Ibinahagi ng Brazilian beauty queen na si Priscilla Meirelles kung paano at kung kailan siya nakapagdesisyong bumitaw na sa relasyon nila ng estranged husband na si John Estrada.
Ikinuwento ito ng Miss Earth 2004 sa YouTube interview sa kanya ni Amy Austria na na-upload noong January 17, 2026.
Sa simula, hindi malinaw sa talakayan kung si John ang pinag-usapan nang tanungin ni Amy si Priscilla kung paano siya nakabangon.
Hindi binanggit ang pangalan ng aktor sa interview.
Pero sa mga sumunod na tanong at pahayag nina Priscilla at Amy, nabanggit ang “separation,” “ex-husband,” at mga pahayag ni Priscilla na malinaw na si John ang tinutukoy.
Related Stories:
- Priscilla Meirelles closes door on John Estrada
- John Estrada confirms marital issue with Priscilla Meirelles
- Priscilla Meirelles reacts to husband John Estrada's statement
PRISCILLA MEIRELLES ON BREAKUP WITH JOHN ESTRADA
Ang sentro ng interview kay Priscilla ay kung paano niya nahanap ang Panginoon para makabangon mula sa mabigat na pinagdaanan.
Sabi ni Priscilla, sa tingin niya ay ginawa niya ang lahat para maisalba ang kanyang marriage.
“Oh my gosh, I tried too hard. Too hard, because, again, ayoko talagang natatalo ako. But na-realize ko, hindi talo iyon, e,” paliwanag ng beauty queen na matatas magsalita ng Tagalog.
Hindi raw niya ito matanggap noong una.
Subalit naisip daw niyang hindi ito nangangahulugang natalo siya dahil kalaunan ay nahanap niya ang kanyang sarili sa napagdaanan.
Napagtanto raw ni Priscilla na lagi niyang inuuna ang iba at ang magmahal ng iba. Oras na raw para sarili naman ang mahalin niya para sa kanya at para sa kanyang anak.
Kung nagtapos man ang kanyang marriage, isang kabanata lang ng buhay ang nagwakas. Hindi raw ito nangangahulugang katapusan ng lahat para sa kanya.
At sa pagtatapos ng isang kabanata ay siya namang pagsisimula ng isa pa.
Dahil sa mga pinagdaanan, nakita raw ni Priscilla kung ano ang mga kaya niyang gawin na hindi umaasa sa iba. A better version of herself, kumbaga.
Naipaliwanag din niya kung bakit hindi na niya ipinilit noon na ipaglaban ang pagsasama nila ni John.
Matapos gawin ng isang tao ang lahat at naramdamang hindi na pagmamahal ang nasa sentro ng pagsasama, “then there is really nothing to fight for,” ani Priscilla.
Dagdag niya, “Because it’s worth it to fight for while God is still there.”
Hindi raw overnight ang naging desisyon niyang bumitaw dahil sa loob ng maraming taon ay ipinagdasal niya ito at ginawa ang lahat.
Napag-isip-isip daw niyang hindi ang Diyos ang naglalagay sa kanya “in a situation where you are feeling miserable.”
Napagtanto raw ni Priscilla, “Nobody’s gonna do to you what you don’t allow them to do.”
Sa madaling salita, nasa kamay raw ni Priscilla na baguhin ang masamang sitwasyong kinasasadlakan niya.
“So you have the power,” aniya.

Ito rin ang sitwasyong nais niyang ipabatid sa mga kapwa-babae o kahit sinuman.
“We have the power to change our situation,” aniya.
“Nothing is permanent in this world. So you just have to realize that you deserve better.”
getting DEPRESSed in the past
Inamin ni Priscilla na na-depress din siya noon pero kumapit daw siya sa Panginoon.
Sa ganitong pagkakataon, kailangan daw ng tao ng makakapitan, tulad ng pananampalataya, dahil kung hindi ay maaaring bumigay ang isang tao.
