Inaresto ng Quezon City Police District (QCPD) ang nakatatandang kapatid ni Kim Chiu na si Lakam Chiu kaugnay ng kasong qualified theft.
Ayon sa ABS-CBN News, naaresto si Lakam, 45, dakong alas-4:06 ng hapon ngayong Linggo, Setyembre 20, sa Barangay Wack Wack, Mandaluyong City.
Isinagawa ang pag-aresto sa bisa ng warrant na inilabas ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 84.
Nagtakda naman ang korte ng recommended bail na PHP5.838 million.
Ang warrant ay may kaugnayan sa 124 counts ng qualified theft na isinampa ni Kim laban kay Lakam kaugnay ng umano’y pagkuha ng corporate funds ng kumpanyang House of Little Bunny Philippines, Inc. (HOLB), na pagmamay-ari nina Kim at Lakam.
LAKAM CHIU ARRESTED FOR 124 COUNTS OF QUALIFIED THEFT
Noong Setyembre 1, 2026, naglabas ng resolution ang Office of the City Prosecutor of Quezon City matapos suriin ang reklamo ni Kim at ang mga isinumiteng dokumento at salaysay ng magkabilang panig.
Batay sa resolution, may sapat na basehan para kasuhan si Lakam ng 124 counts ng qualified theft na may kabuuang halagang PHP44,396,331.65.
Ang mga kaso ay may kinalaman sa magkakahiwalay na withdrawals at online transfers mula sa corporate bank accounts ng HOLB.
Ayon sa findings ng prosecutor, ang mga pondong sangkot ay bahagi ng sales at revenues ng kumpanya at dapat gamitin para sa legitimate corporate expenses.
Iginiit naman ng prosecution na walang naipakitang Board Resolution, Secretary’s Certificate, o iba pang corporate authorization na nagpapahintulot kay Lakam na gamitin ang corporate funds para sa personal na pakinabang o investment activities.
Read: Kim Chiu's sister Lakam charged in PHP44.4M qualified theft case
LAKAM CHIU DENIED ALLEGATIONS
Mariing itinanggi ni Lakam ang alegasyon ni Kim.
Sa kanyang salaysay na nakasaad sa prosecutor’s resolution, sinabi niyang hindi siya treasurer o general manager ng HOLB kundi corporate secretary.
Kinuwestiyon din niya ang paggamit ng salitang “unauthorized” para ilarawan ang kanyang withdrawals at online transfers dahil joint bank accounts umano nila ni Kim ang mga ito.
Ayon kay Lakam, nagkaroon sila ng kasunduan ni Kim na maaari ring gamitin ang pera para sa iba pa nilang “business ventures.”
Ipinaliwanag din niya na ang perang ginamit sa casino-related transactions ay para umano sa isang business venture na inaasahan niyang magbibigay ng returns, at hindi para sa personal na pagsusugal.
Read: Kim Chiu stands firm on pursuing legal case vs. sister Lakam
KIM CHIU VS LAKAM CHIU LEGAL BATTLE
Noong Disyembre 2025, nagsampa si Kim ng qualified theft complaint laban kay Lakam matapos niyang matuklasan umano ang malalaking financial discrepancies sa kanilang negosyo.
Sinabi noon ng It's Showtime co-host na isa ito sa pinakamahirap na desisyong ginawa niya dahil kapatid niya ang kanyang kinasuhan.
“This is one of the most painful steps I have ever taken in my life,” pahayag ni Kim sa isang statement.

Samantala, sinabi ng abogado ni Lakam na umaasa pa rin silang maaayos ang problema sa loob ng pamilya.
“Our client is saddened by her sister's decision to pursue the case but remains hopeful that the matter can still be resolved amicably within the family. She will address the charges through the proper legal process.”
Sa pinakahuling development, mula sa pagiging subject ng criminal case ay naaresto na si Lakam sa bisa ng court-issued warrant.
Gayunman, ang pagkakaaresto at pagkakasampa ng kaso ay hindi nangangahulugang napatunayang nagkasala na si Lakam.
Patuloy niyang haharapin ang 124 counts ng qualified theft sa korte.
