Natatandaan niyo pa ba ang kabayong pinatakbo habang nakatali sa umaandar na pickup truck?
Nangyari ito sa kahabaan ng Gingoog-Claveria-Villanueva Road sa Misamis Oriental noong February 2026.
Nakunan ng videos ng ilang concerned citizens ang pangyayari, pati na rin ang paghiga ng kabayo sa kalsada nang tumigil ang pickup truck.
Marami ang naawa sa sinapit nito.
Ang kabayo ay nakilala sa social media bilang si Kabang.
Pero katwiran ng may-ari, hindi niya inabuso ang alagang hayop. Tini-train daw niya ito.
Hindi naman tinanggap ng concerned netizens ang paliwanag ng may-ari.
Nagbigay ng pahayag ang Philippine Ethical Treatment of Animals (PETA) Asia at Philippine Animal Welfare Society (PAWS): Minaltrato si Kabang at nilabag ng may-ari ang Republic Act 8485 o Animal Welfare Act.
Pero nasaan na ngayon si Kabang? Ano na ang update sa kanya?
Read: Animal welfare advocates decry horse dragged by truck
WHERE IS KABANG NOW?
Nakatanggap ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng email mula kay Jana Sevilla, PETA Asia senior campaigner at nagbigay ng update ukol sa kabayo.
Sa pahayag ng animal rights group, binanggit na 25 kilometro pala ang layo ng tinakbo ng kabayo nang kaladkarin ito ng umaandar na pickup.
Matapos mag-viral, tinunton ng PETA Asia ang rancho na kinaroroonan ng kabayo.
Dito nadiskubreng ang rancho ay wala palang lisensiyang mag-alaga.
Kaya nagsagawa ng rescue mission ang PETA Asia. Nakipag-ugnayan ito sa Local Government Unit (LGU) ng Misamis Oriental.

Nalaman din through a veterinary check-up na may pilay ang kabayo kaya ipinagamot ito ng animal rights group.
“[A]t sa tulong ng mga lokal na awtoridad, kalaunan ay nakuha ang kustodiya sa kanya—habang ang kanyang dating may-ari ay habambuhay nang pinagbawalang mag-alaga ng mga hayop,” ayon sa pahayag ng PETA Asia.
'Mula sa Misamis Oriental ay dinala papuntang Batangas si Kabang gamit ang horse trailer at truck.
Inabot ng anim na araw na biyahe, kabilang ang pagsakay sa Ro-Ro.
Pagdating sa Batangas, sinimulan ang komprehensibong pagpapagamot kay Kabang.
Dumaranas din kasi ito ng pananakit sa balakang at pamamaga ng mga paa.
Sa ngayon, base sa mga video at larawang ipinadala ng PETA Asia, mas mabuti na ang lagay ng kabayo.
“[S]i Kabang ngayon ay iginagalang at inaalagaan sa isang mapagmahal na tahanan,” sabi ng PETA.
“Ngayon, namumuhay si Kabang nang payapa at komportable kasama si Dr. Steve Ternura, na nag-ampon sa kaniya, at siya ring beterinaryong tumayong kasama niya sa buong anim na araw na paglalakbay na naghatid sa kanya sa kanyang panghabambuhay na tahanan.”

