Sa September 21 na magsisimulang mapakinggan si Ted Failon sa Radyo Singko 92.3 News FM, ang radio station ng TV5.
Ito ang kinumpirma ng mapagkakatiwalaang TV5 insider sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kahapon, August 31.
Pahayag pa ng source, “May morning show siya with DJ Chacha. September 21 ang start niya.”
Hindi nabanggit ng source ang timeslot ng programa nina Ted at DJ Chacha, pero posibleng ang 8 to 10 a.m. timeslot ang mapunta sa kanila.
Ito ang timeslot ng programa ni Ted na Failon Ngayon sa dating kinabibilangang istasyon na DZMM. Kahapon nagpaalam sa ere ang program ni Ted sa radio station ng ABS-CBN.
Ayon sa isa pang mapagkakatiwalaang TV5 insider, inaayos na ang studio ng Radyo Singko para sa pagpasok ng beteranong radio anchor-commentator.
Dala raw ni Ted ang kanyang mga dating staff sa radio show niya sa DZMM.
Radio program "FAILON NGAYON" also for tv?
Bukod sa radyo, ayon sa unang source, magkakaroon din ng show si Ted sa TV5 "na parang Failon Ngayon.”
Ang Failon Ngayon sa ABS-CBN ay isang weekly public-affairs program na napanood tuwing gabi ng Sabado.
Opisyal nang nagpaalam si Ted sa Failon Ngayon ng DZMM at sa TV Patrol ng ABS-CBN kahapon.
Naging emosyunal si Ted sa kanyang mensahe sa huling broadcast nito dahil, ayon na rin sa kanya, utang niya sa ABS-CBN kung ano siya ngayon sa broadcast industry.
Halos tatlong dekada si Ted sa ABS-CBN.
Dagdag pa ng beteranong brodkaster, napakaimportante ng radyo sa kanya.
“Kahit anong hirap bumangon sa umaga dahil sa sama ng pangangatawan, sakit na iniinda, may pasan man na problema, babangon at babangon ka para sa iyong programa.
"Radio is my therapy. Dito po ako kumukuha ng lakas, dito ko po nakakalimutan ang napakaraming problema sa buhay."
Patuloy ni Ted, "At sa pamamagitan po ng malalim at pinag-isipang pagtalakay at pag-aanalisa ng mga isyung pambayan ay nakakapag-ambag po ang aming palatuntunan sa radyo sa pagmulat po ng kaisipan ng mga mamamayan sa mga totoong nangyayari sa ating lipunan."
Ngunit panandalian lang ang pagpapaalam ni Ted sa ere dahil simula nga sa September 21 ay muli siyang mapapakinggang sa radyo, ngunit sa ibang istasyon na.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika