Naglabas na rin ng pahayag ang pamunuan ng North Caloocan Doctors Hospital at Bermudez Polymedic Hospital, na parehong nasa Caloocan City.
Tulad ng FEU-NRMF Medical Center at Commonwealth Hospital and Medical Center sa Quezon City, pinabulaanan din ng mga ito ang pahayag ni Jan Christian Bulatao.
Ayon kay Jan tinanggihan ng mga nabanggit na ospital na tanggapin ang kanyang asawang si Katherine Bulatao, na sumakabilang buhay noong April 24 dahil hindi lumabas ang placenta o inunan ng kanilang bagong silang na anak.
NORTH CALOOCAN DOCTORS HOSPITAL
Ang North Caloocan Doctors Hospital Medical Director na si Dr. Lloyd Delos Santos ang nakapirma sa official statement na natanggap ng Cabinet Files via email, kahapon, May 1.
Sinabi ni Dr. Delos Santos na walang katotohanan ang akusasyong tinanggihan nila ang pasyente, at lalong hindi sila humingi ng deposito.
Wala raw available obstetrician na titingin agad sa pasyente, at wala rin daw available na dugo na gagamitin para sa transfusion.
Dagdag pa ng duktor, "It was best to advise immediate transfer to a tertiary hospital with the best available resources, who can immediately manage her case."
Narito ang kabuuang statement ng North Caloocan Doctors Hospital:

BERMUDEZ POLYMEDIC HOSPITAL
Nakausap naman ng Cabinet Files sa telepono si Dr. Eliseo Bermudez, ang may-ari ng Bermudez Polymedic Hospital, noong April 30.
Nanindigan si Dr. Bermudez na hindi sila tumangging tanggapin si Katherine Bulatao.
Sadyang wala lang daw kakayahan ang kanyang opsital na tugunan ang pangangailangan ng pasyente.
Pahayag ni Dr. Bermudez, "Gusto kong i-emphasize na hindi namin tinanggihan yung pasyente.
"Nagkataon lang na talagang yung pangangailangan niya, Category 1 Hospital lang kami.
"Nakita niyo naman siguro kung anong hitsura ng mga ospital na pinagdalhan sa pasyente—FEU, Commonwealth, Skyline, Grace…
"Bukod-tanging yung akin ang wala sa main road."
Ang Bermudez Polymedic Hospital ay matatagpuan sa Malaria Road, Caloocan City.
Patuloy ni Dr. Bermudez, "Itong ospital na ito ay ospital ng mga mahihirap, at saka Category 1 lang yung kanyang facility.
"Sa mga ospital, siya yung pinakamababa ang category."
Ang Category 1 hospitals ay hindi nangangailangan ng intensive care units (ICU), at tumutugon lamang sa mga pasyenteng nangangailangan ng minor care at supervision.
Tungkol kay Katherine, sabi ni Dr. Bermudez, "Yung case niya kasi, madaling sabihin na tinanggihan. Kasi iba yung tinanggihan, iba yung may kakayahan.
"Ang problem ng pasyente at that time is bleeding.
"Yung bleeding na ‘yon, walang puwedeng ipalit doon kundi blood din.
"Kulang kami sa pangangailangan ng pasyente.
"Kapag sinabi mong dugo, nandiyan kaagad yung dugo. Wala naman kaming blood bank, maghahanap ka pa.
"Kasi yung katulad namin na facility, ang tawag sa amin na available lang, blood station."
Dagdag pa nito, "Tapos, alam mo naman yung panahon natin ngayon, kung magtatawag ka pa ng OB-Gyne, hindi ka pa sigurado kung pupuntahan ka o kung may sasagot sa 'yo."
NO REPLY YET FROM GRACE GENERAL HOSPITAL AND SKYLINE HOSPITAL
Hiningi na rin ng PEP.ph ang pahayag ng pamunuan ng Grace General Hospital at Skyline Hospital and Medical Center, na parehong nasa San Jose del Monte, Bulacan.
Kasama sila sa anim na ospital na binanggit ni Jan Christian Bulatao na tumanggi umanong tanggapin ang kanyang asawa.
At press time, hindi pa sinasagot ng Grace General Hospital at Skyline Hospital and Medical Center ang sulat na ipinadala ng Cabinet Files noong April 30 para mailahad nila ang kanilang panig.
(Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika)