Isinailalim sa 90-day preventive suspension ang driver's license ng BINI member na si Mikha Lim matapos kumalat online ang video kung saan makikitang gumagamit siya ng cellphone habang nagmamaneho.
Noong November 9, 2026, nag-Live si Mikha sa Weverse habang nasa loob ng kaniyang sasakyan.
Makikita sa video na sumasabay siya sa mga kantang pinapatugtog habang nagmamaneho.

Nakunan din sa livestream na hindi nakahawak sa manibela si Mikha dahil abala ang dalawa niyang kamay sa paggamit ng cellphone habang umaandar ang sasakyan.
Sa kalagitnaan ng kaniyang pagmamaneho at pagkanta, bigla na lamang nalaglag ang cellphone na ginagamit niya sa pagla-Live.

Ngunit sa halip na huminto muna sa ligtas na lugar, nagpatuloy sa pagmamaneho ang dalaga habang inaabot ang nahulog niyang cellphone.
LTO issues Show Cause Order vs. BINI Mikha
Dahil sa insidente, may ilang netizens na naalarma sa posibleng aksidenteng maaaring idulot ng ginawa ni Mikha, kaya naman tinawag nila ng pansin ang LTO.
Tinugunan ng LTO ang mga reklamo nitong Miyerkules, November 11, nang maglabas ito ng Show Cause Order (SCO) laban kay Mikha.
Read: BINI's Mikha Lim launches activewear brand MILI Club
Kabilang sa mga posibleng paglabag na nakasaad sa SCO ang Republic Act No. 10913 o Anti-Distracted Driving Act, Reckless Driving, at pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Ang mga naturang paglabag ay maaaring maging batayan para suspendihin o bawiin ang driver's license ng isang motorista kapag napatunayan.
Ayon sa ahensya, mapanganib ang ganitong kilos dahil maaari itong magdulot ng aksidente at maglagay sa panganib hindi lamang sa mismong driver kundi maging sa iba pang motorista.
Read: Kim Chiu eyes legal action vs. individuals spreading fake news
Dahil dito, inatasan ng LTO si Mikha na humarap sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa November 20, upang magbigay ng paliwanag kaugnay ng insidente.
"Trabaho po namin na tiyaking naipapatupad ang batas nang patas at walang kinikilingan, anuman ang katayuan o kasikatan ng isang tao.
"Sikat man o hindi, inaasahan nating sumusunod ang lahat sa batas-trapiko, at kung mapatunayang may paglabag, ipapatupad ng LTO ang kaukulang parusa," saad ni LTO Chief Assistant Secretary Markus Lacanilao sa inilabas nilang pahayag.
BINI Mikha appears before LTO after driving issue
Samantala, bagamat sa November 20 pa nakatakdang humarap si Mikha sa LTO, boluntaryo na siyang nagtungo sa tanggapan ng ahensya nitong Miyerkules, November 11.
Ayon sa ulat ng ABS-CBN News, personal na nagtungo si Mikha sa LTO upang makipag-usap sa mga opisyal at humingi ng paumanhin kaugnay ng kaniyang naging pagkakamali.
"Bago pa mag-issue ng show cause order, nakita nila yung pagkakamali naman nila so nag-volunteer po siya na magpunta dito sa LTO para makipag-usap.
"Nasilbi na rin namin yung show cause order niya at ipinaliwanag na din namin sa kaniya yung violation at sinurender din niya ang kaniyang driver’s license," saad ni Lacanilao sa panayam sa kanya ng ABS-CBN News.
Read: Summit Media takes full ownership of PEP.ph and SPIN.ph
Dagdag pa ng opisyal, "Very apologetic naman siya [Mikha], tinanggap naman niya yung pagkakamali niya."
Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Mikha o ang kaniyang management tungkol sa insidente.
