Natanong si Judy Ann Santos tungkol sa kontrobersiyal na 500-peso Noche Buena ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Aldeguer-Roque.
Sa palagay ba niya ay sapat ito? Anu-ano ang mabibili niya?
“UFC, oo, di ba? Affordable, world-class quality, hindi lang world-class yung presyo,” ang nakatawang sagot ni Judy Ann, na pinakabagong endorser ngayon ng nasabing condiments brand.
“But, ahm… napaka-controversial talaga niyan. Actually, maraming nasaktan, maraming na-offend, maraming hindi naka-appreciate kasi parang na-degrade naman masyado ang mga tao, di ba?"
Sa magkahiwalay na radio interview at presscon, sinabi ng Trade Secretary na kasya ang 500 pesos bilang handa ng isang family of four sa Pasko.
Pero sa tantiya ba ni Judy Ann, sapat ang amount para sa apat na tao?
“Siguro they could be more specific sa five hundred na yun. Kung dalawa lang sila, baka nga hindi pa kasya yun sa mahal din talaga ng mga bilihin,” at muling natawa si Judy Ann.
Read: Kim Chiu accompanied by sister Twinkle at QC Prosecutor's Office
JUDY ANN SANTOS ON THE IMPORTANCE OF CHRISTMAS TO FILIPINOS
Sa tingin din ni Juday, wrong timing ang statement.
Unang-una, ongoing ang usapin tungkol sa bilyong nakulimbat ng mga pulitiko, government officials, at contractors sa flood-control projects.
Pangalawa, parang na-undermine ang kahalagahan ng Pasko sa mga Pilipino.
Ang sabi ng multi-awarded actress: “Probably, more research should have been done before naglabas ng ganung statement.
“Kasi sa panahon ng buhay natin ngayon, that everybody’s just clinging on to a thin thread, kahit anong sabihin talaga, mapapansin lalo't usapang pera.
“Kasi marami nang nawalang pera tapos, babalik tayo sa five hundred? Saan napunta yung iba?
“Anyway, sana mas naging compassionate lang sa mga ganyang klaseng pagbibigay ng [pahayag].
“Parang gusto mong tumulong sa Filipino families, pero mas naka-offend ka pa.
"Sana mas naging sensitive lang sa part na yun kasi ilan lang ba ang Fiipino families na walang anak or lahat tayo, smorgasbord tayo sa pamilya.
“Siguro kahit sabihing five hundred per person, baka medyo mas na-gets pa, e. Kasi kung lima tayo sa pamilya, o di may PHP2,500 tayo, kasya yun!
“Kasyang-kasya, mayroon ka pang pang-almusal.
“So, nakakalungkot lang isipin. They could have been more sensitive in that part because marami na tayong pinagdadaanan.
“Masyado nang durog ang mga Pilipino. Sana, bilang magpa-Pasko, mas pinag-isipan kung paano siya ide-deliver.”
Read: Who is Cristina Aldeguer-Roque?
JUDY ANN SANTOS ON NOCHE BUENA HANDA
May maibibigay ba siyang tips sa mga pamilyang limitado ang budget ngayong Pasko?
“Well, lagi naman nating sinasabi, very traditional tayong mga Pilipino, di ba? We'd always go home to our families on Christmas day.
“Hindi naman kailangan ng magarbong handa. Ang importante, magkakasama kayo sa Pasko, nakapagsimba kayo, nakapagpasalamat kayo, at lahat kayo, healthy.
“Siguro kahit simpleng pagkain lang, simpleng pansit, or probably meron kang fried chicken on the side or lechong manok.
“Hindi kailangang lima ang putahe kasi hindi naman ito labanan ng putahe. Hindi naman ito labanan ng dami ng pagkain sa… kung naka-buffet ka.
“Because Christmas time is really spending time with your family and appreciating the Lord our Jesus Christ.
“Kumbaga, we focus more on being with our loved ones.
“Yung pagkain, para lang naman tayo huwag magutom, e, sa Noche Buena.”

Pinuri rin ni Judy Ann ang mga Pilipino.
“Iyan din ang kahusayan sa ating mga Pilipino. We are so witty, na natatawanan natin yung mga problema natin.
“Baha nga, nagagawa nating mag-swimming, hindi ba?
“Kahit alam nating ang bigat-bigat sa puso ng mga napapanood natin, nagagawa nating mapagtawanan.
“Pero sana, sa pagkakataong ito, di ba, na ang daming dinadanas ng bansa natin, sana seryosohin tayo ng gobyerno.
“Iyon lang naman.”
Nakausap si Judy Ann ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media sa exclusive pocket media roundtable ng UFC kahapon, December 2, 2025, sa Two Maridien, 22nd Street, Bonifacio Global City sa Taguig, kung saan ang naging highlight ay ang “UFC’s global-quality standards, its diverse culinary portfolio, and its continuing legacy of shaping the Pinoy palate."
