Tuloy ang kasal?
Ito ngayon ang tanong ng netizens matapos lumabas online ang larawan ng pamilya ng aktres na si Bea Alonzo na tila nasa airport.
Ayon sa caption ng ilang nag-post ng larawan sa social media, nasa Spain ang mga kamag-anak ni Bea at kuha ang larawan sa isang airport sa naturang bansa.
Hindi beripikado kung ang mga larawan ay kuha sa kasalukuyan o luma. Maging ang sinasabing lugar kung saan kinunan ang mga larawan ay hindi kumpirmado sa ngayon.
Pero marami sa fans ni Bea ang nag-repost ng litratong ito at kumbinsido silang bagong litrato ito at senyales na naayos kung anuman ang gusot na kinaharap ng couple nitong mga nagdaang araw.
Una nang inulat ng PEP.ph na nakatakdang ikasal diumano si Bea sa negosyante na si Vincent Co sa Spain itong darating na May 14.
Bago ang kasalan ay may welcome party din na sinasabing nakatakda sa May 12.
Read: WHAT PEP KNOWS: Bea Alonzo and Vincent Co's wedding date
Si Vincent ang presidente ng Puregold Price Club, Inc., na kilalang supermarket chain sa Pilipinas at may branches nationwide.
Read: WHAT PEP KNOWS: Is Bea Alonzo dating Puregold scion Vincent Co?
FANS SPECULATE THE WEDDING IS PUSHING THROUGH
Para sa ilang fans, ang larawang ito ng pamilya ng aktres ang patunay na matutuloy ang kasal nina Bea at Vincent.
Nitong mga nakaraang araw kasi ay lumutang ang bulong-bulungan na hindi na matutuloy ang kasalan dahil hindi umano nagkasundo ang magkasintahan sa prenuptial agreement terms na nilatag ng pamilya ni Vincent.
Ayon sa mga ulat, kabilang umano sa mga kondisyon sa prenup agreement ang kagustuhan ng pamilya ni Vincent na sa bahay ng kanyang mga magulang tumira ang mag-asawa.
Nakasaad din umano na kung sakaling maghiwalay sila, sa panig ng ama mapupunta ang kustodiya ng kanilang mga magiging anak, kung magkakaroon man sila.
Hindi kumpirmado ang mga impormasyong ito, kaya masasabing espekulasyon lamang ang mga kumakalat na haka-haka.
WHAT PEP.PH HEARD FROM THOSE IN THE KNOW
Maging ang mga nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na mga tao na may access sa magkasintahan ay hindi makapagbigay ng kumpletong impormasyon.
Ngunit ayon sa sources ng PEP.ph mula sa mundo ng showbiz, business, at fashion, totoo ngang natigil ang planong pag-iisang dibdib nina Bea at Vincent.
Kung pansamantala lamang ba ito o hindi ay walang may alam sa kasalukuyan.
Subalit base na rin sa nakalap ng PEP sa mga nakausap nito ay tila may koneksyon nga sa isyu ng prenuptial agreement—o prenup, na isang legal na kasulatang nagtatalaga ng mga kondisyon para sa pagsasama ng ikakasal—ang malaking dahilan ng pagkaudlot ng sana ay masayang okasyon.
Ngunit maliban sa sinasabing prenup, may iba pa raw na dahilan kung bakit nagkakaroon ng pagdadalawang-isip sa kasalan.
Tila isyu diumano sa pamilya ni Vincent ang pagiging high-profile personality ni Bea dahil sa trabaho niya bilang celebrity.
Hindi kaila na iwas ang mga mayayamang negosyante at pamilya sa publisidad na may kaugnayan sa kanilang personal na buhay.
Ayon sa pinakahuling detalye na natanggap ng PEP, hindi pa rin malinaw kung ano ang magiging desisyon nina Bea at Vincent sa isang kasalang napaghandaan na ng mga ninong at ninang at mga panauhing lilipad palabas ng bansa para makadalo.