Thirteen years old si Lovely Embuscado nang sumali siya sa Season 1 ng Protégé, ang singing talent search ng GMA-7, noong October 2011.
Nakilala si Lovely bilang “The Singing Cinderella,” matapos magmarka sa publiko ang kuwento na paborito niyang kantahan ang mga alagang baboy noong nasa Tagum, Davao del Norte, pa ang kanyang pamilya.
Twenty-one years old na ngayon si Lovely, pero sa kasamaang-palad, malungkot ang kinahinatnan ng kanyang buhay.
Homeless at nakatira na lang ngayon sa isang kalye sa Quezon City ang pamilya ni Lovely, na kapansin-pansing laging tulala at kung anu-ano ang sinasambit.
Nakausap namin siya nitong Huwebes ng gabi, January 30.
Base sa aming obserbasyon, malinaw na naapektuhan ang kanyang pag-iisip sa mga pagsubok na pinagdaraanan ng kanyang pamilya.
HOPING FOR A SHOWBIZ COMEBACK
Heartbreaking ang eksena nang pilit pinakakanta si Lovely ng kanyang ina na si Daisy ng "The Prayer."
Napaiyak kasi si Lovely sa unang linya pa lang ng kanta na, “I pray you’ll be our eyes….”
Tinanong namin kay Lovely ang kanyang edad at sumagot siya ng “28,” pero mabilis itong kinontra ng kanyang ina.
Sinabi ni Daisy na 21 years old pa lang si Lovely, pero dahil sa kagustuhan daw nitong maging “independent” at “mature,” laging sinasabi ng dalaga na 28 years old na ito.
Nang makausap namin ang mag-ina ay pareho silang hindi pa kumakain, kaya nasabi namin kay Daisy na baka nalilipasan ng gutom si Lovely kaya natutulala.
Sagot ni Daisy: “Ganyan lang po siya kapag gutom, pero kapag nakakain na siya, okay na po siya.”
Napansin din naming paulit-ulit na binabanggit ni Lovely sa nanay niya ang pangalang "John Brix."
Nang usisain si Daisy, sinabi niyang si John Brix ay kamag-anak nila na isa ring singer.
Nabigla naman kami nang biglang sumingit si Lovely sa sinasabi ng ina: “Di ba, sabi mo, mas magaling si John Brix sa akin? Buhay pa siya.”
Paulit-ulit iyong sinabi ni Lovely sa ina, na sinasagot naman ni Daisy.
“Anak, huwag kang ganyan. Mas magaling ka sa kanya. Makakabalik ka sa showbiz.”
LOVELY’S MENTAL HEALTH CONDITION
Malinaw sa amin na in denial si Daisy sa mental health condition ni Lovely, dahil na rin marahil sa kagustuhan niyang makabalik sa showbiz ang anak.
Naniniwala kasi si Daisy na makakaahon sila sa kahirapan kapag nabigyan si Lovely ng second chance sa entertainment industry.
Sa katunayan, bitbit pa nga ni Daisy ang dalawang CD ng kanta ni Lovely.
Kasama ng mag-ina sa lugar ang isang lalaking nagngangalang Nelson, na inakala naming ama ni Lovely.
Pero nang mag-request kami ng litrato kasama ang mag-anak, tumanggi si Lovely na tumabi kay Nelson.
Nang tanungin namin siya, sinabi ni Lovely na galit siya kay Nelson, na hindi naman niya kadugo.
Idinagdag niyang patay na ang tunay niyang ama.
“Anak, huwag kang ganyan,” pakiusap uli ni Daisy sa anak, at nagpaliwanag na stepfather ni Lovely si Nelson.
Isang linggo nang nakatira sa kalye ang pamilya ni Lovely, pero dati silang nakitira sa bahay ng kapatid ni Nelson sa Baseco sa Tondo, Manila.
Inamin sa amin ni Daisy na naubos ang pera nila dahil nabaon siya sa utang.
Napadpad sa Quezon City ang mag-anak nang mamasukan si Nelson bilang laborer sa lugar.
Pero kapag hindi pa sumusuweldo si Nelson, gaya kagabi, umaasa lang ang mag-anak sa pagkaing ipinamimigay sa simbahang kanilang pinupuntahan.
NETIZENS WANT TO HELP LOVELY
Simula nang ilabas ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) nitong Huwebes ng gabi, January 30, ang malungkot na kuwento ng sinapit ni Lovely, nakatanggap kami ng mga mensahe mula sa mga nais magbigay ng financial help sa pamilya ng dating Kapuso singer.
Malaking tulong ang pera na nais iparating ng concerned PEP.ph readers kay Lovely.
Pero sa ngayon, mas mahalagang maipagamot si Lovely, at baka-sakaling bumalik sa normal ang kanyang pag-iisip.