Nagawa pang magbiro ni Anjo Yllana sa gitna ng utos ng korte na magbayad siya ng PHP3.5 million bilang danyos kaugnay ng petition for permanent injunction na isinampa laban sa kanya ng TVJ Productions, Inc.
Ang kaso ay nag-ugat sa mga mapanirang pahayag niya laban sa Eat Bulaga! at sa mga host nito.
Nang tanungin ng entertainment press ang reaksiyon niya sa naging desisyon ng korte, sinabi ni Anjo: "Accepted ko naman yung reaction. Nabigla lang ako sa babayaran ko."
Nang banggitin ng isang reporter na tila PHP3 million ang halaga ng danyos, agad itong itinama ni Anjo na may halong biro.
Aniya: "PHP3.5M. Huwag mong ibaba yung value ko, PHP3.5M."
Hindi pa rito nagtapos ang kanyang pagpapatawa.
Aniya, habang tumatagal ay tila mas lalo niyang naiisip na mataas pala ang "value" niya.
"Alam mo, habang tumatagal, naiisip ko, ang taas pala ng value ko.
"Kasi pagka ikaw ay ano, hahatulan ng ganun kalaking halaga, bini-base yan sa kung ano yung kakayahan mo.
"E, kayang-kaya ko pala to. Sabi ng korte."
ANJO YLLANA APPEALS COURT RULING
Sa kabila ng kanyang magaan na biro, sinabi ni Anjo na inapela na nila ang desisyon ni Presiding Judge Gloria Monica S. Lopez ng Branch 279 ng Regional Trial Court ng Mandaluyong City.
Saad niya: "It is under appeal. And siyempre it will take time. Right now, nag-appeal ako sa court.
"So, siguro mga ano yun, baka dalawa o tatlong appeal pa yun pag di makukuha sa isa."
Nakausap ng entertainment press si Anjo bago magsimula ang Maddox Jewelry Fashion Show 2026 sa Isla Ballroom ng Edsa Shangri-La Hotel sa Mandaluyong City noong Huwebes ng gabi, July 30.
Ang fashion show ay pinangunahan ng Maddox Jewelry owner na si Charo Cordial at dinaluhan ng maraming celebrities.

Read: Anjo Yllana appeals ruling ordering him to pay TVJ PHP3.5 million
ANJO YLLANA: "I made a public apology."
Sa naturang panayam, inamin din ni Anjo na nagkamali siya sa mga naging pahayag niya laban sa mga dating kasamahan sa longest-running noontime show.
Aniya: "Twice na I made a public apology. I said 'sorry.'
"I am vocal na mahal ko sila hanggang ngayon.
"And I admitted I had mistakes. May mga mali akong nagawa, and sabi ko nga, pinagsisisihan ko naman yun.
"The most important thing is, natuto ka doon sa pagkamali.
"Ang pinaka-wish ko lang naman ngayon hindi naman yung guilty ako or hindi, may babayaran ako, malaki or hindi.
"Mas wish ko yung sana humupa na kung meron man sama ng loob at galit, sila."
Ano ang mas mabigat para sa kanya: ang kaso o ang nasirang pagkakaibigan?
Ayon kay Anjo, mas masakit isiping may mga taong dati niyang pinahalagahan na maaaring may galit pa rin sa kanya.
"Well, yung friendship kasi namin medyo dormant na for years.
"Kasi nung nag-resign ako sa show, medyo hindi ko na sila nakasama't nakakausap.
"Mas masakit, para sa akin ha, mas masakit yung na-realize ko na pag meron ka palang mga taong pinakisamahan, minahal, e, yung nararamdaman mo na may galit sila sa yo.
"At yun ang masakit sa akin. Hindi naman yung guilty ka o may babayaran ka."
Read: Melai Cantiveros recalls secret breakup with Jason Francisco
LEARNING FROM HIS MISTAKES
Sinabi rin ni Anjo na ang buong karanasan ay nagsilbing malaking aral sa kanya sa loob ng mahigit apat na dekada niya sa showbiz.
"Sabi ko nga, I learned from my mistakes. First time ko nagawa to sa forty-one years ko sa showbiz.
"Ang pinagsisisihan ko yung bagay na natutunan ko. Sabi ko nga, you learn from your mistakes.
"Pag hindi ka nag-learn sa mistakes mo, e, wala ka natutunan. E, sarili ko lang yun, e.
"Mag-isa, mag-isa, kumbaga mag-isang laban ko to. Ang kausap ko lang sarili ko."
Tinanong din si Anjo kung nagkaroon ba ng mediation o anumang pag-uusap sa labas ng korte.
Sagot niya: "Wala. Pero kasi sa akin kasi, parang hindi ko na kailangang mag-mediate pa kasi alam ko naman yung fault ko, e.
"So, bakit pa kukuha ng tao na mag-mediate? Meron ngang fault, e, at I admit naman I made a mistake.
"Parang kasalanan ko na naging emotional din ako. Naglabas ako ng mga sama ng loob.
"Pero yun nga, dahil sabi ko nga first time lahat to sa akin, e, ang importante sa akin din yung natutunan ko na, 'Ay mali pala to.'
"Tsaka ano rin, e, yung mga anak ko rin, pinagalitan ako ng mga anak ko."
Read: Claudine Barretto reveals reason behind viral kiss with Pepe
