakaw nila. Ganong level!” tawa pa niya ulit.
Pinuri naman ni Sweet ang direktor na si Jun Lana dahil magaan daw katrabaho.
“Masaya at kalmado si Direk Jun. My kind of director. Ganon din ako magdirek. Hindi ako nagagalit. Mas tahimik lang si Direk Jun.”
Ang sarap daw ng samahan nilang lahat sa set ng movie. Sagana raw sila sa chikahan at pagkain courtesy of Vice Ganda.
“Super chikahan naman kami nila MC Muah at Iyah Mina kasi kami madalas magkasama sa tent.
"Minsan si Vice, pumapasok sa set namin para chumika. Mahilig magpakain si Vice kaya busog kami lagi.
"One night, nakakita ako ng balut sa location namin sa Sampaloc.
"Sabi ko kay Vice, ang tagal ko nang hindi nakakakain ng balot kaya bibili ako. Aba nagulat ako, binili na pala niya for all yung isang basket ng balot noong nagtitinda.
“Ang dami naming chikahan at chismisan. Matagal ko ng kaibigan sina MC at Vice, payat pa kami lahat.
"Now lang ulit kami nakapag-update ng buhay ng isa’t isa.
“Mahusay si Vice dito. Mas malalim kasi ang hugot ng character niyang si Twinkle dahil anak at ang pagiging mother na niya ang topic.”

JOHN LAPUS GRATEFUL FOR PROJECTS OFFERED BY IDEA FIRST
Ito raw ang ikatlong beses na makatrabaho niya ang The Idea First Company.
Marami raw nagawang maganda sa buhay niya ang production outfit, kaya tuwing may offer, priority niya ito.
“Mabait sa akin ang Idea First, who is one of our producers. Para silang APT Studios sa buhay ko. Mga answered prayers. Dumadating sila pag kailangan ko.
“Una, sa kalagitnaan ng wala akong pang-bayad ng kuryente noong 2018, bigla na lang sila tumawag for a guest role in Ang Babaeng Alergic sa Wifi.
“Grabe, nagulat ako kasi doctor ang role. Hindi ko nga alam ang spelling ng iba kung sakit. So I asked Direk Jun kung bakit ako? I will never foget his answer, 'inclusivity.'
"Gusto lang niya na may gay actor sa movie niya. Na-touch ako nang sobra.
“Pangalawa, ang una kong work as an actor during the COVID pandemic ay ang Paano Ang Pasko? na pinalabas sa TV5.
“Walang-wala ako noon, tapos pumasok ang show na iyon na extended pa to season 2. Imbes na December lang, umabot ng February. Nakabawi ako sa kawalan ng work during pandemic.
“Pangatlo, dumating itong Call Me Mother na wala naman akong masyadong labada. Kaya very thankful talaga ako sa Idea First.
“Gusto ko sila maka-work ulit. Umaapela na nga ako kay Direk Tuxqs ng Idea First Live na isali ako sa Next Theater Production nila.
"Willing din ako maghubad!” tawa niya.
