Unti-unti nang muling nagpaparamdam ang aktres na si Katherine Luna sa publiko matapos mawala sa sirkulasyon ng isang dekada.
Very active ngayon si Katherine sa TikTok sa paggawa ng videos.
Kabilang sa content na ginagawa niya ay ang pagpapasilip sa mga kaganapan sa kanyang buhay bilang nanay ng walong anak; pagsabak sa video trends; at latest updates sa kanya.
Halimbawa, kamakailan ay nag-post siya ukol sa pagtapak niya sa ABS-CBN building para sa kanyang guest appearance sa Kapamilya game show na Rainbow Rumble.

Dumating ang tulong kay Katherine matapos ang 2025 interview sa kanya ni Julius Babao. Ikinuwento rito ng award-winning actress ang kanyang mga pinagdaanan.
Binanggit din ng aktres ang tungkol sa pagkalulong niya sa droga, pagkaaresto at pagkakakulong, pagtatrabaho sa club, at ang pagbabago ng kanyang hitsura dahil sa pagkaduling ng kaliwang mata.
Ang interview na iyon ang naging daan para ma-contact at matulungan si Katherine ng dati niyang co-star at nakarelasyon na si Coco Martin.
Read:
- Katherine Luna clarifies alleged love child with Coco Martin
- Coco Martin on Katherine Luna: "Napatawad ko na siya."
KATHERINE OPENS UP about DRUG ADDICTion
Sa two-part TikTok video nitong Huwebes, January 22, 2026, idinetalye ni Katherine kung paano siya nalulong sa ipinagbabawal na gamot at kung paano siya nakabangon.
Naging emosyunal ang aktres sa kanyang paglalahad.
Sa kabila ng patuloy na natatanggap na bashing, naiyak daw si Katherine dahil marami rin siyang natatanggap na positibong mensahe mula sa netizens.
Malaking bagay raw iyon kay Katherine lalo pa't nagsisimula pa lang siyang makabangon uli.
Hindi niya napigilang maiyak nang banggiting marami siyang pinagdaanang hirap nang mawala siya sa showbiz.
Hindi raw niya alam na nade-depress na pala siya noon dahil sa hindi magagandang nangyari sa buhay niya.
“Nagkaroon ako ng problema sa pamilya. Nagkaroon ako ng problema sa karelasyon kaya ko pinasok ang mundo ng drugs,” saad niya.
Dagdag pa raw rito ang pagkakasakit niya na naging rason ng pagkaduling ng isang mata niya.
“Yun, nagtuluy-tuloy. Na-hook ako," pag-amin niya.
"Talagang nalulong po ako. At dala ng pagkalulong ko, hindi ko na kontrolado ang isip ko.
“Marami akong maling nagawa sa buhay. Sobrang daming mali.
"Sobrang daming pagkakamali. Na hindi mo akalain magagawa ko.”
Pero dagdag ni Katherine, nangyari na ang nangyari. Nagawa na niya ang mga pagkakamali.
Pagpapatuloy niya: “Ngayon na clean na ako, hindi ko akalain nagawa ko yun.
“Ang akin lang po ngayon, gusto ko lang po talagang bumangon.
"Gusto ko lang po talagang magbagong-buhay… para sa mga anak ko, para sa pamilya ko.”

HOW KATHERINE OVERCAME ADDICTION
Kasunod nito ay ang pagdedetalye ni Katherine kung paano niya nalampasan ang kanyang addiction.
Hindi raw siya nagpa-rehab at hindi siya ipinasok sa rehab.
Na-overcome daw niya ang pagkalulong nang magdesisyon siyang gusto na niya itong itigil.
“Nung nag-decide ako sa sarili ko… bigla na lang po isang araw nagising ako na gusto ko nang talikuran. Isinumpa ko siya.
“Nung napanood ko ang sarili ko sa interview, sobra-sobra akong nasaktan kasi nakita ko kung paano ko sinira yung sarili ko,” pagtukoy niya sa interview sa kanya ni Julius Babao.
“Pag nasa impluwensiya ka pa ng droga, di mo na kontrolado ang pag-iisip mo. Mahirap kontrolin ang pag-iisip, mahirap mag-isip nang tama.
“Mahirap magdesisyon nang tama kasi hindi mo kontrolado ang isip mo. Mahirap po. Lalo na para sa akin dahil nalulong po ako talaga."
Nang magdesisyon daw siyang itigil na ang pagdodroga, pinanindigan daw niya ito.
