Nagulat si Ynez Veneracion nang mabalitaan ang pag-aresto sa dati niyang talent manager na si Lito de Guzman.
Dinakip si Lito ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation sa Manila Hotel noong Miyerkules ng gabi, Hulyo 29, 2026.
Iniuugnay siya sa isang human trafficking operation at sa naudlot na plano umanong i-honeytrap si Executive Secretary Ralph Recto.
Kasabay ng pagkakaaresto ni Lito, limang babae na umano'y mga talent niya ang inilagay sa protective custody matapos silang mailigtas mula sa sinasabing trafficking scheme.
Kinabukasan, Huwebes, Hulyo 30, pumutok sa iba't ibang news platform ang balita tungkol sa pagkaaresto ni Lito.
Read: NBI arrests talent manager in human trafficking bust operation
YNEZ VENERACION REACTS TO LITO DE GUZMAN'S ARREST
Isa si Ynez sa mga artistang dating mina-manage ni Lito kaya agad hinanap ng media ang aktres para hingan ng reaksiyon.
"Oo, nabalitaan ko yan kagabi. Kagabi ko pa nabalitaan," sabi ng aktres nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Maddox Iconic Runway: Diamond Jewelry Fashion Show na ginanap sa EDSA Shangri-La Hotel noong Huwebes.
"Sabi ko, 'Hala, bakit?' Tapos sabi ko, 'Anong isyu?'
"Siyempre, inalam ko kung ano yung isyu. Hanggang sa nalaman ko.
"Kinumusta ko siya, 'Kumusta ka na?'"
Nang tanungin kung paano niya nalaman ang kalagayan ng dating manager, napangiti lang si Ynez.
"Secret," makahulugan niyang sabi.
Pagkatapos ay ikinuwento niyang may common friend na tumulong para makausap niya si Lito.
"Nakausap ko siya through a friend. Tapos ibinalita sa akin. Nakita raw sa TV.
"Naglalaro ako that time ng pickleball that time... So ngayon, may nagbalita. 'Uy, nakita ko sa TV si ano.'
"Although, yung shot, blurred naman. Pero syempre nakilala ko.
"Tapos sabi pa sa akin, 'Naku, baka hindi makalabas, ah.'
"Uhm, sabi ko, 'Dasal na lang tayo. Sana makalabas.'
"Lahat naman ng problema may solusyon, di ba?
"Dadaan lang yan. Huwag tambayan."
Naniniwala si Ynez na malalampasan ni Lito ang kinahaharap nitong problema.
"Tingin ko naman magiging okay din sila. Dadaan lang sa tamang proseso," sabi niya.
YNEZ VENERACION ON WHAT LITO DE GUZMAN TOLD HER
Ayon kay Ynez, nakausap niya mismo si Lito tungkol sa mga kasong isinampa laban dito.
"Sinabi naman niya sa akin, naipit siya. Wala daw siyang kasalanan. Yun, sabi niyang ganun."
Gayunman, iginiit ni Ynez na katotohanan pa rin ang mananaig sa huli.
Saad niya: "Pero, di ba, lalabas naman ang totoo. Sa lahat naman ng kaso lumalabas ang totoo, di ba?
"Kung ano yung totoo, yun ang lalabas. Kung may pagbabayaran o wala.
"Kung meron dapat pagbayaran, e, di pagbayaran."
Kasunod ng pag-aresto kay Lito, nadawit din ang pangalan ni Ynez sa ilang online reports dahil isa siya sa mga artistang dating mina-manage ng controversial talent manager.
Pero nilinaw ng aktres na hindi niya kilala ang limang babaeng inilagay sa protective custody.
"Pero ngayon kasi tinanong ako kung sinu-sino yung mga babae. Lima yata sila.
"Hindi ko naman sila kilala. Pero nag-aarti-artista na ata sila sa Viva kineme," din ni Ynez.
Sa tingin ba niya ay maaapektuhan ang career ni Lito bilang talent manager?
"Tingin ko," maikli pero diretso niyang sagot.
Paliwanag ni Ynez: "Kasi imaging, e. Imaging kasi yan, e.
"Di ba, kapag nagkaroon ka ng bad... ngayon kasi sa industriya, imaging talaga.
"Kapag nagkaroon ka ng bad image, ang hirap na."
Kahit pa mapatunayang wala itong kasalanan?
"Oo," diin ni Ynez.
"Pero kapag napatunayan naman na hindi totoo at may mga proof na hindi totoo, oo, pwede naman.
"Later on mage-gain niya ulit yung respeto ng mga tao. Basta mapatunayan niya na hindi totoo.
"Sa ngayon, medyo mainit pa, medyo fresh pa. Huwag na lang sumagot siguro, di ba?
"Pero malay mo makalabas din."
Read: Talent manager claims Leviste behind plot against Recto — NBI
YNEZ'S MESSAGE FOR LITO
Tinanong din si Ynez kung plano ba niyang dalawin ang dating manager habang nakakulong ito.
Sagot niya: "Oo naman, bakit hindi? Syempre may pinagsamahan din naman kami ni Kuya.
"Kinumusta ko nga agad, e.
"Minessage ko nga siya agad, e, 'O, kumusta ka?' Tinawagan ko.
"Sabi niya, okay naman daw siya.
"Natatawagan ko siya sa Messenger. Or baka ng trusted na tao na pinahawak niya ang kanyang phone na nakaantabay sa kanya."
Sa huli, nag-iwan si Ynez ng mensahe para sa dating manager.
"I will pray for your safety. At kapag nalutas mo na ang problema mo ngayon, sana sa susunod wala nang susunod na ganyang problema.
"Sana malinis niya ang pangalan niya. Kasi medyo pangit ang isyu.
"Alagaan natin yung binuild nating pangalan, kung anuman yung binuild nating pangalan natin na maganda.
"Next time, pangalagaan natin. Tsaka dapat, malinis lang din talaga.
"Sana malinis niya ang pangalan niya. Kasi medyo may pagkanegatibo yung isyu.
"At naniniwala naman ako, in time malilinis din. Time will tell," pahayag ng aktres.
First runway experience
Isa si Ynez sa mahigit 40 celebrities na rumampa sa Maddox Iconic Runway: Diamond Jewelry Fashion Show, at aminado siyang kinabahan dahil first time niya itong gawin.
Ang Maddox Jewelry ay pag-aari ni Charo Cordial.

Saad ni Ynez: "Naku, syempre medyo kinabahan ang lola mo. First time kong rumampa sa runway. Tapos ang laki-laki pa nung stage.
"Kasi, di ba, alam niyo naman kumakanta lang tayo, umaarte. So, first time ko rumampa sa isang fashion show.
"Ta's diamond jewelries pa ang inirampa amin. O, di ba? Pak!"
Pero hindi raw siya nagpa-intimidate sa dami ng celebrity models na kasama niya.
"Hindi. Lahat kami may sari-sariling style ng pagrampa, ng paglakad, ng pag-pose.
"Just do your best. Yun lang naman ang iniisip ko.
"Alam ko lahat naman kami magaganda. Lahat kami may style," saad ni Ynez.
Read: Nadia Montenegro reacts to Baron Geisler's post about daughter Sophia: "Sana totoo."
