Kamakailan lang ay nag-viral si Mon Confiado para sa naging immersion niya bago gampanan ang karakter ni Pedro sa The Fisher, ang bago niyang pelikula na palabas sa mga sinehan ngayon.
Sa kanyang Facebook post noong October 14, 2026, ipinagtapat ng award-winning actor na nag-volunteer siyang pumunta sa location sa Ilocos Norte isang buwan bago magsimula ang shoot.
Aniya, importante ang method acting process na ito upang maging epektibo siya bilang isang mangingisda.
“Bago ko siya ganapan, kailangan ko munang kilalanin ang mundo niya,” saad niya.
Namuhay si Mon na kasama ang mga totoong mangingisda.
“Nakibagay sa kanilang pamumuhay. Nagpaitim. Nagpapayat. At higit sa lahat, sinikap kong unawain ang buhay na araw-araw nilang hinaharap—ang dagat, ang hanapbuhay, ang pagod, at ang pakikipagbuno sa buhay,” banggit ng character actor.
Naganap ang shooting ng The Fisher noong 2022. Si Paul Soriano ang direktor nito.
Read: Paul Soriano’s The Fisher weaves folklore, fantasy, West Philippine Sea conflict

MON CONFIADO'S IMMERSION
Sa advanced screening ng The Fisher noong October 21, 2026, sa SM Aura sa Taguig City, hindi naiwasang magtanong ang press tungkol sa Facebook post ni Mon.
Kaya’t masaya niyang ikinuwento ang naging buhay niya sa tabing-dagat na malayo sa kabihasnan.
“Yung character ni Pedro kasi, sobrang complicated na i-play. Hindi lang kasi siya mangingisda, e.
"Psychologically, medyo mabigat yung dinadala niya and masyadong poetic yung kanyang pagkatao,” saad niya.
Dahil dito, ninais niyang maging kabilib-bilib ang pisikalidad ng role.
“Number one, siyempre, yung attitude ng fisherman. Nagre-reflect kasi talaga doon, e. Wala kasi ako talagang alam sa, about fishing, about a fisherman, so kailangan ko talaga siyang pag-aralan—yung paglambat lang, yung paghawak ng sagwan, yung paghawak ng, uh, mga isda, and everything,” paliwanag niya.
Dahil dito, nagpaalam siya sa producer ng pelikula na Ten17P at Black Cap Pictures kung maaari na siyang mauna sa location.
Pumayag naman sila at siniguro ang kanyang kaligtasan.
Nais daw sana ni Mon na tumira sa barong-barong kung saan nila isu-shoot ang mga eksena, pero hindi pumayag ang producer dahilwalang kuryente at tubig doon.
Gayunpaman, nagawa pa rin ni Mon na manirahan kasama ang mga mangigisda.
Pagpapatuloy niya, “Nakihalubilo na ako sa mga fisherman. Inaral ko na yung ano, 3:00 A.M. in the morning nangingisda na kami.”

Read: Dennis Trillo and Jennylyn Mercado's family home is 100% complete
SHOOTING THE FILM
Nakatulong ang immersion ni Mon upang mapadali ang shoot, lalo na’t maraming eksena ang kinuhanan sa gitna ng dagat.
Makikita sa pelikula ang mga eksena kung saan nagbabangka si Mon sa gabi habang malalaki ang alon.
Dagdag pa ng 58-year-old actor, hindi naging madali ang shoot dahil mayroon siyang vertigo.
“Kasi nakita niyo naman sa movie, napakalalaki ng alon, grabe. Kasinglalaki ng bahay pagka dumarating siya sa laot.
"So sa gitna ng dagat talagang, grabe yung hilo ko. Pero na-survive ko naman.
“During the shoot, I guess 9 to 10 Bonamine na tabs ang tinatira ko para lang malabanan ko yung vertigo,” kuwento ni Mon.
Ang vertigo ay isang sintomas na nagdudulot ng matinding pagkahilo.
ON METHOD ACTING
Tinanong ng press si Mon kung ginagamit niya ang method acting sa lahat ng kanyang acting projects.
Sagot niya, sa pelikula niya ito madalas ginagawa. Hindi niya magawa ang method acting sa mga teleserye dahil gahol sa oras.
“Mahirap gawin iyan dahil sobrang limitado ng mga preparations. Minsan, tatawagan ka, bukas na yung taping, o minsan naman dahil series siya, hindi mo siya mami-maintain, ang hirap, e,” saad niya.
Nagagawa niya ito sa mga movie projects kapag sapat ang oras na binibigay sa kanya para makapaghanda.
“Proseso ko na siya, e. Ang laking bagay kasi talaga sa akin, ah, kasi hindi iyan applicable sa lahat, e,” saad niya.
Aminado si Mon sa mga usap-usapang negatibo tungkol sa method acting.
Sa Hollywood, may mga tsismis na nagdudulot ng toxic working environment ang mga method actors tulad nina Jared Leto, Ashton Kutcher, at Daniel Day-Lewis.
Pinipilit ng Filipino actor na hindi mangyari ito sa kanyang trabaho. Masaya naman daw siyang nakikipagkapwa sa mga kasama sa set.
“Kumbaga, at the end of the day, acting pa rin naman siya, e. Yung proseso lang. Yung tama si Direk, yung bago ako pumunta sa set, kilalang-kilala ko na yung character ko, e.
"And dun sa prosesong yun, nakakatulong yun sa akin,” pahayag niya.
Kasama ni Mon sa cast sina Mercedes Cabral, Enchong Dee, Heaven Peralejo, Tommy Alejandrino, at Eula Valdez.