“Bigla na lang paggising ko nag-decide ako nung araw na mismo na iyon na… nag-decide ako na ayoko na, tama na, titigilan ko na. Buo na ang loob ko.
“Sa tulong din ng mga anak ko, sa tulong ng pamilya ko, nai-stop ko siya,” pagbabahagi ni Katherine.
Naging mahirap daw ang unang linggo dahil nakaramdam siya ng withdrawal syndrome.
“Meron po kasing tinatawag na magigiyang ka… yung withdrawal po naramdaman ko yun, naranasan ko yun. Pero na-overcome ko lahat yun.”
Ang pinanghawakan daw niya noon ay ang mga taong nangakong tutulong sa kanyang makabangon.
Sabi ni Katherine: “Kasi alam niyo po, simula nung nalaman ko na may tutulong sa akin, mayroon pa ring tao na handang tumulong sa akin sa kabila ng pagkakamali ko, sa kabila ng mga maling nagawa ko sa buhay, sa kabila ng pagkakasadlak ko, may tao pa ring [tutulong]…
"Yung desididong maibangon ka, tutulungan ka. Na magtiwala sa iyo."
KATHERINE GRATEFUL TO COCO AND JULIA
Isa sa mga taong tinutukoy ni Katherine na tumulong sa kanya ay si Coco Martin.
Matapos lumabas ang interview ni Katherine, iniulat noon ni Ogie Diaz na nagsabi sa kanya si Coco na tutulungan niya si Katherine.
Sa kanyang latest TikTok video, nagbigay ng mensahe si Katherine kay Coco at sa partner nitong si Julia Montes.
“Kaya po kay Direk Coco, kay Ma’am Julia, taos-puso talaga akong nagpapasalamat sa kanila.
"Walang laman ang isip, ang puso ko ngayon, kundi puro pasasalamat lang.
"At hindi ko sasayangin yun,” pahayag ni Katherine.
Ayon pa kay Katherine, tinanggap na raw niya noon sa sarili ang pagbabago sa kanyang mukha, kaya nabuhayan siya ng pag-asa nang nagpahayag si Coco na tutulungan siya para maoperahan ang kanyang mata.
“Bigla akong nagkaroon ng focus sa buhay. Bigla akong nagkaroon ng motivation…yung pag-asa, e…” sambit niya.
Aminado si Katherine na mahina pa siya dahil nagsisimula pa lang ang kanyang pagbabago.
Bukod sa pag-iwas mula sa mga kaibigan na maaaring makaimpluwensiya sa kanyang bumalik sa maling gawain, kumakapit daw ngayon si Katherine sa Diyos.
Dasal daw ang ginagawa niya kapag nakakaramdam ng panghihina at tukso.
Umapela rin siya sa mga kritiko na sana ay itigil na ang pamba-bash sa kanya lalo pa nagsisimula pa lamang siyang muli.
Sa pamamagitan ng direct messaging, tinanong ng PEP si Katherine kung ano ang mga tulong na ipinaabot sa kanya nina Coco at Julia.
Sagot ni Katherine, bukod sa pagpapagamot, nagbigay rin ng tulong pinansiyal ang couple upang makapagsimula siyang muli.
“Marami po silang naitulong sa akin pati sa mga anak ko," mensahe ng aktres sa PEP.
"Natulungan nila ako sa pagpapagamot ng mata ko at nagpaabot din po sila ng tulong pinansyal sa akin at kay Nicole.”
Si Nicole ay anak ni Katherine, na inakala noon ay anak niya kay Coco. Pero lumabas sa DNA test na hindi siya anak ng Kapamilya actor.
Read: Coco Martin says DNA test proves he's not the father of Katherine Luna's baby
Pagpapatuloy ni Katherine sa tulong nina Coco at Julia: “Nakapagsimula kami ngayon ng maliit na negosyo na napagkukunan namin ng pang-araw-araw na gastusin.
“Malaki po ang pasasalamat ko sa kanila.
"Actually, kulang ang salitang ‘salamat’ sa lahat ng kabutihan nila sa aming mag-iina.
“Habang-buhay kong tatanawin na malaking utang na loob ang ginawa nila para sa akin at sa aking mga anak.”
Nabigyan ng role sa Batang Quiapo ang anak ni Katherine na si Nicole.
Gumanap si Nicole bilang best friend ni Ponggay na ginampanan ni Criza Taa.
Napabalita rin noon ang posibilidad na ipasok sa sikat na Kapamilya teleserye si Katherine oras na gumaling na siya mula sa operasyon.

