Bukod sa re-election ng anak na si Vico Sotto bilang alkalde ng Pasig City, masaya rin si Vic Sotto sa muling pagkahalal ng kapatid na si Tito Sotto bilang senador ng bansa nitong 2025 elections.
Pangwalo si Tito sa senatorial race.
Ito ang panlimang termino ni Tito sa Senado na maituturing na record ng isang pulitiko sa bansa.
Read: Full roster of elected senators in the 2025 PH midterm elections
Pahayag ni Vic sa muling pagkakahalal ni Tito: "He's okay.
"He's very thankful also, of course, sa Panginoon at sa lahat ng mga bumoto, at patuloy na nagtitiwala, naniniwala sa kanya.
"And he's a very good public servant, e. Malinis, talagang ang tanging nasa isip lang niya ay para sa kapakanan ng bayan."
Tungkol naman sa fifth term ni Senator Tito, saad ni Vic, "He is a five-time elected senator, as of now, siya yung record-holder."
Paano naman ang paghu-host ni Senator Tito sa noontime show nilang Eat Bulaga!? Araw-araw pa rin ba siyang mapapanood sa kanilang programa?
Aniya: "A, no, no, no. Hindi siya puwede mag-every day kasi priorities yan, e.
"Right now, priority niya is the Senate. Di naman puwede na pagsabayin yun.
"So, siguro on special occasions, he'll be there. Nandoon lang siya ngayon kasi di pa nagsisimula yung kanilang term. Sa July 1st pa.
"So, siguro pag Saturdays or may special events, sa aming 50th anniversary, mga ganun na lang."
BULUNG-BULUNGAN NG TAUMBAYAN
Mabuting nagsalita tungkol rito ang nakababatang kapatid na si Vic. Ito rin kasi ang matagal nang bulung-bulungan sa paligid ni Tito.
Hindi galit sa kanya ang mga nagtatanong, ngunit palaisipan pa rin sa kanila:
Bakit raw nakikita pang host ng isang commercial variety show ang isang naging Senate President na? Ito nga naman ang posisyong sinasabing tatlong tibok lang ng puso ang layo sa presidency. Na ibig sabihin, kung ma-incapacitate ang presidente at bise-presidente, ito na ang uupong presidente, ayon sa konstitusyon.
Hindi ba raw niya gustong pagtuunan ng mas malalim at mas malawak na pag-aaral ang kalagayan ng bayan at ng mga batas nito?
Di ba raw full-time job ito kahit may break periods sa pagkakaupo? Lalo na kung tatakbo pa pala uli ito, na siya ngang nangyayari sa career ng five-term senator.
Liban pa sa, hindi ba raw unfair advantage ito para kay Tito laban sa ibang pulitiko tuwing may kontrobersiya sa senado at tuwing may eleksyon sa bansa?
At panghuli, ano ba raw ang ambag nito sa isang variety show na hitik sa comedian-hosts? May kung ilang layers nga naman ng mga komendyante rito, mula sa veterans hanggang sa mainstays hanggang sa upcoming hosts.
Gusto lang nilang malaman.
Read: Tito Sotto claims TVJ owns Eat Bulaga! trademark
VIC SOTTO ON TAPE'S TONY TUVIERA
Hiningan din ng PEP.ph (Philippine Entertainement Portal) ng pahayag si Vic ukol sa isyu ng TAPE executives na sinampahan ng reklamong estafa ng GMA Network.
Ngunit hindi ito masyadong nalinaw ni Vic.
Read: GMA Network files estafa complaint against TAPE executives
Ang tiniyak niya ay magkaibigan pa rin sila ni Mr. Tony Tuviera, isa sa may-ari ng TAPE (Television And Productions Exponents), Inc.
Saad niya: "Uh, no. We're in touch with Mr. Tony Tuviera.
"He's still a good friend of ours.
"Pero yung sa mga TAPE executives, wala na kaming contact."
Masaya ba silang nakaalis na ang Eat Bulaga! sa pamunuan ng TAPE?
Tugon ni Vic: "I don't know. I think it's fate, e. It's blessing in disguise.
"Parang yung pagkakatanggal sa amin, parang, kumbaga nagsara, pero kinabukasan mas malaking pinto [ang nagbukas].
"So, siguro suwerte na rin. Ganun talaga ang tadhana.
"May paminsan-minsan, e, naglalaro. Ang maganda lang, maganda yung paglalaro ng tadhana sa amin."
Sa ngayon, abala si Vic sa promotion ng bago niyang endorsement na TinBo (Tindahan ni Bossing) ng PLDT Global Corporation (PLDT Global).

Ang TinBo ay isang app na makakatulong sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na makapagbigay ng mahahalagang bagay at serbisyo para sa kanilang mahal sa buhay sa Pilipinas.
Read: Vic Sotto explains "next president" declaration about son Vico
