May epekto sa ratings ng Raising Mamay ang deklarasyon ng Quezon City Council na persona non grata si Ai-Ai delas Alas dahil lalong tumaas ang viewership ng afternoon drama series ng GMA-7 na pinagbibidahan niya.
Idineklarang persona non grata sa Quezon City si Ai-Ai at ang direktor na si Darryl Yap noong June 7, 2022 dahil sa akusasyong nilapastangan nila ang official seal ng lungsod sa kanilang viral campaign video na lumabas ilang araw bago idinaos ang pambansang halalan noong May 9.
Read: Quezon City Council approves resolution declaring Ai-Ai delas Alas, Darryl Yap persona non grata
Mula June 8 hanggang June 10, mataas ang ratings ng Raising Mamay na pruwebang nadagdagan ang viewership ng programa dahil mainit na pinag-uusapan ng mga araw na iyon ang kontrobersiyang kinasasangkutan ni Ai-Ai.
Hanggang ngayon, patuloy na namamayagpag sa ratings ang Raising Mamay kaya lubos na nagpapasalamat si Ai-Ai sa loyal viewers ng kanilang afternoon drama series.
“Maraming salamat sa mga Kapuso na patuloy na nanonood ng Raising Mamay, sa mga kapwa ko Pilipino at fans na sumusuporta sa akin.
“Salamat din sa magagaling na cast ng Raising Mamay, direktor, at writers kaya maganda ang aming palabas. It’s a group effort,” ang pasasalamat ni Ai-Ai.
Kasalukuyang naririto sa bahay niya sa Quezon City si Ai-Ai.
Bumalik siya mula sa Amerika noong Miyerkules, June 15, dahil mula sa Pilipinas, kailangan niyang lumipad sa Japan para sa post-Philippine Independence Day celebration na magaganap sa darating na Linggo, June 19.
Ang positibong epekto sa Raising Mamay ng isyu ng pagdedeklara sa kanyang persona non grata ng Quezon City Council ang itinanong kay Ai-Ai nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Huwebes ng hapon, June 16.
Saad niya, “Salamat sa Diyos, kumakapit pa rin ako sa Kanya. Siya na ang bahala.
"Sila na mismo ang nagsabi na pang-foreigner lamang ang persona non grata, hindi pang-Pilipino."
Depensa pa ni Ai-Ai, “Hindi ako ang gumawa ng triangle seal na ginamit sa video, kahit magkakorte kami.”
Iginiit ng Comedy Queen na residente na siya ng Quezon City mula noong 10 years old pa lamang siya.
Idinagdag ni Ai-Ai na hindi nito naisip manirahan sa ibang siyudad sa Metro Manila at hindi niya iniwanan ang Quezon City na isang ebidensiya ng pagmamahal niya sa naturang lungsod.
Higit sa lahat, hindi naramdaman ni Ai-Ai na hindi ito welcome sa Quezon City nang bumalik siya kahapon mula sa Amerika.