May pinagdaraanan ba ang relasyon ng mag-asawang Baron Geisler at Jamie Evangelista?
Ito ngayon ang tanong ng maraming netizens matapos nilang mapansin ang pag-unfollow sa isa't isa ng dalawa sa Instagram.
Kung bibisitahin ang Instagram ni Baron ngayong Miyerkules, September 9, 2026, hindi na makikita sa kanyang following list ang pangalan ng asawang si Jamie.

Maging si Jamie ay in-unfollow na rin si Baron dahil hindi na rin ito lumalabas sa kanyang following list.

Bagamat hindi na sila magka-follow sa Instagram, patuloy pa rin sa sina Baron at Jamie sa pag-upload ng mga litrato ng kanilang anak.
Nitong Martes, September 8, halos magkasunod na nag-upload sa Instagram ang mag-asawa ng mga litrato ng anak nilang si Tali habang sinusuportahan nila ito sa Buwan ng Wika celebration.
Naroon man sa iisang event, kapansin-pansin ang hindi pagsasama ng dalawa sa mga ibinahagi nilang litrato.
Sa mga litratong ini-upload ni Baron, siya lamang ang guardian na kasama ni Tali nang magpa-picture ito kasama ang mga teacher nito.

Sa Instagram Stories naman ni Jamie, wala ring makikitang larawan ni Baron.

Habang isinusulat ang artikulong ito, hindi pa nagbibigay ng pahayag o anumang reaksiyon sina Baron at Jamie tungkol sa usap-usapang gusot sa kanilang pagsasama.
Read: Baron Geisler says he was blessed with wife Jamie Evangelista when he started fixing his life
Jamie sparks intrigue with post about maid sleeping with boss
Samantala, dahil sa pag-unfollow nina Baron at Jamie sa isa't isa, hindi maiwasang iugnay ito ng ilang netizens sa naging post ni Jamie sa Threads noong September 5, hinggil sa amo na katabing natutulog ang maid nito.
Mababasa sa kanyang post, "Is it normal for an alalay/maid/PA to sleep in the same bed as her married employer?
"Morally acceptable? Asking for a confused wife."

Bagamat walang binanggit si Jamie kung sino ang tinutukoy niyang “married employer,” may ilang netizens na nag-assume na ang kanyang asawang si Baron ang tinutukoy niya.
Mabilis ding binura ni Jamie ang naturang post, ngunit may ilang netizens na nakapag-screenshot nito at muling nag-upload online.
JAMIE hints at BARON'S drug relapse
Nagsimulang pag-usapan ang umano'y problema sa pagsasama ng dalawa nang magkomento si Jamie sa isang Instagram post ni Baron noong July 18.
Dito, sinabi niyang kailangan nang magpa-drug rehab ang kanyang asawang aktor.
“Find a drug rehabilitation sponsor who can help you address the root cause of your problems. I doubt a facial can heal that," saad ni Jamie sa ilalim ng post ni Baron kung saan makikitang sumasailalim ang aktor sa isang beauty treatment.

Kasabay nito ay may Instagram Story rin si Jamie sa sarili niyang account kung saan naka-tag si Baron.
“No one plays the victim better than the one who cause the damage,” mensaheng nakalagay sa Story.

Gayunman, gaya ng kanyang Threads post, binura rin agad ni Jamie ang komento niya tungkol sa umano'y pagpapa-rehab ni Baron.