Tinanggap daw ni Priscilla na may dahilan anuman ang nangyayari, kahit hindi raw maganda.
Isa pa raw realization kaya bumitaw na siya sa kanyang marriage ay dahil kailangan niyang maging magandang halimbawa sa anak nila ni John.
Sabi niya: “I have a daughter, I have to be a good example to her.
"I don’t want to normalize the things that were happening, and I don’t want her to end up in the situation I was back in then.
“So I needed to make a stand for myself and for her to say, ‘No. This is not okay. You deserve better. You can do better.’”
Magsisimula raw ang pagbabagong ito kapag uunahing mahalin ang sarili.

Dumating din daw siya noon sa puntong hindi na niya kilala ang sarili.
“I completely felt that I’m at a loss,” pag-amin ni Priscilla.
Sabi pa ni Priscilla, may nabanggit sa Bibliya na may pagkakataong katanggap-tanggap ang paghihiwalay.
“But also the Bible talks about certain situations where it’s okay to separate. There [are] special situations where it’s okay to separate."
Pakiramdam daw ni Priscilla, pasok ang kanyang sitwasyon sa mga nabanggit sa Bible.
Hindi siya nagdetalye kung ano ang mga sitwasyong iyon na nasa Bible.
Sa sitwasyon naman niya, hindi raw siya nagkulang na gawin ang lahat sa mahabang panahon.
“So, sabi ko, ‘Lord, you know, I fought so hard. I fought for 14 years. You know na binigay ko lahat. Buong buhay ko, buong prime years ng buhay ko. Yung heart ko, sweat, tears—everything.'”
Bandang huli, napagtanto ni Priscilla na kung mas makabubuti sa kanya ang mag-isa sa buhay, tatanggapin daw niya ito.
Binanggit niya, “To walk with God, maybe I need to let this person go.”
Ang na-realize daw niya: “Sometimes, it’s okay to love from afar.
"You can still love a person but andiyan lang sa kanto niya at andito ako sa kanto ko.
“Maybe the kind of love changes, ibang level na love. Maybe you’re not in love with the person. A different level of love.”
Tila nais tumbukin ni Priscilla na ang pagtatangi niya sa estranged husband ay hindi na bilang kabiyak, kundi pagmamahal sa taong naging bahagi ng kanyang buhay at nakatulong para mahubog ang pagkatao niya.
UPDATE WITH JOHN
Sundot na tanong ni Amy, “Nag-uusap pa rin kayo?”
Sagot ni Priscilla, “Oh, yes, of course. Kasi may anak kami.
“I think the difference between us and maybe other people is that we both love our child so much. And I can attest to it.
“My ex-husband really does his best to support my child, and to be present the best way he can.
"So ako, same thing, e. It’s always for the benefit of the child.
“Dahil diyan, we communicate with each other and anything that’s related to the child.”
PRISCILLA-JOHN BREAKUP IN 2024
July 2024 nang tuldukan ni John ang matagal na noong usap-usapang hiwalay na sila ni Priscilla.
Sa Instagram Story, sinabi ni John na sila ni Priscilla “mutually agreed to take a break for quite some time now.”
Sa pamamagitan ng social media, sumagot si Priscilla at kinontrang “mutual” ang kanilang paghihiwalay. Pero hindi niya kinontra ang pahayag na break na sila ni John.
Sa mga sumunod na buwan at taon, tuluyan nang hindi nagkabalikan ang mag-asawa.
Sa February 2025 exclusive interview ng PEP.ph kay Priscilla, sinabi niyang civil sila ni John, at co-parenting sila para sa 13 anyos nilang anak na si Anechka.
Sa April 2025 interview kay Priscilla, tinuldukan niya ang posibilidad ng reconciliation.
“The book is closed,” sabi niya sa interview ni Karen Davila.
Taong 2011 nang ikasal sina John at Priscilla.
Read: Priscilla Meirelles reveals current status with John Estrada
