Mapait ang pagkapanalo ng Sarangani bantamweight boxer na si Kenneth Egano, 22, noong gabi ng May 6, 2023.
Bagamat hinirang siyang kampeon, isinugod siya sa ospital.
Hindi na rin nahintay ni Kenneth na matawag ang kanyang pangalan at maitaas ng referee ang kanyang kamay.
Nag-collapse kasi siya dahil sa tinanggap na mga suntok mula sa kalabang si Jason Facularin, 23.
Ang match ng dalawa ay naganap sa Imus, Cavite at umabot ng walong umaatikabong rounds.

Ang boxing match nina Kenneth Egano (left) at Jason Facularin. Nanalo si Kenneth subalit bago pa man maideklarang winner ay isinugod na siya sa ospital dahil nag-collapse ito.
READ ALSO:
- Cum Laude graduate, pinasalamatan ang mister na nag-boxing para siya makapag-aral
- UPDATE: Boxing champ Donnie Nietes gives a glimpse of his life as "food delivery rider," supplement dealer
Sa video na ipinost ng sports vloggers at mga nanood, makikita na habang hinihintay ang pag-anunsiyo ng winners, makikitang nahihirapang tumayo si Kenneth.
“Medic! Medic!” sigaw ng isang nanonood.
Niyayakap si Kenneth ng isang assistant dahil halatang bumabagsak na ang boksingero. May isa namang binubuhusan siya ng tubig sa ulo.

Makikitang hindi na mabuti ang lagay ni Kenneth (center) nang inaanunsiyo na ang resulta ng match.
Di nagtagal ay pinaupo si Kenneth at kinabitan ng oxygen.
“Iyan po ang sinasabi natin, guys. Hindi po biro ang boxing. Sa isang ano lang, puwede malagay ang buhay mo sa alanganin,” sabi ng digital creator na si Mark Dave Pacunla, habang nire-record ang pag-collapse ni Kenneth sa boxing ring.
Kasunod nito ay inihiga na si Kenneth habang may dalawang kasamahan ang itinaas ang kanyang mga paa at minasahe ang mga ito.
Sa isa pang video sa social media, mapapanood na habang inaanunsiyo ang winner ay wala na rin si Kenneth.
Ibinigay ang scores ng judges at idineklarang panalo si Kenneth, na sa mga sandaling iyon ay isinusugod na sa ospital.
COLLAPSE DUE TO HEMORRHAGE
Samantala, nag-post ng info sa Facebook ang digital creator na si Alvin B. Javier.
Inilahad niya ang mga eksena sa labas ng ring (published as is): “matindi ang laban, naghihiyawan na mga tao, parehas matibay, after 8rds, iaanounce ang winner ng biglang nag colapse si Ken”
Isinugod daw si Kenneth sa Our Lady of Pillar Medical Center, subalit wala raw CT scan doon at wala ring pasilidad para magawa ang kinakailangang operasyon.
Pinag-isipan daw kung ililipat.
“[T]hen tumawag si Mayor [Alex] Advincula of Imus sa CIDH (City of Imus District Hospital), ayun nakita may pagdurugo hemorrhage sa kanan utak na need emergency operation, comatose syan na nun unconscious,” pagpapatuloy ng pot ni Alvin.
Nagkalat din ang mga larawan ni Kenneth na nasa ospital. Makikitang may nakakabit na aparato sa kanya at unconscious ito.
Samantala, napaulat na ring sasagutin ni Manny Pacquiao ang expenses para sa pagpapagamot ni Kenneth.
“There is nothing more precious than human life,” pahayag ni Pacquiao nang makarating sa kanya ang kalagayan ni Kenneth.
Si Pacquiao ang siyang nagpasinaya ng Blow-by-Blow boxing program na siya ring nag-organisa ng laban nina Kenneth at Jason.
Isinailalim na sa operasyon si Kenneth noong Linggo, May 7, 2023.
