Pinatutsadahan ng dalawang anak ni Janno Gibbs si Kitkat kasunod ng nangyaring away sa pagitan ng kanilang ama at ng comedienne.
Magkasama sina Janno, Kitkat, at Anjo Yllana sa Happy Time, ang daily noontime show ng Net 25.
Nagsimula ang isyu nang magkaroon ng sunud-sunod na posts si Kitkat simula noong nakaraang weekend.
Inakusahan niyang dinuro-duro at minura-mura umano siya ni Janno sa taping ng kanilang programa noong February 18.
Itinanggi ni Janno na siya ang nagsimula ng away. Si Kitkat umano ang nag-provoke sa kanya.
Kahapon, February 25, kinumpirma ni Janno na sinabihan silang dalawa ni Kitkat ng network na umalis na sa Happy Time.
DAUGHTERS OF JANNO REACT
Kaugnay ng hidwaan nila ni Kitkat, nabanggit ni Janno na nadawit sa gulo ang kanyang mga anak.
Mababasa ito sa kanyang statement na ipinost noong February 23.
Dinepensahan ng singer/actor/TV host ang sarili. Hindi raw niya mapapalampas ang pambabaliktad sa kanya ni Kitkat at pambabatikos ng bashers sa kanyang mga anak.
Hindi naman nagpaawat ang mga anak ni Janno na sina Alyssa “Chi” Gibbs at Gabriella “Gab” Gibbs na ipagtanggol siya.
Mababasa ang kanilang mga komento sa Instagram post ni Janno.
Sina Chi at Gab ay mga anak ni Janno sa asawang si Bing Loyzaga.
Maanghang ang mga pinakawalang salita ni Alyssa, panganay nina Janno at Bing.
Pinuntirya niya ang mga taong matakaw sa publicity. Wala siyang binanggit na pangalan, pero malinaw na si Kitkat ang kanyang tinutukoy.
“Some people will literally do anything for 15 mins of fame.
"When someone prioritizes getting their name in headlines instead of actually making amends, they're not worth your time. PERIODTTT"

Sa post ni Janno, nabanggit niyang pinag-ayos na sila ni Kitkat, subalit hindi pa rin tumigil sa pagpo-post ang comedienne laban sa kanya.
Ganito rin ang patutsada ng bunsong anak ni Janno na si Gab.
Binanatan niya ang mga taong “papansin” daw.
“Gusto ko yung post ng post kahit hindi naman talaga sya pinapansin ng mga tao. PUSH pa!!!!
“ALSO SIDE NOTE that’s what people do when they NEEEEEED attention.
“Sad but there are really people that go the extra mile"

May basher (@pink_pototoy_2.0) na kumontra sa pagdepensa ni Gab sa ama, pero tila burado na ito.
Pero sa sagot ni Gab, malinaw na pinaratangan siya nitong “nakikisawsaw” sa isyu nina Janno at Kitkat.
Sagot ng dalaga: “labo nung ‘jusko sawsaw pa more’ I know you couldn’t think of anything else to say.
“Ok lang yan beh, try again next time para mas interesting yung convo natin.”

Hindi rito tumigil si Gab, may isa pa siyang parinig.
Komento niya: “Isa pa – as a Christian and as a WOMAN i would never create fake accounts to harass someones family, and send DEATH THREATS, then delete the post [vomiting emoji]”

Nakahanap ng kakampi si Gab sa ibang netizens na ipinagtanggol siya sa basher.
Anila, natural na ipagtanggol ng dalaga ang kanyang ama. May umalma rin laban sa mga kritiko na gumagamit daw ng fake accounts.



