Ibinahagi ng komedyanteng si Jinky Oda, 56, ang mga hamon sa pagiging U.S. immigrant.
Si Jinky—Jacque Oda sa totoong buhay—ay nakabase na ngayon sa San Francisco, California.
Nagtatrabaho siya bilang security officer, pero tumatanggap din siya ng side hustles kagaya ng pagiging caregiver at pagpe-perform sa shows sa Filipino communities doon.
Kasama ni Jinky na naninirahan sa Amerika ang kanyang non-showbiz husband na si Juan Alfaro.
Read: Jinky Oda now working as security personnel in San Francisco, California

jinky oda leaves the philippines
Taong 2016 nang magdesisyon si Jinky na iwanan na ang Pilipinas at tumira sa U.S.
Iyon din daw ang mga panahong natapos na ang kanyang kinabibilangang TV show na Vampire Ang Daddy Ko (2013-2016), isang sitcom sa GMA-7 na pinagbidahan ni Vic Sotto.
Naging household name si Jinky dahil sa kanyang role bilang Bale sa fantasy-comedy TV series na Okay Ka, Fairy Ko (1989-1997).
Pag-amin ni Jinky, na-culture shock siya nang lumipat sa Amerika.
Sanggol pa lamang si Jinky nang ampunin siya ng mag-asawang nag-aruga at nagpalaki sa kanya sa Tondo, Maynila.
Nang manirahan si Jinky sa U.S. noong 2016, nagsimula siya bilang caregiver at kalaunan ay naging security personnel.
At kahit halos isang dekada na roon si Jinky, aminado siyang hindi pa rin madali ang mamuhay sa U.S.
Malayong-malayo raw sa ito sa naging buhay niya sa Pilipinas.
“Dito, bahala ka,” sabi ni Jinky sa YouTube interview ni John Saavedra noong January 26, 2026.
“Ang napansin ko lang, napaka-standard ng ‘Kamusta ka na?’
"Sa atin, ‘Kamusta ka na…’ ang daming kuwento, di ba? Tinanong mo lang, ‘Kamusta na?’ pero ang haba ng sinabi.”
Hindi raw tulad sa Amerika na kapag kinumusta, ang isasagot lang ay “I’m good.”
Sundot ni Jinky, “Pero hindi naman talaga good.”
Pag-amin niya, may mga hamon sa kanya sa mga nakalipas na buwan.
“Ngayon, financially medyo challenging sa akin, kasi it’s been six months na wala akong extra job.”
Sabay kabig niya, “Pero may mga caregiving job naman akong tinatanggap, which I love kasi nga at least one-on-one…”
Nabanggit ni Jinky na wala pa siyang masyadong network para sana sa side hustles.
Nararanasan din daw niya ang sinapit ng maraming Pilipinong nagtatrabaho roon.
“So, wala for six months. Naririnig ko noon sa kanila [OFWs] na ang hirap, paycheck-to-paycheck ganyan…
“Ngayon na-experience ko siya, totoo pala. Kasi talagang after you receive your salary, you have to pay for your bills. Wala nang natitira…”
Hindi raw naranasan ito ni Jinky sa Pilipinas.
Saad niya: “Sa totoo lang, sa Pilipinas hindi ko naranasan iyon. Hindi ko naranasan yung kapusin kasi nga maraming [resources]… tsaka abundant ang mga panahon [noon].
“Dito kasi, pag wala kang trabahon, ganga. At walang tutulong sa iyo. So, mahirap yung ganoong buhay.”
Malaking pasasalamat daw niya na mayroon siyang katuwang sa buhay.
“Buti na lang yung asawa ko medyo well-off kahit papano. Siya ang aking sponsor,” natatawa niyang sabi.
“My husband is working as a caregiver as well.”
Kung may hamon siyang kinakaharap ngayon, naniniwala si Jinky na “season lang naman” ito.

LIFE IN THE U.S.
Nagdesisyon si Jinky na mamalagi sa U.S. para makasama roon ang kanyang anak na si Ryckllan Recto.
Ang ama ni Ryckllan ay si former Batangas Vice-Governor Ricky Recto, na pumanaw noong December 1, 2022.
Tatlong taon pa lamang noong umeere ang Vampire ang Daddy Ko, pero tinapos na ito.
“Five years ang contract sa GMA but, unfortunately, for some reason hindi siya na ganoon nag-rate,” pagbabahagi ni Jinky.
Wala raw siyang ibang source of income at wala rin siyang negosyo, kaya’t nagdesisyong pumunta na lamang sa U.S. para makasama ang anak.
Patuloy si Jinky sa paglabas sa mga show doon kapag may offers.
Tinanong si Jinky kung paano siya nananatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok sa Amerika.
Sagot niya: “Put God in the center of your life, kasi lalo na dito sa Amerika ang hirap maka-build ng friend dito, e.
“Yung mga friend ko nga kailangan ko pang magpa-appointment kasi alam mo naman… trabaho, trabaho, trabaho… [ang] focus parang puro trabaho.”
Hindi raw niya nais sapitin ang ganoong buhay.
Saad ni Jinky: “Wait, I don’t wanna die like that. So ang pinakakinapitan ko talaga si Lord.
“I prayed a lot and I read my bible a lot with my husband, and dun ko [nakuha] yung inner peace, tsaka, yun nga, yung strength, emotional strength…
“Yung soul mo kailangan mong i-feed lalo na kapag…
“Ang dami kong na-encounter na mag-isa lang dito sa Amerika, and ako. I consider mag-isa lang ako coz my son lives in Florida, so he has his own family.
“So, kung wala akong asawa, mag-isa lang talaga ako totally.”
Ibinahagi naman ni Jinky sa social media na ikinasal siya sa non-showbiz partner noong December 2022.
Inusisa si Jinky kung anong marka ang gusto niyang iwan.
Sagot niya: “The person who makes them smile and the person who fears God.”
