Kinikilala ng Miss Universe Philippines Organization si Gazini Ganados bilang reigning Miss Universe Philippines.
Kaya naman inimbitahan nila ang 24-anyos na dalaga para koronahan ang kanyang successor sa Miss Universe Philippines 2020 coronation night sa Mall of Asia Arena, sa May 3.
Si Gazini ang huling winner ng Miss Universe Philippines ng Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI), bago ibinigay ng Miss Universe Organization (MUO) sa Miss Universe Philippines Organization ang karapatang pumili ng magiging kinatawan ng Pilipinas sa Miss Universe 2020.
December 9, 2019 nang ihayag ng MUO ang paglilipat nito ng franchise mula sa BPCI, na kinumpirma ng huli sa isang official statement.
Labingwalong buwan ang bisa ng kontrata ni Gazini sa BPCI matapos niyang mapanalunan ang titulo noong June 9, 2019.
Dahil dito, kailangan ng Miss Universe Philippines Organization na hingin ang permiso ng dating franchise holder ng Miss Universe sa imbitasyon nito kay Gazini.
“Now that the franchise is not with BPCI, the rights to Gazini is back with BPCI, not to Miss Universe Philippines,” pahayag ni Jonas Gaffud, creative director ng Miss Universe Philippines Organization.
“We will write them a letter. We will ask for the permission for Gazini to crown the new winner.
“Kung ayaw nila na i-permit, wala naman kaming magagawa.”
Sakaling hindi payagan ng BPCI na dumalo si Gazini sa coronation night ng Miss Universe Philippines 2020, ang second option ni Jonas ay si Miss Universe 2019 Zozibini Tunzi.
“I want her to be here. We already sent our intent to Miss Universe Organization,” ani Jonas.
“We are inviting Zozibini to come to the Philippines, that she will come here for a week para at least, iikot din namin si Zozibini.”
Extended hanggang bukas, January 31, ang pagtanggap ng Miss Universe Philippines Organization ng mga interesadong maging susunod na representative ng Pilipinas sa Miss Universe.
Nakatakda naman sa February 1 ang final screening.
Tulad ng Miss Millennial Philippines beauty pageant ng Eat Bulaga!, hinihikayat ng Miss Universe Philippines Organization ang aspiring beauty queens mula sa lahat ng sulok ng bansa na sumali.
May mga accredited talent scouts din ang organisasyon.
Ayon kay Jonas, maliban sa titulong Miss Universe Philippines at apat na runners-up, wala nang ibang beauty title na ibibigay sa coronation night.
Ito ay alinsunod sa kontrata ng organisasyon sa MUO.
Dagdag pa ni Jonas, tatanggap din sila ng mga kandidatang may tattoo, basta hindi ito nasa mukha.
Isa itong patunay na nagbabago na ang pamantayan sa pagpili ng mga beauty queens, na malayang nakikisabay sa modernong panahon.