Noon pa man ay vocal si Dingdong Dantes sa pagsasabing isa sa mga karakter na gusto niyang gampanan ay may temang superhero.
Bagamat isang folklore ang kuwento ni Robin Hood, maaari na rin siguro siyang makonsider na superhero bilang tagapagtanggol siya ng mga naaapi at mahihirap.
Sa bagong GMA-7 primetime series ni Dingdong, ang Alyas Robin Hood, hindi maitatangging naging inspirasyon ng bagong Kapuso teleserye ang British folklore na Robin Hood.
Masasabi ba ni Dingdong na "worth the wait" ang Alyas Robin Hood sa huling niyang teleserye na Pari ‘Koy na nagtapos noong August 2015?
“Lahat naman ng binibigay sa akin ng GMA, dream come true. Siguro, ganun na namin kakilala ang isa’t-isa na yung binibigay nila ay base sa body of works ko rin.
“Alam nila kung ano ang pangangailangan ng audience at ako naman, ganun din ang gusto ko. Bilang fan din ako siyempre, nanonood ng TV, ganun.”
Fan din ba siya ni Robin Hood?
“Ano siya, e, it’s an English folklore. Isa siyang alamat na napakaluma, so more or less, lahat tayo nadaanan natin yun at pamilyar tayo sa istorya ni Robin Hood.”
Nag-training din si Dingdong para sa Alyas Robin Hood pero hindi naman daw lahat ay doon nakabuhos.
Ayon sa ang GMA Network Primetime King, “Siniguro namin na yung mga galaw, siyempre dapat sakto at akma run sa sports na pino-portray. Pero we also have to remember na medyo hyper-real ang gusto naming i-portray rito.
“Siyempre, yung armas, representation lang yun ng kung anumang ipinaglalaban. It can be anything. Yung creative team and production, they chose na ito ang gamitin.”
Naitanong tuloy namin kay Dingdong kung yung theory at kuwento ni Robin Hood na nagnanakaw para may maibigay sa mga mahihirap ay pinaniniwalaan niya.
“Well, kaya nga sabi ko kanina, napapanahon,” saad niya.
“Napapanahon ang istorya dahil hindi mo naman talaga puwedeng ilagay sa ating mga kamay—kaya ang challenging sa istorya na ito, para makita natin, papaano nga ba si Robin Hood at papaano ba niya maibibigay sa mga nangangailangan yung karapat-dapat para sa kanila, without overstepping and going against the law.
“Pero lahat, may mga motibo at matindi yung mga motibo. At yung motivation ni Robin Hood para mabigyan ng hustisya ang kanyang pamilya.”
Hindi pa man naipapalabas ang bago niyang primetime series na magpa-pilot pa lamang sa September 19 (pagkatapos ng Encantadia) ay parang nahusgahan na agad dahil sa copycat issue.
Pati ang Arrow star na si Stephen Amell ay pinost ang teaser ng Alyas Robin Hood at sinamahan niya ito ng shocked emoji.
(Read: PEP EXCLUSIVE: Alyas Robin Hood consultant differentiates show as Arrow actor reacts to teaser)
Masasabi ba niyang hindi siya worried na may mga nanghusga na agad?
“Hindi po, e, dahil yung dyinudge nila, yung teaser. Hindi ko naman din ia-assume na dyinudge nila. Maaaring karamihan dun ay base sa hindi nila pagkakaalam sa kung ano talaga ang nangyayari.
“Kasi minsan, like even before we labeled something, we have to find out for ourselves yung katotohanan para mas maunawaan.”
Sa ngayon, nakalatag daw na dire-diretso ang kuwento ng Alyas Robin Hood for 16 weeks kaya hindi pa masasagot ni Dingdong kung magiging episodal ba ito.
Ayon kay Dingdong, “Nakatuon ang istorya sa kanyang quest and many other things. Sa sobrang daming factors din na sobrang importante na gagampanan ng mga magagaling na artista ng ating henerasyon, there’s many plots to explore.”
Hindi naman maikumpara ng Kapuso actor ang bago niyang primetime series at karakter na ginagampanan sa mga past teleseryes nang tanungin namin siya kung mas excited ba siya ngayon bilang Alyas Robin Hood.
Aniya, “Mahirap ikumpara.
“Iba yung ngayon, iba yung dati. Iba yung circumstances ngayon, iba yung dati. Siyempre ngayon, may pamilya na at may kasabihang mas maraming hugot para sa kinabukasan, totoo yun.
“Siyempre, mas nagiging concerned na tayo sa mga nangyayari sa kapaligiran. Kung ano yung mga mapupulot ng mga manonood sa mga programang nakikita nila, so careful tayo sa mga ganyang bagay.”
