Tutol ang Kapamilya actor na si Brent Manalo sa planong pagtatayo ng Pax Silica Industrial Hub sa New Clark City, Tarlac, na kanyang hometown.
Sa post niya sa X noong July 6, 2026, ipinahayag ni Brent ang kanyang pangamba sa posibleng epekto ng proyekto sa mga magsasaka at agrikultura sa kanilang probinsya.
Mababasa sa kanyang post (published as is): "NO TO PAX SILICA.
"Tarlac heavily relies on agriculture for its sustenance and marami sa magsasaka namin ang posibleng marelocate at mawalan ng kabuhayan dahil dito.
"And this is just one of the many risks it poses.
"The 1.6K -hectare AI hub promises to be innovative but at what cost."

Maging sa Kapamilya noontime show na It's Showtime, hindi rin pinalampas ni Brent ang pagkakataong ipahayag ang kanyang pagtutol sa planong pagtatayo ng Pax Silica.
Nitong Martes, July 28, sa "Miss Q & A" segment ng programa, naging co-host si Brent nina Vice Ganda at Jackie Gonzaga.

May isang contestant sa nasabing segment ang nakapanayam nila, at nalaman nilang nagtrabaho ito sa Department of Agriculture Bureau of Plant Industry.
Read: MTRCB summons It's Showtime over "racist" remark, "lugaw" scene
Dito na binanggit ni Brent ang 1,600 ektaryang sakop ng planong proyekto at ang kanyang pangambang maaari itong magdulot ng relokasyon at pagkawala ng kabuhayan ng maraming magsasaka sa Tarlac.
Aniya: "Sa mga hindi pa nakakaalam—marami pa ang hindi nakakaalam niyan, Meme [Vice Ganda], yung nangyayari ngayon.
"Yung Pax Silica na 1,600 hectares of land ang makakamkam if ever man na matuloy yung proyekto na ito sa Tarlac, which is ang hometown namin ni Kuya Ion [Perez]."
James Caraan questions Pax Silica project
Maging ang stand-up comedian-host na si James Caraan ay mariin ding tinututulan ang pagpapatayo ng Pax Silica.
Sa kanyang post sa Threads nitong Martes, July 28, inihambing ni James ang proyekto sa pagbili ng kotse kaysa unahin ang bahay.
Saad niya: "Yung Pax Silica, parang pinilit niyo ng pamilya niyong bumili ng bagong kotse kahit sa waiting shed lang kayo nakatira."

WHAT IS PAX SILICA?
Ang Pax Silica ay isang U.S.-led international initiative na naglalayong bumuo ng global supply chain para sa artificial intelligence (AI), semiconductors (computer chips), critical minerals, at advanced manufacturing.
Isa ang Pilipinas sa mga bansang lumagda sa inisyatibong ito noong April 2026.
Bahagi ng plano ng gobyerno na itayo ang high-tech development project sa New Clark City sa Tarlac, na sasaklaw sa humigit-kumulang 1,600 ektarya na inaasahang makalilikha umano ng mga trabaho at makakaakit ng malalaking dayuhang pamumuhunan.
Gayunman, may environmental advocates, siyentipiko, magsasaka, at residente na nagpahayag ng kanilang pagtutol at pangamba sa proyekto.
Marami sa mga tumututol sa proyekto ang nangangamba sa posibleng malaking konsumo ng tubig at kuryente ng AI hub, epekto nito sa kalikasan at biodiversity, pati na rin ang kabuhayan at karapatan sa lupa ng mga komunidad at mga usapin tungkol sa pambansang soberanya.
Read: EXPLAINER: What is Pax Silica; why does it matter to Filipinos?
Iginiit naman ng pamahalaan na dadaan ang proyekto sa mga kinakailangang environmental at legal na proseso bago ito maisakatuparan.
Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong July 27, ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Pax Silica, na aniya'y makalilikha ng de-kalidad na trabaho at magpapalakas sa industrial competitiveness ng bansa.
Pahayag ng Pangulo: "We continue to strive for bigger and greater things, venturing into areas heretofore unimaginable.
"That is, strategic and emerging industries that position our country in the global value-chain, such as in the fields of pharmaceuticals, advanced manufacturing, luxury goods, technology, and logistics.
"Additionally, a product of the 23-member-strong and US-led Pax Silica Initiative, the Pax Silica Industrial Hub will create an ecosystem that will have AI at its core.
"It will bring quality jobs to our people, accelerate our industrial competitiveness, and revitalize our economy.
"As a strategic component of the Luzon Economic Corridor, the hub will be an advanced manufacturing and logistics center in the global AI and technology value chain."
Read: Meet Mervin Dayagro and Jordan Tamayo: The Pinoys behind viral pickpocket brawl in Rome
