Si Sofia Mallares ng Project Z ni Zack Tabudlo ang itinanghal na The Voice Kids 2025 grand champion.
Tinalo ni Sofia sina Yana Goopio ng Team Bilib (Billy Crawford), Marian Ansay ng Julesquad (Julie Anne San Jose), at Giani Sarita ng Benkada (Ben&Ben).
Siya ang nagkamit ng pinakamataas na boto mula sa audience at viewers.
Ginanap ang huling yugto ng The Voice Kids 2025 nitong Linggo, December 14, 2025.
Sa finale, kinanta ni Sofia ang rendition niya ng "The Prayer" ni Celine Dion.

Matapos ang performance ni Sofia ay tinanong siya ng host ng programa na si Dingdong Dantes kung ano ang mga bagay na ipinagdarasal niya—kaugnay ito sa titulo at tema ng huli niyang kinanta.
Sagot niya: "Nagpe-pray po ako na maging grand champion po ako and yung mga nanonood po, naririnig po, na-touch po ang kanilang hearts and na-feel po nila ang presence ni God."
Bagay na nagbunga naman sa huli nang hirangin siyang grand champion.
Read: Daniel Padilla, Kaila Estrada spotted at IV of Spades concert
Zack Tabudlo reflects on coaching journey
Kasunod ng pagkapanalo ni Sofia ay hindi naiwasang magbalik-tanaw ng coach niyang si Zack.
Gaya ni Sofia ay produkto rin si Zack ng singing competition.
Noong 2014, naging contestant si Zack sa The Voice Kids Season 1 na noo'y napapanood pa sa ABS-CBN.
Si Bamboo Mañalac ang napiling coach noon ni Zack sa reality talent competition.
Sina Lyca Gairanod, Darren Espanto, at Juan Karlos Labajo ang kanyang mga naging kasabayan.
Read: Zack Tabudlo at Ben&Ben, mga bagong coach ng The Voice Kids
Hindi pinalad si Zack na magwagi, pero naging matagumpay naman ang kanyang career bilang mang-aawit at songwriter.
Bagay na ipinagpapasalamat niya ngayon nang magwagi ang kanyang team sa katauhan ni Sofia.
Mababasa sa Instagram caption ni Zack, kalakip ang litrato nila ni Sofia, "11 years ago, I stood here… a kid with a dream, as a contestant in this competition and lost.
"Today, I stand here as a winning coach. Congratulations @sofia_mallares. The Voice Kids Champion."
