Nilinaw ni JC de Vera na si Leni Robredo ang iboboto niya ngayong 2022 elections.
Ito ay matapos mapagkamalang supporter siya ni Ferdinand Marcos Jr. nang sumenyas ang aktor ng peace sign sa It's Showtime.
Si JC ay isa sa mga celebrity judge sa noontime show ngayon.
Ibinahagi niya ang screenshot ng kanyang peace sign sa Facebook noong Huwebes ng umaga, February 11, 2022.

Sa comments section, may mga netizen na nag-assume na siya ay pro-Marcos Jr.
Isa sa mga ito ay sinagot ni JC ng "nope."

Isa pang netizen ang nagkomento na si Leni ang presidential candidate ni JC.
Sinang-ayunan ito ni JC sa pamamagitan ng pag-iwan ng pink heart emoji, na sumisimbolo sa campaign color ni Leni.

Ngayong Huwebes, February 11, kinumpirma muli ni JC na siya ay pro-Leni sa pamamagitan ng pag-post niya ng litrato na siya ay nakasenyas ng puso.
Nilagyan niya ito ng simpleng heart emoji sa caption.

Isang fan naman ni JC ang nagsabi na noon pa lang October 7, 2021 ay naghayag na ang aktor ng kanyang suporta kay Leni.
Ipinakita ng fan ang screenshot ng Instagram Story ni JC kunsaan may kuha si Leni habang ito ay nag-speech.
Iyon ang araw na nag-file si Leni ng certificate of candidacy sa Comelec bilang presidente.
Nakasaad sa IG Story na iyon ni JC ang written text na "She's my PRESIDENT!!! LET LENI LEAD."
Muli itong kinumpirma ni JC nang pusuan niya ang komento ng fan na nagpakita ng screenshot.

Si JC ay Kapamilya star na kasalukuyang napapanood sa seryeng La Vida Lena, na pinagbibidahan ni Erich Gonzales.
JAKE EJERCITO
Isa pang Kapamilya star na solid ang suporta kay Leni ay si Jake Ejercito. Huling napanood si Jake sa prime-time series na Marry Me, Marry You.
Noong February 8, 2022, o unang araw ng campaign season, nag-post si Jake ng litrato sa Twitter kasama ang anak na si Ellie Eigenmann. Si Ellie ay anak ni Jake sa ex-girlfriend na si Andi Eigenmann.
Nakasuot si Jake ng shirt na may nakalagay na "LABAN LENI" at si Ellie ay nakasuot naman ng pink shirt.
"Para kay Ellie. Para sa bansa," tweet ni Jake. Gumamit din siya ng hashtags na "#KulayRosasAngBukas at #AngatBuhayLahat."

Noong February 4, pinuri ni Jake ang paggawa ng paraan ni Leni para makadalo sa KBP Forum kunsaan prinisinta ng presidential candidates ang kani-kanilang plataporma at sumalang sa Q&A ng panelists.
Umere iyon sa mga istasyon ng higit 300 miyembro ng KBP o Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas. Dumalo roon sina Leni, Ping Lacson, Manny Pacquiao, at Isko Moreno. No-show si Ferdinand Marcos Jr.
Sa kaso ni Leni, may tweet siya noong nanghiram siya ng opisina malapit sa airport para ma-accommodate ang presidential interview ng KBP.
Inurong na lang daw niya nang kaunti ang schedule ng paglipad niya papuntang mga lugar na nasalanta ng Typhoon Odette noong December 2021.
Ni-repost ni Jake ang tweet ni Leni, at sinabing, "This is how you do it."

JAKE CONVINCES "3 FOLKS" TO VOTE FOR LENI
Aktibo si Jake sa paghayag ng suporta kay Leni sa Twitter.
Noong February 2, nag-tweet siya na may tatlong tao raw siyang nakumbinsing si Leni ang iboto sa 2022 elections.
"Just converted 3 folks to become kakampinks!" tweet ni Jake.
Ang "kakampinks" ay tawag sa mga supporter ni Leni.
Dagdag niya, "It’s not impossible and surprisingly not even that difficult when you’re patient and more importantly, are armed with facts. Laban lang. Leni lang."

Si Jake ay anak ni dating Pangulong at Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada sa dating aktres na si Laarni Enriquez.
Ngayong 2022 elections, ang partido ni Erap na Puwersa ng Masang Pilipino (PMP) ay nagdeklara ng pagsuporta sa kandidatura ni Marcos. Jr.
Ang half-brother ni Jake na si Jinggoy Estrada ay kasama sa senatorial line-up nina Marcos Jr. at Sara Duterte.
Ang isa pa nilang half-brother na si JV Ejercito, na kumakandidato ring senador ngayong taon, ay guest candidate ng tatlong magkakaibang tandems: Ping Lacson-Tito Sotto, Isko Moreno-Willy Ong, at Manny Pacquiao-Lito Atienza.
