“Hindi ko kaya yun.”
Bahagi ito ng pahayag ni Vice Ganda, 44, nang mapag-usapan ang pagkakaroon ng anak.
Sinabi ng It’s Showtime host na may kapasidad siyang magkaroon ng anak kung gugustuhin niya, pero hindi raw niya alam kung kaya niyang panindigan ito.
Karelasyon ngayon ni Vice, na isang gay, ang model-turned-celebrity na si Ion Perez, 29.
WHY VICE DOES NOT WANT TO HAVE KIDS
Nausisa si Vice tungkol sa pagkakaroon ng anak sa episode ng ABS-CBN noontime show noong July 6, Lunes.
Contestant sa “Tawag ng Tanghalan” segment ang isang gay man na mayroong dalawang anak sa dating karelasyong babae.
Nasa same-sex relationship na ngayon ang contestant at inaaruga ang isa sa dalawang anak.
Ang isa pa nitong anak ay nasa pangangalaga naman ng dating girlfriend.
Pinuri ni Vice ang contestant na bagamat nasa same-sex relationship ay nagtataguyod ng pamilya.
Pagsaludo ni Vice, “Sa lahat ng LGBTQ+ na may mga pamilya, at nagtataguyod ng pamilya, at matagumpay sa pagiging pamilyado nila, congratulations sa inyo.
“Saludo ako dahil hindi ko mawari ang tapang at husay ninyo, kasi ako, hindi ko kaya yun.”
Inamin ng comedian-host na madalas siyang matanong ukol dito.
“Kasi laging natatanong sa ‘kin yun, ‘Hindi ka ba mag-aanak? Sayang naman kung hindi ka mag-aanak.’
“Sabi ko, kung iisipin ko lang yung kakayahan ko, pwede kong sabihing kaya ko, e."
Ngunit naiisip daw kasi ni Vice ang kapakanan ng magiging anak niya.
Hindi raw ito magkakaroon ng tradisyunal na pamilya at maaaring makaranas ng pangungutya.
“Pero ayoko kasi talagang i-expose yung magiging anak ko sa cruelty ng mundo.
“Sa akin, ako yun, kaya ko yun.
"Pwede kong sabihin handa na ako kasi napagdaanan ko ‘yan, kinaya ko na ‘yan,” pagtukoy ni Vice sa paglaki niya bilang miyembro ng LGTBQ+ community.
“Pero yung bata, hindi ko lubos maisip yung hirap ng magiging anak ko pag sinalbahe nung mga salbahe, di ba?
“Ako na lang, okay lang kahit mag-isa na lang ako, kahit wala akong anak, basta huwag na lang magdusa yung anak ko, yung magiging anak ko kung saka-sakali.
“Yun ang sa akin, kaya kayo ang tapang niyo, ang husay niyo, saludo ako sa inyo,” sabi niya sa mga magulang na miyembro ng LGBTQ+ community.
Bilang gay, ang option ni Vice para magkaanak ay through adoption, o kaya naman ay surrogacy kagaya ng ginawa ng businessman na si Joel Cruz.
Si Joel ay may walong biological children at anim sa kanila ay kabilang sa three sets of twins.
Si Joel ang sperm donor sa lahat ng kanyang anak na dinala sa sinapupunan ng isang Russian surrogate mother sa mga nakalipas na taon.
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika
