Nagpaliwanag si Tuesday Vargas kung bakit dumating sa puntong humiling na siya ng trabaho mula sa kanyang mga kasamahan sa industriya.
Aminado ang singer-comedienne na hindi siya sanay na walang ginagawa dahil laki siya sa hirap.
Lahad niya sa Real Talk ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal): "Hindi ako galing sa pamilya ng mayayaman, kapatid. Ano ako, salt of the earth ang mga magulang ko.
"Laki akong Tondo, Santa Cruz, Maynila. So, hindi yan bago sa akin, yung magbanat ng buto.
"Kasi nakikita ko rin to sa mga kinalakihan ko, yung pagbebenta."
Kaya naman daw hindi niya ikinakahiya ang pagla-live selling.

Dagdag niya, "So, nung nauuso yung live selling, naging parang second nature ko lang siya.
"Hindi ko nga siya naisip na nakakahiya up until may nag-comment, 'Ay, nagbebenta na lang? Dati sikat tapos ngayon live seller na lang?'
"Nakakaaano yun ng damdamin kasi marami po kayong mga dapat na ikinakatuwa sa mga taong marunong kumain ng ego at pride para mag-uwi ng income para sa pamilya, at marangal naman ito.
"So iniisip ko, 'Bakit kaya ganyan yung reaction ng mga tao?'
"E, sa akin, e, wala lang naman ito. Hindi siya pagpapakumbaba dahil gusto ko ng sympathy or ng awa sa mga tao.
"Actually, wala akong ganung kaisipan. Ang gusto ko lang talaga ay kumita nang malinis nang walang... wala akong inaaway, wala akong nilalamangan. Yun lang."
Nakausap ng Real Talk si Tuesday sa contract signing niya bilang Luxe Slim endorser ng kanilang Caffé Macchiato noong nakaraang March 2026.
Ang Luxe Slim ay pag-aari ni Anna Magkawas.
Read: Tuesday Vargas receives on-the-spot endorsement contract
TUESDAY VARGAS ON CO-WORKERS: "pasahan kami ng rakEt..."
Sa tingin ba ni Tuesday ay humina ang mga trabaho sa showbiz industry?
Hindi naman daw. Pero kulang lang sa oportunidad para sa lahat.
Saad niya: "Hindi naman... Pero maraming merong problemang katulad ko.
"As in, ang daming walang trabaho ngayon. Alam mo yan, Kapatid, lalo na yung mga batch namin, ng mga nauna, na yung iba medyo wala na silang ganap.
"At hatian kami. Minsan pasahan kami ng raket, ganun. Pasahan kami ng opportunities kasi nga ano, few and far in between.
"Pero sobra akong grateful kasi, in twenty-four years, hindi pa naman ako nabakante.
"Even now, kahit nag-post ako nun, parang yung bakante ko isang linggo lang, e.
"Nung nag-post ako nun, sunud-sunod na yung mga opportunity."
Hindi raw kasi sanay si Tuesday na nakatengga lamang sa bahay.
Aniya, "Di ako sanay na hindi ako nagtatrabaho. Alam mo yan. Sobrang lagarista.
"Trabaho tayo nang trabaho. Hindi ako sanay na parang, 'Uy, anong nangyari?'
"Except nung pandemic, na talagang understood naman na hindi tayo nakatrabaho talaga.
"Pero eto talaga, parang, 'What's next?' Meron akong ganung panic mode na naganap sa akin."
Sa Real Talk exclusive interview kay Tuesday na lalabas sa YouTube channel ng PEP.ph ngayong Huwebes, April 30, 2026, ibinahagi niya ang kanyang mga investment gaya ng lupa, cryptocurrency, stocks, bonds, at time deposit.
Pati na ang gabay upang malagpasan ng isang tao ang problema sa mental health.
Gayundin ang nasayang na ibinayad niya sa isang cruise ship tour abroad dahil hindi niya nasampahan, at ang kapalit nitong trabaho sa isang cruise ship din kung saan libre siyang nakapag-tour at kumita pa.
Read: Cristine Reyes, Isabelle Daza recall real sabunutan and conflict
