Hindi pinagsisisihan ni Hazel Espinosa ang kontrobersiyal na sagutan nila ni Sabrina M. sa isang episode ng now-defunct entertainment talk show ng ABS-CBN, ang The Buzz.
Sa episode na iyon, parehong nasa studio sina Hazel at Sabrina, na parehong sexy actresses, para sagutin ang isyu tungkol napanalunang cash prize sa isang Kapamilya noontime show at ang kanilang dating away.
Nagsilbing mediator sa tapatan ng dalawa ang hosts ng programa na sina Boy Abunda, Kris Aquino, at John “Sweet” Lapus.
Early 2000 pa nangyari ang interview na iyon, pero nag-viral ito kamakailan matapos itong i-post sa social media, at binanggit sa caption ang “bardagulan” ng mga artista noon bago sumikat ang social media.
Pinatutsadahan ni Hazel si Sabrina ng pagiging laos, habang ibinunyag naman ni Sabrina na may anak na si Hazel.
Dahil naging viral ang video, inamin ni Hazel na “sumugod” ang netizens sa kanyang TikTok account at nagtanong.
Ito ang dahilan kaya raw gumawa siya ng reaction video matapos mabuhay uli ang isyu.
Sa pamamagitan ng direct messaging, nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Hazel matapos mahalungkat ang old interview nila ni Sabrina.
Read: Hazel Espinosa reacts to viral The Buzz clash with Sabrina M.
NO REGRETS on doing the interview with SABRINA
Paglilinaw ni Hazel, hindi niya pinagsisisihan ang interview nila ni Sabrina, kung saan nagsagutan sila on national TV.
“Well, I don’t regret… palaban naman talaga ako dati pa. Feeling ko naman nasabi ko halos lahat ng gusto ko sabihin sa kanya, so okay na yun,” sabi ng dating sexy star.
Hindi diretsahang sinagot ni Hazel ang tanong ng PEP kung nagkaayos na ba sila ni Sabrina o kung bukas ba siyang makipag-ayos.
Saad niya: “Wala naman sa akin yun.
"Actually, nakalimutan ko talaga na may ganun, sa dami ng magagandang nangyari din sa life ko.
"Nakalimutan ko yung ibang panget na experience."
Sa katunayan, nagkita raw silang muli ni Sabrina bago magtapos ang 2025.
Pagbabahagi ni Hazel, “Nagkita kami last December sa isang game show. Civil lang kami.”
Ang tinutukoy ni Hazel ay ang Rainbow Rumble, ang ABS-CBN game show hosted by Luis Manzano.
Sa episode na iyon na magkatabi pa sina Hazel at Sabrina nang maglaro sila.
Kasama nilang naglaro ang mga kapwa dating sexy stars na sina Zara Lopez, Katrina Paula, at Pamela Ortiz.

THE LIFE OF HAZEL ESPINOSA TODAY
Si Hazel ay taga-Quezon City at magdiriwang ng kanyang ika-48 kaarawan sa darating na October.
Ang pagma-manage ng sariling negosyo at pagiging ina ang pinagkakaabalahan niya ngayon.
“I have four kids and they are keeping me busy, aside sa business ko na spa at aesthetic clinic,” pagbabahagi niya.
Nakilala si Hazel sa pelikulang Huwag Po! Huwag Po! noong 1999.
Labing-apat na taon na rin ang nakalilipas mula nang huli siyang gumawa ng proyekto.
“Last project ko was Daldalita pa, last 2012, sa Channel 7, starring Jillian Ward.”
Samantala, maraming netizens ang nagkomento na napanatili ni Hazel ang pagiging maganda kahit nakalipas ang maraming taon.
“Salamat sa alaga ng sarili kong clinic,” reaksiyon niya.
Hindi naman sinagot ni Hazel ang tanong kung bukas pa ba siyang mag-showbiz.
Samantala, si Sabrina naman ay patuloy sa pag-arte at abala sa pagiging nanay sa kanyang tatlong anak.
