Kinuha ng Cabinet Files ang reaksiyon ng tatlong veteran showbiz personalities tungkol sa suhestiyon ng Philippine National Police (PNP) official na gamitin ang mga tsismoso at tsismosa sa paghahanap ng mga impormasyon tungkol sa mga kaso ng COVID-19.
Marami ang natawa at nag-isip na isang malaking biro ang suhestiyon ni PNP Region 7 Director Police Brigadier General Albert Ignatius Ferro na, sa halip na gamitin sa paninira, maaaring gamitin ang abilidad ng mga tsismoso at tsismosa sa contact tracing.
Sa ulat ng Cebu-based newspaper na Freeman noong July 22, sinabi ni Ferro na responsibilidad ito ng lahat ng mga Pilipino, hindi lamang ng gobyerno.
Ang mga awtoridad sa pagkalap ng mga balita na sina Boy Abunda, Cristy Fermin, at Mario Dumaual ang aming tinanong ng kanilang opinyon sa rekomendasyon ni Ferro na gamitin sa COVID-19 contact tracing ang mga tsismoso't tsismosa.
"How do you standardize a system to identify a tsismosa?" reaksiyon ni Boy, na halos hindi makapaniwala sa tanong na narinig niya.
Saad pa ng King of Talk, "I am incredulous kasi napakahirap naman yata na i-benchmark kung ano ang tsismosa na dapat gamitin sa contact tracing.
"At kung yung tsismosa, e, yung hindi nagsasabi ng totoo, baka mali ang contact tracing report?
"Napakadelikado ng konsepto.
"Una, ano ang definition ng tsismosa? Paano mo sila hahanapin?
"Ano ang kwalipikasyon, isa, dalawa, tatlo, sampung beses na tsismis? How do you measure that? That’s number one.
"Number two, the other argument is kung tsismosa ang magko-contact tracing, hindi reliable ang balita!" natatawa pero nalibang na sagot ni Boy.
Para naman kay Cristy, isang desperate move ng pamahalaan ang paggamit sa serbisyo ng mga tsismosa.
"Sobra namang desperado na ang gobyernong ito!
"Pati mga tsismosa, gagamitin na nila para sa pagtunton sa problemang hindi nila masolusyonan sa kapasidad nila!
"Kainis!” saad ng tinaguriang Queen of Intrigues
"Joke ba’to?” ang nagtataka namang sagot ni Mario.
Sabi pa ng veteran ABS-CBN entertainment reporter, "May mga off the record talagang backdoor info na nakukuha ang mga tsismoso.
"Pero for official purposes and given delicate health issues like right to privacy, dapat documented and confirmed ang lahat ng info sa COVID-19 contact tracing para may mas matibay na panghahawakang leads and other info."
Personally, hindi naniniwala ang Cabinet Files na makakatulong ang mga tsismoso at tsismosa sa COVID-19 contact tracing.
Parang bibigyan lamang sila ng lisensya na lalong makapanira ng kapwa sa pamamagitan ng pagkakalat ng mga balita na salat sa katotohanan.
Ilang beses nang naging source ng fake news si Department of Health Secretary Francisco Duque III nang dahil sa mga maling impormasyon na ibinigay niya tungkol sa mga kaso ng COVID-19 cases sa ating bansa.
Kung nagkakamali ang isang government official na katulad ni Duque sa paghahatid ng mga impormasyong naglalagay sa panganib ng kalusugan ng publiko, ang mga tsismosa at tsismoso pa kaya?
Isa ka bang showbiz fan na laging updated at naghahanap ng latest chika? Share what you know. Join here! https://bit.ly/PEPChika