Walang dapat ipag-alala ang fans ni Coco Martin dahil malaki ang posibilidad na maging official entry sa Metro Manila Film Festival (MMMFF) 2019 ang kanyang pelikula na may working title na Tripol Trobol.
Hindi kasali ang pelikula ni Coco sa announcement noong July 2019 ng MMFF Executive Committee sa first four official entries na bahagi ng Magic 8 kaya nag-alala ang mga tagahanga niyang nasanay nang may Coco movie tuwing Pasko.
Tiniyak ng isang insider na makakabilang sa Magic 8 ng MMFF ang Tripol Trobol na mula rin sa direksyon ni Coco at pinagbibidahan nila nina Ai-Ai delas Alas at Jennylyn Mercado.
Mahigit sa isang bilyong piso ang projected o target income ng MMFF Executive Committee para sa 45th Metro Manila Film Festival, na mag-uumpisa sa December 25, 2019 at matatapos sa January 7, 2020.
Inaasahan nilang kikita ng mahigit sa P600 million ang M&M, The More, The Merrier, ang official entry nina Vice Ganda at Anne Curtis; P200 million ang magiging box-office gross ng Tripol Trobol; at P100 million para sa filmfest movie nina Vic Sotto at Maine Mendoza.
At press time, ang Philippine adaptation ng Korean film na Miracle in Cell No.7 ng Viva Films ang drama movie na siguradong pasok sa MMFF 2019.
Malaki rin ang tsansang makasali ang Mindanao, ang pelikula na pinangungunahan nina Judy Ann Santos at Allen Dizon at project ng 62nd Cannes Film Festival best director na si Brillante Mendoza.
Lilimitahan ang bilang ng drama movies na kalahok sa MMFF 2019.
Sa mga hindi mapipili, hinihikayat ang mga producer na isali ang kanilang mga pelikula sa Summer Film Festival na magaganap sa April 11 hanggang April 21, 2020 dahil siguradong walang entry sina Coco at Vice.