Ang original SexBomb Girls ay maituturing na isa sa pinakatanyag na dance groups sa Pilipinas.
Ang all-female dance group ay nabuo noong 1999. Naging regular sila sa noontime show na Eat Bulaga!, nagkaroon ng walong albums, at long-running afternoon teleserye sa GMA-7, ang Daisy Siete.
Ang ilan sa kanila, nagkaroon pa ng sariling career tulad nina Rochelle Pangilinan, Jopay Paguia, at Sunshine Garcia.
Bagamat iisang grupo sila, inamin ng ilan sa kanila na nagkaroon sila ng madalas na pag-aaway noon.
Inamin ito ng ilang miyembro sa panayam sa kanila sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS) nitong Linggo, March 5, 2023.
Ang limang guests ay ang original members na sina Jopay, Mia Pangyarihan, Monic Icban-Diamante, at magkapatid na sina CheChe Tolentino at Sandy Tolentino.

Sexbomb members (front row, from left) CheChe Tolentino, Sandy Tolentino (second row, from left) Monic Icban Jopay Paguia, and Mia Pangyarihan
Sa isang punto ng interview, tinanong ni Jessica Soho ang dancers kung nagkakainisan ba sila sa matagal na panahong nagkatrabaho sila.
“True po,” pagkumpirma ni Monic.
“May times naman po,” ani Sandy.
Sumang-ayon din dito ang iba pang miyembro.
May nag-away ba sa kanila noon?
Umoo ang lima.
“Yes po, madalas po,” bulalas ni Monic.
Kabig naman ng magkapatid na sina CheChe at Sandy, “Bata pa po yon, e.”
Samantala, nauna na itong inamin ni Rochelle sa PEP Live interview niya noong August 2022.
Sabi ni Rochelle noon, “Yung mga away-away kasi ng SexBomb, sa akin normal yun, e.
“Kasi iba-iba kami ng nakalakihan, iba't ibang lugar [ang pinanggalingan]…
“May Tondo, may Navotas, may Malabon, may ganitong lugar. So, iba-iba talaga kami ng pinanggalingan.
“Normal na mag-aaway kami. Tapos pagsasama-samahin mo kami, iba-iba kami ng character, mag-aaway-away talaga kami kahit simpleng bagay.”
ROCHELLE AS THE LEADER
Sa KMJS, nabanggit na kapag sinabing SexBomb Girls, si Rochelle ang maiisip na lider ng grupo.
Dito inamin ni Monic na nagkaroon sila ng away noon ni Rochelle sa isang gig.
Bago pumunta sa entablado, hindi raw nagustuhan ni Rochelle ang kanyang costume at kinuha ang outfit ni Monic.
Lahad ni Monic, “'Ayoko tong costume na to,' kinuha niya yung damit ko.
“Tapos hindi kasya sa kanya, ibinigay niya sa akin. Nung sinuot ko, ayaw na naman niya yung isang suot niya.
“Sabi niya, ‘Palit na naman tayo.’ E, pagod na ako. Pumalag ako.”
Pero hindi raw pinatagal ni Rochelle ang iringan nilang iyon.
Pagpapatuloy na lahad ni Monic, “Before the show po, [sabi Rochelle], ‘Halika na dito, sorry na, sorry na.’
“Marunong siyang tumanggap kung saan siya nagkamali. Doon ko po nakita na, ‘Ah, good leader ito.’”
Sinabi naman ni Rochelle sa PEP Live interview na natuto siyang maging palaban para mapangalagaan ang kanyang mga kamiyembro dahil siya ang tumatayong lider ng mga ito.
Ani Rochelle, “May mga pinukol ako ng boots, ng bangko, ng ganito, may napaaway kami sa ganitong lugar kasi hinipuan si ganito, si ganyan…
“Bilang lider ng SexBomb, doon ako natutong manapak.
“As in nananapak talaga ako dati para lang maipagtanggol ko ang SexBomb.
“Kasi bilang lider at ate nila, kailangan ma-feel nila na safe kami.”
Ayon pa kay Rochelle, noong una ay may members na umiiyak dahil nahipuan sila ng fans habang paalis ng venue papunta sa kanilang sasakyan.
Pero sa pagtakbo ng panahon ay natuto silang protektahan ang kanilang mga sarili.
“Kailangan protektahan ang private parts na dapat mong protektahan,” sabi ni Rochelle.
“Nahihila ang buhok at private parts, doon kami naging macho. Lahat kami, palaban talaga kami.”

(L-R) Mhyca Bautista, Aifha Mendoza, Jopay Paguia, Rochelle Pangilinan, Cheche Tolentino, Sandy Tolentino, Mia Pangyarihan
WHERE ARE THE SEXBOMB GIRLS NOW
Samantala, nagbigay naman ng update ang limang SexBomb Girls na nainterbyu ng KMJS.
Ang magkapatid na CheChe at Sandy ay patuloy ang pagsasayaw at nag-venture na rin sa vlogging.
Kamakailan ay na-engage na si Sandy sa kanyang boyfriend. Plano nilang pakasal next year.
Si Mia naman ay isang restaurant owner. Kasalukuyan siyang may 18 restaurant establishments at planong magdagdag ng lima pa ngayong 2023.
Si Monic na dating kumakanta lamang sa gigs ay choir member na ngayon.
Si Jopay ay itinutuon ang pansin sa kanyang dalawang anak.
Samantala, aktibo pa rin sa pag-arte si Rochelle. Kasama siya sa cast ng Kapuso primetime series na Mga Lihim Ni Urduja.
Visible din si Sunshine Garcia recently sa ABS-CBN.
Ang isa pa nilang kamiyembro na si Aira Bermudez ay madalas gumawa ng dance content videos sa social media. Kasalukuyan siyang nakabase sa Australia at nagsu-supply ng beauty products.
Read: Aira Bermudez reunited with husband in Australia after 3 years
Ani Jessica, hindi sinapit ng SexBomb Girls ang kuwento ng ilang mga nag-showbiz na naging mahirap nang mawala sa limelight.
Sumang-ayon dito ang SexBomb members.
“Walang ni isang miyembro ang naging ganoon,” ani Monic.
Utang daw nila ito sa kanilang former manager na si Joy Cancio na madalas silang paalalahanan noon na mag-ipon nang maigi.
Nawala sa limelight ang SexBomb Girls noong 2013 matapos ang higit labing-apat na taong pamamayagpag.
Sa kabila nito, nananatili raw solido ang kanilang samahan.
