Inamin ni Seth Fedelin, 20, na pinaghandaan niya talaga ang surprise dinner date para sa kanyang "promposal" kay Francine Diaz, 19.
Kilala bilang onscreen loveteam na FranSeth, sina Francine at Seth ay magkatambal sa ongoing Kapamilya primetime series na Dirty Linen.
Ang ginawang promposal ni Seth ay para pormal niyang imbitahan si Francine na maging prom partner sa Star Magical Prom.
Isa itong party na inorganisa ng Star Magic, ang talent management ng ABS-CBN, na gaganapin sa March 30, 2023.
"Siya, siya talaga," saad ni Seth nang tanungin kung si Francine ang gusto niyang maka-date sa okasyon.
"Itong ginawa ko kay Francine, talaga naman pong pinag-isipan ko, pinaghirapan ko, nag-imagine ako ng sobrang daming tema."
Ayon kay Seth, nagpunta siya ng Dangwa sa Maynila para personal na bumili ng bulaklak para sa set-up ng surprise dinner na inihanda niya para kay Francine.
Mayroon din siyang biniling fireworks sa Bocaue, Bulacan para mas maging special ang okasyon.
Nagpakuha pa si Seth ng drone video para sa kanyang promposal sa ka-love team.
Naranasan ba niya ang totoong high school prom?
"Meron kami sa elementary, graduation day. May cotillion. Sayaw lang kayo, puppy-puppy love," natawang balik-tanaw ni Seth.
Patuloy niya, "Pero noong nag-high school ako, hindi na, hindi ko na na-experience ang J.S. Prom.
"Kaya nga ngayon, inengrandehan na natin, worth it na yon.
"Sabi ko nga, 'Kapag nag-no ka, naku po, napagod ako!' Pero happy ako na nagawa ko sa kanya yon. Yun naman yon, e."
Sabi pa ni Seth tungkol kay Francine, "It’s either mag-yes siya or mag-no. Happy ako na napakita ko sa kanya ang halaga niya.
"Ito ang halaga mo, hanggang langit."
Ano ang naging reaksiyon ni Francine?
"Nagulat siya, natuwa, kasi hindi raw niya akalain na magagawa ko yung mga ginawa ko," nakangiting pahayag ni Seth.
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Seth sa Moon Rabbit, sa main office ng BNY clothing brand, kunsaan siya ang celebrity ambassador.
ON LOVE TEAM WITH FRANCINE
Dating ka-love team ni Seth si Andrea Brillantes, na naging kasintahan din niya sa tunay na buhay.
Naghiwalay sina Seth at Andrea noong October 2021, pero naisapubliko lamang ang tungkol dito noong April 2022.
Noon din naging malinaw ang pinag-ugatan ng pagseselos ni Andrea sa isang insidente sangkot sina Seth at Francine noong January 2022.
Ngayon ay sina Seth at Francine na ang magkatambal sa Dirty Linen at sa upcoming series nila na Fractured.
Sang-ayon si Seth sa pagkakaroon ng love team at masaya siya sa working relationship nila ni Francine.
"Well, actually, puwede siyang maging forever, kung choice niyo. Kung meron kayong proper guidance.
"Kung gusto niyong maging maayos, kung choice talaga namin.
"Pero ang mindset ko ngayon, hindi ko minamadali ang lahat ng bagay.
"Lahat ng puwedeng mangyari, lahat ng possibilities, hindi namin minamadali.
"Nag-uusap nga kami ni Francine, 'Hindi natin kailangang madaliin.' Hindi namin bino-brought up ang mga ganong usapan kasi alam naman namin ang priorities namin.
"Kaming dalawa, yung friendship namin, sobrang pinagkakatiwalaan namin nang malaki, at ganon din ako sa kanya, pinagkakatiwalaan ko siya nang malaki. Yun ang ayaw naming mabali.
"Whatever happens, happens."
Read: Here's how these Pinoy love teams celebrated Valentine's Day
NOT LETTING GO OF FRANSETH ANYTIME SOON
Bukas si Seth sa posibilidad na maipareha pa rin sila ni Francine sa iba.
Pero diin din niya: "Pero ngayon, gusto kong maging madamot ako. Magiging madamot ako.
"Sabi ko nga, matagal ng dapat nag-pair up ang Francine at Seth. Ngayong nandito na, so sabi ko, hindi matatapos to sa Dirty Linen.
"Hindi rin matatapos to sa Fractured. Gusto kong masundan pa."
Pangarap din daw niyang makagawa sila ng pelikula ni Francine.
Ayon kay Seth, “Pangarap ko… sabi ko nga sa kanya, sana magkameron tayo ng sine."
Idolo ni Seth si John Lloyd Cruz na premyado sa aktingan sa teleserye at box-office movies nito.
Sabi ni Seth, "Basta yung nagpi-premiere night na sobrang daming tao, gusto kong ma-experience yon. Why not, di ba?
"Nangangarap lang din po ako. Gusto naming ma-experience at tinackle ko yan kay Francine na sana, magkameron tayo ng movie."
Nakangiting dagdag niya, "Baka lang."
