Inabsuwelto ng Sandiganbayan Third Division ang dating alkalde ng Quezon City na si Herbert Bautista sa kasong graft.
Kaugnay ito ng pagkakadawit niya sa pagbayad ng PHP25 million sa Cygnet Energy and Power Asia, Inc. para sa installation ng solar power system at waterproofing works sa isang gusaling pagmamay-ari ng lungsod noong 2019.
Sa desisyong pirmado ni Associate Justice Ronald Moreno, napawalang-sala si Bautista dahil sa umano’y "failure of prosecution to prove his guilt beyond reasonable doubt."

Kasama rin dito ang pagbawi sa Hold Departure Order o ang pagbabawal sa kanyang umalis ng bansa na inisyu noon ng Sandiganbayan laban sa aktor at dating alkalde.
Siyam na taong umupo si Bautista bilang alkalde ng Quezon City, mula 2010 hanggang 2019.
HERBERT BAUTISTA'S ALLEGED COHORT FOUND GUILTY
Kung napawalang-sala si Bautista, kabaligtaran naman ang nangyari sa umano’y kasabwat niyang si dating city administrator Aldrin Cuña.
Guilty ang hatol ng Sandiganbayan kay Cuña sa parehong kaso.
Sentensiyang anim hanggang walong taon na pagkakakulong ang ipinataw sa kanya.
Bukod pa rito, pinatawan din siya ng "perpetual disqualification from holding public office."
Ibig sabihin, hindi na maaaring tumakbo o humawak ng anumang posisyon sa gobyerno si Cuña at hindi na rin siya makatatanggap ng mga benepisyo sa pagreretiro.
Noong Abril 2023, sinampahan sina Bautista at Cuña ng dalawang kasong graft dahil sa umano’y iregularidad sa mga proyektong aabot sa PHP57.4 million sa ilalim ng kanilang pamamahala.
Ang dalawang kaso ay inihain ng Office of the Ombudsman (OMB).
Read: Former QC Mayor Herbert Bautista faces plunder complaint before Ombudsman
Ang unang kaso, na itinalaga sa Sandiganbayan Third Division, ay may kinalaman sa mahigit PHP25 million na ibinayad diumano nina Bautista at Cuña sa Cygnet Energy and Power Asia, Inc.
Ang pangalawang kaso ay napunta sa Seventh Division, kung saan pareho rin silang sangkot dahil sa pagbabayad umano ng PHP32.1 million sa Geodata Solutions, Inc. para sa Online Occupational Permitting Tracking System (OOPTS) noong 2019.
Noong Enero 2025, hinatulang guilty ng dibisyon sina Bautista at Cuña.
Sentenisyang anim na taon at isang buwan hanggang sampung taong pagkakakulong ang ipinataw sa kanilang dalawa.
Read: Ex-Quezon City Mayor Herbert Bautista found guilty of graft
